Pages

18 December 2014

KULANG

Ika-apat na Misa de Gallo
Lk 1:5-25 (Hkm 13:2-7 at Slm 70)


May word for the day po tayo araw-araw.  At para hindi po natin malimutan, review-hin po muna natin sandali.  Noong unang Misa de Gallo, ano po ang ating word for the day?  Patutoo!  Noong ikalawa, ano po ang ating word for the day?  Ama.  Kahapon naman po, ano ang word for the day natin?  Katahimikan.  Ngayon namang ika-apat na Misa de Gallo, sa palagay ninyo, ano po ang ating word for the day?

Kulang – iyan po ang ating word for the day ngayong ika-apat na Misa de Gallo.  Parang hindi po magandang word for the day, hindi ba?  Ke-aga-aga, kulang agad.  Paskong-pasko, kulang.  Magba-Bagong Taon, kulang pa rin.  Baka pati po katabi ninyo ngayon kulang-kulang na.  Pero, malakas po ang kutob ko, kinakausap tayo ngayon ng Diyos sa mamamagitan ng word for the day na ito: kulang.

Tingnan po ninyo, ngayon pa lang po, kulang na tayo.  Hindi na po tayo kumpleto: noong nakaraang Pasko, nandito pa sila, pero ngayon wala na sila.  Ang iba sa kanila kasi lumipat na ng bahay.  Ang iba naman, sumakabilang-buhay.  At meron di pong sumakabilang-bahay, hindi ba?  Katabi mo lang sila last year, ngayon katabi mo pa rin naman pero kaluluwa na lang.

Hindi na po tayo kumpleto: nabawasan na tayo.  Ang ibang mga kasama nating noong unang Misa de Gallo, wala na ngayon.  Meron sa kanila hindi pa gising.  Meron din naman pong baka tuluyan nang hindi magising.

Pati tulog natin, hindi na po kumpleto.  Apat na araw na rin tayong puyat.  Napakaaga po nating gumigising para mag-Misa de Gallo sapagkat kaakibat ng pagnonobenang ito ang pagsasakripisyo.  Baka nga po ang iba sa atin hindi na natutulog at hinihintay na lang ang oras ng Misa de Gallo.

Kung tutuusin, lagi naman po talagang may kulang sa atin.  Minsan tayo ang nagkukulang.  Minsan din naman po, tayo mismo ang kakulangan.  “Alam mo, nasa kanya na sana ang lahat, pero may kulang pa pala,” narinig na po natin ang komentaryong ito, hindi ba?  O kaya, “Hindi ka dumating.  Wala ka kaya kulang kami.  Sayang.  Natalo tuloy tayo by default.”

Marami at iba’t iba nga po ang mga kulang sa buhay ng tao.  Wala pong taong kumpletong-kumpleto na.  “Kumusta ka?” tanong mo sa kaibigan mo.  “Sakto lang,” sagot sa iyo.  Yung saktong iyon po ay hindi kaparis ng kumpleto.  “Ayos lang” ang kahulugan ng “sakto”.  Ibig sabihin, may kulang pa rin pero kontento na ang kaibigan mo sa kung ano ang meron siya.

Kayo po, ano ang kulang sa inyo?  Kumusta po kayo?  Sakto lang ba?  Kung hindi, bakit po hindi kayo kontento?  Ano po ang gusto n’yo?

Si Manoah at Zekarias – mga tauhan sa unang pagbasa at Ebanghelyo natin ngayong ika-apat na Misa de Gallo – ay may malaking kulang sa buhay.  Wala po silang kani-kaniyang anak.  At sa isang lipunang malalim ang pananaw na mga biyaya ng Diyos sa mga mag-asawa ang mga anak at ang hindi magka-anak-anak ay malamang pinarurusahan ng Diyos, matinding-matindi po ang kakulangan sa buhay ng dalawang taong ito.  Ang walang anak – lalo na anak na lalaki – ay walang ambag sa ikasisilang ng pangakong Mesiyas.  Malamang, damang-dama po ni Manoah at Zekarias ang kahihiyan ng kanilang pagkalalaki.  At kasama ng kani-kanilang asawa, parang pinapaso sila ng mga mapansuspetsyang pagtingin ng mga kapitbahay nila: “Ano kayang masamang ginawa ng mag-asawang iyan at hindi magka-anak-anak?”

Pero hindi naman po si Manoah at Zekarias ang may diperensya.  Damay lang po sila talaga.  Malinaw po sa mga pagbasa, baog ang mga misis nila.  Kahit anong gawin ni Manoah at Zekarias, talagang hindi sila magkaka-anak; maliban na lamang po kung kukuha sila ng ibang asawa.  Pero, sa kabila ng lahat, malinaw na mahal na mahal nila ang kani-kanilang asawa sapagkat hindi po nila sila pinalitan o dinagdagan kaya para magka-anak lang.  May kulang nga sa buhay nila pero hindi po iyon pagmamahalan.  At kapag may pagmamahalan, saktong-sakto na po kahit kulang.

Minsan po nadadamay lang din tayo sa kahihiyan o kakulangan ng mga mahal natin sa buhay, hindi ba?  Wala tayong kasalanan pero pati tayo nasisisi, napagagalitan, at naparurusahan.  Pero dahil mahal nga natin sa buhay, ayos lang po sa atin ang lahat: sasaluhan natin sila sa kanilang kakulangan.  Walang iwanan.  Dahil po sa pag-ibig, sakto lang.

Mga kabataan, kapag may kulang sa mga magulang ninyo, nilalayasan n’yo ba sila?  Mga magulang, kapag may kulang sa mga anak ninyo, pinababayaan n’yo po ba sila?  Mga kapatid, kapag may kulang sa kapatid ninyo, tinatalikuran n’yo ba sila?  Kapag may kulang sa kaibigan ninyo o sinumang sinasabi ninyong mahal ninyo, iniiwan n’yo ba siya, pinapalitan n’yo ba siya, ipinagpapalit n’yo ba siya?  Kapag sa sarili ninyo mismo, sa buhay ninyo mismo ay may kulang, isinisisi n’yo po ba iyon sa Diyos?

Si Manoah at Zekarias, hindi nila sinisi o iniwan o pinalitan ang kani-kanilang asawa.  Ito pa nga pong si Zekarias at asawa niyang si Elizabeth, tumanda nang magkasama.  Sa kabila ng malaking kulang sa buhay ni Manoah at Zekarias, na hindi naman po sila ang maysala, nanatili pa rin silang tapat sa kani-kanilang asawa.

Ngunit, higit po sa lahat, kasama ng kani-kanilang asawa, patuloy silang nanalig sa Diyos.  Hindi po nila isinisi sa Diyos ang kulang sa buhay nila.  At dahil patuloy po silang nanalig sa Diyos, hindi nila isinuko ang kanilang pag-asa sa Kanya.  Patuloy po silang namuhay nang matuwid at naghintay sa pagdating ng Mesiyas.  Marahil, dalangin nila, hindi man sila datnan ng anak, sana datnan naman sila ng grasya ng Diyos.

Si Manaoh at ang kanyang asawa ay dinatnan ng grasya ng Diyos sa anyo ng kanilang anak na si Samson.  Kay Zekarias at Elizabeth naman po ay si Juan ang grasyang dumating.  Parehong ang mga anak nila ay magiging mahahalagang tao sa kasaysayan ng kaligtasan.  Si Samson, ang pinakahuling hukom sa Lumang Tipan, ay pinagkalooban ng Diyos ng walang-kaparis na lakas upang ipagtanggol ang Kanyang Bayan laban sa mga kaaway nito.  Si Juan naman po, na ayon sa Lk 1:17 ay pinagkalooban ng diwa at kapangyarihan ni Propeta Elias, ay naging patutoo ng katotohanan at tagapaghanda ng daraanan ng Poon.  Pinuno ng Diyos ang kulang sa buhay nila Manoah at Zekarias, at ng kani-kanilang asawa.

Nang magsimula po ang panahong ito ng Adbiyento, sinabi ko sa aking mga pagninilay na ang Adbiyento ay napakagandang panahon ng paghihintay.  Ito po ay katangi-tanging panahon ng paghihintay sapagkat itinuturo nito sa atin na pati ang Diyos ay kailangan nating hintayin.  Hindi natin puwedeng madaliin ang Diyos; hindi natin kayang apurahin.  At kapag hinihintay natin ang Diyos, nagpapatutoo po tayo sa ating sariling karukhaan at sa kadakilaan ng Diyos: hangga’t wala ang Diyos, kulang tayo.  Ang Diyos ang kumukumpleto sa kulang natin.  Siya po ang pumupuno sa ating kakulangan.  At ang ating paghihintay sa Kanya ay nagiging isang napakalalim na panalangin.

No comments:

Post a Comment