Pages

13 February 2015

HAPLOS SA HIWAGA NG PAGHIHIRAP NG TAO

Ika-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk 1:40-45 (Lev 13:1-2, 44-46 / Slm 31 / 1 Cor 10:31-11:1)


Noong nakaraang Linggo, nangusap po sa atin ang Panginoon tungkol sa hiwaga ng paghihirap ng tao.  Ngayong araw na ito, patuloy Siyang nagsasalita sa atin tungkol dito.

Noon pong nakaraang Linggo, may mukha ang paghihirap ng tao: Job ang pangalan niya.  Si Job ay matuwid na tao subalit labis-labis siyang nagdusa hanggang sa mistulang isang hibla na lang ang natitira sa kanyang pananamapalataya sa Diyos.  Si Job ay isa pong malinaw na halimbawa ng taliwas sa pangkaraniwang pananaw ng mga tao sa Lumang Tipan na ang paghihirap ay parusa ng Diyos.  Si Job ay isang malakas at nakababagabag na sigaw nating lahat at hindi masagot na katanungan sa buhay, maging ng Bibliya: “Bakit ang matutuwid na tao ay naghihirap samantalang ang masasama ay nananagana?”  Magpahanggang ngayon, ang karanasan ni Job ay naririnig pa rin sa tanong nating lahat, lalung-lalo na kapag tayo ay nagsisikap mamuhay nang matuwid subalit dumaranas ng matinding pighati: “Bakit ako nagdurusa?  Bakit, sa dinamirami ng mga tao sa balat ng lupa, ako pa?”  Subalit sa kabila ng hindi matinag-tinag na pananampalataya ni Job sa Diyos, hindi nasagot ang mga katanungan niya tungkol sa pagdurusa ng taong matuwid.  Tunay po, sa katapusan ng kanyang kuwento, nakamit muli ni Job ang mga nawala sa kanya subalit nanatiling mga katanungan ang mga tanong niya tungkol sa paghihirap ng tao, lalung-lalo na ng taong matuwid.

Maging ang Ebanghelyo noong nakaraang Linggo at maging ang buong Bibliya ay walang sagot sa mga tanong natin tungkol sa mga paghihirap ng tao.  Sa Kanyang mga pangangaral, paglalakbay, at paglilingkod, nakatagpo ni Jesus ang hindi lamang iisang Job.  At hindi lamang po kitang-kita natin, bagkus ay damang-dama rin, na lubhang nababagbag ang damdamin ni Jesus sa napakarami at tila walang katapusang pagdurusa sa Kanyang paligid.  Maging Siya po mismo ay nakipagbuno sa katotohanan at hiwaga hindi lamang ng paghihirap sa mundo kundi pati na rin ng kamatayan ng tao.  At sa sariling sukdulang pagdurusa, ayon sa Mt 27:46 at Mk 15:34, maging sa mga labi ni Jesus ay namutawi ang tanong ng ikadalawampu’t dalawang Salmo, “Diyos Ko, Diyos ko, bakit Mo Ako pinabayaan?”

Sinagot po ba si Jesus ng Kanyang Ama?  Opo.  Subalit ito po ang sagot sa Kanya: hinayaan Siyang mamatay upang magmuli Siyang buhayin sa ikatlong araw.  Binigyang-liwanag ni Jesus ang hiwaga ng paghihirap at kamatayan ng taong matuwid sa pamamagitan ng sarili Niyang paghihirap at kamatayan.  Ang sagot kay Jesus ng Kanyang Ama ay ang maluwalhating tagumpay ng magmuling-pagkabuhay.  Sabi po ni San Juan Pablo II sa kanyang Liham Apostoliko na pinamagatang “Salvivici Doloris”, sapagkat pinasok ni Jesus ang karanasan natin ng paghihirap magpahanggang kamatayan, ang atin daw pong paghihirap ay nagkaroon ng bagong kahulugan: maaari itong maging bukal ng hindi malirip na grasya.

Sa aklat na “The Brothers Kamarazov”, isinasalaysay ng may-akdang si Fyodor Dostoevsky ang isang tagpo sa concentration camp sa Auschwitz.  Tatlong bihag na Judyo raw po ang binitay sa harap ng madla.  Isa raw po sa mga binitay ay isang batang labis-labis ang paghihirap bago tuluyang malagutan ng hininga.  Sukdulan daw po ang paghihirap ng batang nakabigti kaya’t isa sa mga nakamasid ang sumigaw, “Nasaan ang Diyos ngayon?”  At narinig daw po ni Elie Wiesel, isa sa mga tauhan sa nobela, ang isang tinig mula sa kanyang kaloob-looban na nagsasabing, “Nasaan ang Diyos?  Hayan ang Diyos – nakabigti.”

Kakaiba po ang mga paraan ng Diyos, hindi ba?  Minsan po tahasan Niyang inaalis ang anumang nagpapahirap sa atin para tayo ay guminhawa.  Pero madalas po ang paraan Niya ay ang pakikisalo sa ating paghihirap, pakikiranas sa ating pagdurusa, pakikisama sa ating matinding pinagdaraanan.  At dahil kasama natin Siya, karamay natin Siya, kasalo natin Siya sa ating pighati, maging sa karanasan ng pagkamatay, nababago hindi lamang ang ating pagtingin at pakiramdam sa ating pasan-pasan kundi pati rin ang ibinubunga nito sa atin: ang kahinaan ay nagiging kalakasan; ang kahihiyan ay nagiging kapakumbabaan; ang karamdaman ay nagiging kaligtasan; ang kamatayan ay nagiging simula ng buhay na walang hanggan.

Kapag hirap na hirap na po tayo, huwag nating hanapin si Jesus sa kung saan o kung kanino.  Kasama natin Siya.  Tayo po mismo Siya.  Naghihirap.  Nagdurusa.  Namimighati.  Mapagtiwalang naghihintay na ibabangon tayo ng Ama Niya at atin ding Ama.

Inaabot po tayo ni Jesus.  Hinahawakan.  Hinahaplos.  Kung nagawa ito ni Jesus sa maraming mga ketongin sa Ebanghelyo, gagawin at ginagawa rin po Niya ito sa atin magpahanggang ngayon.  Hindi Siya nagdadalawang-isip kung karapat-dapat man tayo o hindi.  Hindi nandidiri sa ating mga sugat.  Hindi namumuhi sa ating marupok na pagkatao.  Hindi nahihiya na baka may masabi sa Kanya ang iba kung makitang kasa-kasama natin Siya.  Hindi natatakot kahit na ano pa at sino pa ang humahadlang.

Ang hamon po sa atin ay hindi lamang maging matatag sa gitna ng ating kani-kaniyang mga paghihirap kundi tumulad din kay Jesus sa Kanyang pakikipag-kapwa sa mga nagdurusa.  Hindi po ba sinasabi nating mga alagad tayo ni Jesus?  Kung gayon tularan natin Siya na marunong mahabag at wagas kung magmalasakit sa mga namimighati.  Sa pagpapadama po natin ng habag at malasakit sa mga nagdurusa hindi pa rin natin nasasagot ang tanong tungkol sa paghihirap ng tao sa mundo, subalit sinasabi po sa kanila ng ating kongkretong pagtulad sa mahabagin at mapagmalasakit na Jesus na hindi nila kailangang tiising mag-isa ang kanilang pinagdaraanan, may katapusan ang lahat, at, kung paanong kasama nila si Jesus sa kanilang pagdurusa, kasama rin naman sila ni Jesus sa Kanyang maluwalhating tagumpay.

Ang paghihirap ng tao ay hiwaga, hindi problema.  Naghahanap po ng solusyon ang problema.  Ang hiwaga, katulad ng ketongin sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, ay naninikluhod at nakikiusap ng kaliwanagan.  Tanging ang haplos ni Jesus ang nagbibigay-kaliwanagan sa hiwagang ito.

Nawa, ang bawat-isa po sa atin ay maging maraming haplos ni Jesus sa taong nagdurusa. Opo, kahit pa bawal haplusin ang taong “ketongin”, gaya ng ginawa ni Jesus.

No comments:

Post a Comment