Solemnidad ng Epifania ng Panginoon
Mt 2:1-12 (Is 60:1-6
/ Slm 71 / Ef 3:2-3, 5-6)
Mapaghanap po ba kayo? Kanino?
Ano po ba ang madalas ninyong hanapin?
Sino ang palagi ninyong hinahanap?
Mahusay naman po ba kayong maghanap?
Alam n’yo po ba na ang unang tanong ng
Diyos ay tanong ng paghahanap? Sa
ikatlong kabanata ng Aklat ng Genesis, isinasalaysay na matapos suwayin ng
unang nilikhang mga tao ang utos ng Diyos agad po silang nagtago. Sa una, tinakpan muna nila ang kanilang
kahubaran: nahiya. Tapos, tuluyan na po
silang nagtago: natakot. Pinagtaguan
nila ang Diyos. At dahil mahal na mahal sila
ng Diyos, hinanap po Niya sila.
Ang mga mahal natin, lagi natin silang
hinahanap, hindi po ba? Ang mga hindi
naman, kahit katabi na, hindi pa rin napapansin o hindi pinapansin. Nakasalubong na sa daan, pero parang hindi
nakita. Yung iba pa nga, sadyang
iniiwasan. Pero kapag mahal, naku po, konting
kibo, miss na miss na raw agad! Ang mga
mahal natin, gusto nating laging makita, laging makasama, laging makaulayaw.
Si Jesus – talaga po ba nating mahal? Hinahanap n’yo rin po ba Siya? Madalas n’yo rin po ba Siyang hanapin? Eh, natatagpuan n’yo naman po ba Siya? Baka hindi kasi hindi naman talaga Siya ang
hinahanap ninyo. Baka akala n’yo lang po
Siya ang hinahanap ninyo pero hindi naman pala talaga. Baka rin ang hinahanap ninyo ay ang binuo
ninyong konsepto tungkol kay Jesus at hindi si Jesus talaga. Nakakalungkot po iyan kasi kadalasan, ni wala
kayong kamalay-malay na hindi na pala talaga si Jesus ang ninanais n’yo kundi
ang konsepto ninyo tungkol sa Kanya.
Kapag
talaga po nating hinanap si Jesus, lagi natin Siyang natatagpuan. Bakit?
Kasi po hindi naman Niya tayo pinagtataguan. Siya nga po itong laging naghahanap sa atin
eh. Hindi po ba si Jesus ang Mabuting
Pastol? Isa sa mga pangunahing gawain ng
pastol ay ang hanapin ang tupa.
Sa Gen 3:9, nasusulat po ang unang
tanong ng Diyos sa tao. “Nasaan ka?”
tanong ng Diyos kay Adan. Sinagot po ba
ni Adan ang tanong ng Diyos? Hindi. Sinabi lang po ni Adan sa Diyos na nagtatago
nga siya dahil siya ay hubad. Hindi po
niya sinabi sa Diyos kung saan siya nagtatago.
Ang sinabi lang niya sa Diyos ay ang alam na ng Diyos: nagtatago
siya. Hiyang-hiya po siya kaya nagtakip
ng katawan; tapos sa sobrang takot, nagtago siya.
At
nagsimula ng paghahanap ng Diyos sa tao.
Nang niloob ng Diyos na putulin ang
kasamaang lumaganap sa sandaigdigan, naghanap po Siya ng pagmumulan ng bagong
sankatauhan. Sa Gen 6, natagpuan ng
Diyos si Noah. Nang maghanap ang Diyos
ng magiging ama ng mga nananampalataya sa Kanya, natagpuan po niya si Abraham
sa Gen 12. Nang maghanap ang Diyos ng
lahing panggagalingan ng bayang Israel, natagpuan po niya si Jacob sa Gen
25. Nang maghanap ang Diyos ng magliligtas
sa Israel mula sa matinding taggutom, natagpuan po niya si Jose sa Gen 37. Nang maghanap po ang Diyos ng magpapalaya sa
Kanyang Bayan mula sa pagkakaalipin sa Ehipto, natagpuan Niya si Moises sa Ex
3. Tapos ang Diyos naman po ang
hinanapan ng mga Israelita: gusto nila ng hari!
Natagpuan po ng Diyos, sa 1 Sam 9, si Saul. Ngunit sa kalaunan, ang pamumuhay ni Haring
Saul ay naging hindi kalugud-lugod sa Diyos kaya naghanap ang Diyos ng ibang
hari para sa Kanyang Bayan. Natagpuan po
Niya si David sa 1 Sam 16. Nais ni
Haring David ipagtayo ang Diyos nang magarang tahanan, subalit hindi po pala
iyon ang kalooban ng Diyos para sa kanya.
Sa 1 Hari 1:30, natagpuan po ng Diyos ang kahalili ni David na siyang
nagtayo ng Templo para sa Diyos: si Haring Solomon.
Sa kasaysayan ng kaligtasan,
napakarami pa pong hinanap ang Diyos hanggang sa makahanap Siya ng babaeng
magdadalantao at magsisilang sa Kanyang Anak na si Jesus. Sa Lk 1:26-38, natagpuan ng Diyos si Maria
gaya po ng Kanyang inihanda bago pa ito isilang. Pero hinanap naman po ni Jose ang ama ng
batang ipinagdadalantao ng katipan niyang si Maria. At sapagkat ito pong si Jose ay isang taong
matuwid at marunong manahimik, natagpuan niya ang Diyos. Ngunit nang isisilang na po ang Anak ng
Diyos, natatarantang naghanap si Jose ng disenteng lugar subalit isang hamak na
sabsaban lamang ang kanyang natagpuan para sa Diyos.
At umigting po ang kuwento ng paghahanap.
Sa takdang panahon, hindi na lamang po
ang Diyos ang naghahanap sa tao; bagkus, hinahanap na rin ng tao ang
Diyos. At isang kabalintunaan sapagkat
pagsapit ng Pasko, gayong ang Diyos ay nasa piling na mismo ng mga tao,
umigting ang paghahanap ng tao sa Kanya. Hinahanap ng tao ang Diyos hindi sapagkat pinatataguan
siya ng Diyos kundi sapagkat bagamat kapiling na nga niya ang Diyos ang Diyos ay
hindi niya agad makilala dahil tao na rin pala ang Diyos!
At ang
mga aba at mababang-loob ang unang nakatagpo sa Kanya.
Matapos balitaan ng mga anghel, sa Lk
2:16, natagpuan ng mga pastol ang Anak ng Diyos, sa sabsaban, kasama ng Kanyang
inang si Maria. Sila po ang mga unang
saksi na ang Diyos ay naging kapwa-tao nila.
At higit pa sa pagiging kalahi nila, ang Diyos pala ay katulad nila:
abang-aba, dukhang-dukha, walang-wala.
Silang mga walang ibang kinakapitan
kundi ang Diyos – sila po ang agad nakakikita sa Diyos. Ngunit ang mga maraming kinakapitan maliban
sa Diyos – gaya ng kayamanan, katanyagan, kapangyarihan – paano po nila
makikita ang Diyos kung silaw na silaw na sila sa ibang bagay? Kung ang tao ay binulag na ng mundo, paano po niya
makikita ang Diyos?
Subalit hindi naman po kayamanan
talaga ang hadlang para matagpuan ang Diyos.
Ang kayamanan mang ito ay sa anyo ng salapi, pinag-aralan, estado sa
lipunan, impluwensya, mga pribilehiyo, at iba pa, sapagkat ang kayamanan ay maaari
rin pong gamitin para matagpuan ang Diyos.
Tulad ng mga mago o pantas mula sa Silangan – mga taong may sinasabi – nakita
rin nila ang Anak ng Diyos.
Pero
kaya po nakita ng mga mago ang Diyos ay sapagkat hinanap nila Siya. At para sa mga taong sintaas ng estado sa
lipunan tulad ng mga magong ito, kailangan ng kapakumbabaan para maghanap,
magtanong, mangapa, magtaya, at magpagabay. Paano nga po ba maghahanap ng ibang tao ang isang
taong punung-puno na ng kanyang sarili? Paano
magtatanong ang taong mayabang? Paano magtataya
at magpapagabay ang taong hambog? Kaya nga
po, nakakalungkot, paano maliligtas ang taong napakataas ng tingin sa sarili? Paano po makikita ang Diyos ng taong ayaw magpakumbaba?
Anuman ang ating kinalalagyan sa
buhay, anuman ang ating posisyon sa lipunan, anuman ang ating pinag-aralan,
anuman ang meron tayo, tayo po ba ay abang tanging Diyos lamang ang
kinakapitan? At sapagkat meron din naman
pong dukhang-dukha na nga pero ketataas pa ng ere, mapagkumbaba rin ba tayo?
Kaya nga po, ngayon ay hindi
kapistahan ng mga mago. At mas lalo rin naman
pong walang “Feast of the Three Kings” sa ating mga liturhikal na pagdiriwang. Kapistahan po ngayong ng maluwalhating
pagpapakita o “epifania” ng Panginoon.
At itinuturo po sa atin ng kapistahang ito at, sa katunayan, ng buong
kapaskuhan, kung paano natin makikita, matatagpuan, makikilala, at mararanasan
ang Diyos sa buhay natin. Kung tutoo
pong Siya lang ang kinakapitan natin at wagas ang ating kababaang-loob,
hinding-hindi po tayo maghahanapan ng Diyos.
No comments:
Post a Comment