Pages

22 February 2015

KUWARESMA: PAGPAPATINGKAD SA BAHAGHARI

Ang Unang Linggo ng Kuwaresma
Mk 1:12-15 (Gn 9:8-15 / Slm 24 / 1 Pd 3:18-22)


Ngayong unang Linggo ng Kuwaresma, bago pa marinig ang Salita ng Diyos, ipinipinta na po nito ang isang napakagandang tanawin sa kulay lilang kalangitan ng Kuwaresma: isang bahaghari!

Matapos ang delubyo, nakipagtipan ang Diyos kay Noah – at sa pamamagitan ni Noah, sa lahat ng mga nilalang – na hindi na Niya muling wawasakin ang daigdig sa pamamagitan ng baha.  Bilang tanda ng tipang ito, animo’y gumuhit ang Diyos ng bahaghari sa kalangitan.  Kaya nga po, para sa isang Judyo, ang bahaghari ay higit pa sa pagiging bahaghari lang.  Ang bahaghari ay paalala na tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako.  Para sa atin, gayon din naman po ang dapat: ang tunay na kayamanan sa paanan ng bahaghari ay ang katapatan ng Diyos sa Kanyang salita.

Subalit ang bahaghari ay hindi po isang permanenteng nakikitang palamuti sa kalangitan.  Lumilitaw lamang po ito kapag may ulan.  Hindi rin po kada may ulan ay lumilitaw ito.  At maging rumaragasang bagyo man ang tigatik na ulan, magpapakita lamang ang bahaghari paghupa ng unos.  Ngunit hindi man natin makita ang bahaghari, naniniwala pa rin po tayong may bahaghari roon sa itaas, sa napakalawak na kalangitan, sapagkat nananalig tayo sa katapatan ng Diyos sa atin.

Pero kumusta naman po ang katapatan natin sa Diyos?  Tapat po ba tayo sa Kanya?  Kung paanong may bahaghari ang Diyos para sa atin, may bahaghari rin po ba tayo para sa Kanya?  Ang Kuwaresma ay natatanging panahon para patingkarin natin ang ating bahaghari para sa Diyos kung paanong higit Niyang pinalilitaw ang Kanyang bahaghari para sa atin matapos ang maraming mga nakaraang araw ng tag-ulan sa ating buhay.

Hindi po natin kayang pigilan ang ulan.  Hindi po natin kayang pahupain ang unos.  Hindi po natin kayang madaliin ang paglitaw ng bahaghari.  Ang tanging magagawa lang po natin ay ang umasang laging tutupdin ng Diyos ang Kanyang pangako.  Umaasa po tayo sapagkat sumasampalataya tayo sa Kanya.  At hindi pa po Niya tayo binibigo.

Hindi po ba, kapag nahaharap tayo sa matitinding pagsubok sa buhay, nasasabi nating binabagyo ang buhay natin?  Sa gitna ng mga paghihirap sa buhay, hindi po ba sumasalok tayo ng lakas mula sa ating matibay na paniniwalang batid ni Jesus ang pinagdaraanan natin hindi lamang dahil alam Niya ang lahat ng bagay kundi sapagkat Siya rin ay Emmanuel, ang “Diyos-Na-Sumasaatin”?  At hindi lang po batid ni Jesus ang ating pinagdaraanan; sinsamahan Niya rin tayong dumaan.  Mapagmalasakit si Jesus, hindi lang po maalam.  Ang pananampalataya po natin sa mapagmalasakit na presensya ng Panginoon ang nagpopondo sa pag-asa natin sa Kanya: “At batid nating sa lahat ng bagay ay pinagsisikapan ng Diyos ang ikabubuti ng mga sa Kanya ay nagmamahal, silang mga tinawag ayon sa Kanyang layon” (Rom 8:28).  Maaaring hindi tayo laging makakita ng bahaghari sa kalangitan, subalit batid po natin na laging merong bahagharing nakapinta sa ating puso sapagkat Siyang unang nagpalitaw noon sa kalangitan ay nananahan sa atin.  Isa po sa mga biyaya ng Kuwaresma ay ang hubugin ang ating kakayahang makamit muli ang kamalayan natin ng pagkamangha at pagtataka sa mapagmahal, malikhain, at mapanligtas na presensya ng dakilang Manlilikha ng bahaghari sa ating buhay.

Kung sinuman po ang sumulat ng Ebanghelyo ayon kay San Marko, tila nagpipinta siya ng bahaghari sa puso ng bawat inuusig na alagad ni Jesus sa Roma noon.  Nang taong 64 A.D., sinunog ni Emperador Nero ang lungsod ng emperyo, subalit ibinintang po niya ito sa mga Kristiyano.  Kaya, sumiklab po ang malawakang pag-uusig sa mga alagad ni Jesus.

Samantalang isang linggo raw pong nasunog ang Roma, halos tatlong siglo naman pong tumagal ang malawakang pag-uusig sa mga Kristiyano.  Hindi po mabilang ang mga alagad ni Jesus – mga bata at matatanda, mga lalaki at mga babae, mayayaman at mga dukha, ang dinakip, pinahirapan, pinagsamantalahan, pinahiya, binastos, binugbog, at pinatay – lahat sa ikaaaliw ng mga pagano.  Kung kaya’t ang mga Kristiyano noong mga panahong iyon sa Roma ay namumuhay po sa walang-humpay na pagkasindak.  Subalit ang pananamplataya nila sa Panginoon ay higit pa sa pagiging magiting.  Ang Ebanghelyo ni San Marko, ang unang nasulat na Ebanghelyo, ang isa sa mga nagpa-alab ng pananampalataya sa puso ng mga inuusig na Kristiyano, nagpatatag sa kanilang pag-asa kay Kristo, at nagpanatili ng kanilang pag-ibig na hindi lamang para sa kanilang mga kapanalig kundi para rin po sa umuusig sa kanila.

Sa kinatatayuan po natin ngayon sa napakahaba at nagpapatuloy na kasaysayan ng Santa Iglesiya, nakikini-kinita lang natin ang napakatinding ng tukso para sa mga Kristiyano noong panahon ng malawakang pag-uusig na isakompromiso ang kanilang pananampalataya sa Diyos, mag-alinlangan sa halip na umasa kay Jesus, at ipagpalit ang pagkamapagmalasakit sa kapwa para sa pagkamakasarili upang maligtas sa malagim at tiyak na kamatayan.  Marami sa kanila ang bumigay at tumalikod sa pananampalatayang Kristiyano, subalit higit pa pong marami ang hindi natinag at, sa pamamagitan ng tulong ng Diyos, ng pananalanging sama-sama, at ng pagdadamayan ng sambayanan, nakamit nila ang putong ng pagiging martir.  Masasabi pong noong mga panahong iyon ng malawakang pag-uusig sa mga Kristiyano, ang bahaghari ng Diyos ay higit na matingkad sa kalangitang pinapula ng dugo ng mga martir.

Sa kalangitan ng ating buhay, kailan po ba pinakamatingkad, pinakamaganda, pinakanapapahalagahan ang bahaghari ng Diyos?  At kailan naman po ba kailangang-kailangan, dalisay na dalisay, tutoong-tutoo ang bahaghari natin para sa Kanya?  Saan po ba madalas lumilitaw ang bahaghari ng Diyos para sa atin at ang bahaghari natin para sa Diyos?

Bihirang-bihira pong umulan sa ilang, subalit, ngayong araw na ito sa Ebanhelyo, iginuguhit ng Salita ng Diyos ang isang bahaghari sa nakadadarang na kalangitan ng disyerto.  Si Jesus ay sinubok ni Satanas, subalit Siya ay nagwagi.

Ang salin po sa Pilipino ng Ebanghelyo ngayong araw na ito ay gumagamit sa salitang “tinukso” sa halip na “sinubok”.  Sa aking palagay, hindi po tumpak ang pagkakasalin.  Sa orihinal na tekstong Griyego po kasi, peirazo ang ginagamit, at ang kahulugan po ng pierazo ay “sinubok” hindi “tinukso”.

May bersyon po ang mga Ebanghelyo ayon kay San Mateo at San Lukas ng narinig nating Ebanghelyo ngayon mula kay San Marko.  Subalit, kay San Mateo at San Lukas, ang diin po ay ang pagtukso ng demonyo kay Jesus para magkasala: inakit Siya ng demonyo subalit hindi bumigay si Jesus.  Sa Ebanghelyo po naman ayon kay San Marko, si Jesus ay sinubok ni Satanas.  In the Gospels according to Matthew and Luke, Jesus was tempted.  In Mark, Jesus was tested.

Yaon pa lamang pong katagang “Satanas” sa bersyon ni San Marko, sa halip na “demonyo” na siyang sa mga bersyon nila San Mateo at San Lukas, malinaw nang pahiwatig na si Jesus ay sinubok at hindi lamang tinukso.  Si Jesus ay  inusig ng “Kaaway”, ng “Kalaban”, siyang humahadlang sa pagtupad sa kalooban ng Diyos, sapagkat yaon nga po ang kahulugan ng katagang “Satanas”.  Samakatuwid, para kay San Marko, bago pa magpakita si Jesus sa publiko – mangaral at magkawanggawa – ang katapatan Niya sa Kanyang Ama, ang pasiya Niyang maging mapagtalimang Anak ng Diyos ay sinubok na.

Sa isang banda, inilalahad nila San Mateo at San Lukas na si Jesus ay tinukso rin tulad natin.  Sa kabilang banda naman po, isinasalaysay ni San Marko na si Jesus, tulad din natin muli, ay hindi rin ligtas sa mga pagsubok sa buhay.  Kung paanong tinukso si Jesus subalit hindi Siya nagkasala, gayundin naman po sinubok Siya at napatunayan talagang matatag.

Nilisan nga po ni Jesus ang ilang, subalit hinding-hindi naman Siya nilisan ni Satanas, sapagkat nagpatuloy ang panunubok ni Satanas sa katapatan ni Jesus sa Kanyang Ama maging anuman ang kapalit.  Halimbawa po, nang minsang makutuban ni Jesus na gusto na namang mag-“moment” nitong si Satanas, tinawag ni Jesus na “Satanas” si Simon Pedro sapagkat tinangka nitong ilihis si Jesus sa pagtupad sa Kanyang misyon.  Kung kaya’t, sa Mk 8:33, pinagalitan Niya si Simon Pedro at sinabi, “Lumayo ka sa Akin, Satanas!  Hindi mo iniisip ang mga bagay ukol sa Diyos, kundi ang mga bagay ukol sa mga tao.”

Hinarap po ni Jesus si Satanas at, sa bawat pagkakataon, tinalo Niya ito.  Ngunit wala pong lumilitaw na bahaghari kada matapos ang unos sa buhay ni Jesus.  Maging nang Siya po ay mamatay sa krus, ang lupa ay nayanig, ang kalangitan ay kumulog, subalit walang bahagharing lumitaw.  Ang pananalig ni Jesus sa pag-ibig ng Kanyang Ama – opo, tahimik, ngunit nananatili – ay higit na maningning, ginagapi nito ang kadiliman ng kasalanan at kamatayan.  Maging sa mistulang kawalan ng anumang hayag na tanda, nagtiwala si Jesus sa katapatan ng Kanyang Ama.  Siya po mismo, si Jesus, ang naging bagong tanda ng katapatan ng Diyos sa sankatauhan, ang bagong Bahaghari ng Diyos hindi lamang para sa mga Judyo kundi para sa lahat ng tao.  Dahil sa Kanyang magmuling-pagkabuhay, si Jesus ang walang-kasingandang Bahaghari ng buhay ng tao.  Nang isulat ng may-akda ng Ebanghelyo ayon kay San Marko ang kuwento ni Jesus, ipinipinta po niya ang Bahagharing iyon sa malagim na kalangitan ng malawakang pag-uusig sa mga Kristiyano sa Roma.  Si Jesus po ang Bahagharing iyon.  Ang Bahagharing iyon ay para rin po sa inyo at para rin sa akin.

Sa gitna ng mga pagsubok, hindi lamang mga tukso, huwag po tayong mawawalang ng lakas-ng-loob at huwag na huwag po tayong susuko sa pagkasindak at kawalang-pag-asa.  Harapin po natin ang Satanas sa buhay natin, maging sinuman o anuman ito, at, laging kaisa ni Jesus, magtagumpay tayo.  Maaaring walang bahagharing lilitaw sa kalangitan, subalit, sa ating puso, meron pong tiyak na laging nagniningning sapagkat sa puso natin nananahan si Kristo – ang Bahaghari ng Diyos.

Sa ikalawang pagbasa, itinatanghal po ni Simon Pedro ang nag-iisang Bahagharing hindi kayang ikukubli ng kahit na pinakamabagsik na unos: si Kristo Jesus.  Sa pamamagitan ng tubig ng Binyag, na paunang inilalarawan ng baha noong panahon ni Noah, napasa-ating puso ang “Bahagharing” ito.  Magningning nawa Siya.  Hayaan po natin Siyang magningning sa pamamagitan natin.  Pagningningin po natin Siya upang magbigay-patutoo sa katapan ng Diyos sa atin at ng katapatan natin sa Diyos.

Nang may mapagkumbaba at nagtitikang puso, pumasok po tayo nang lubusan sa diwa ng banal na panahon ng Kuwaresma: manalangin nang mabuti, magsakripisyo nang mabuti, magmalasakit nang mabuti.  At, tiyak, palilitawin ng Kuwaresma ang Bahaghari ng Diyos sa ating puso.









No comments:

Post a Comment