Paggunita sa Lahat ng Mga Pumanaw na
Kristiyano
Jn 14:1-6 (2 Mac
12:43-46 / Slm 103 / Rom 8:31-35, 37-39)
Ang hirap pong sumulat ng homilya tungkol sa kamatayan. Marahil, sapagkat
iisang panig lang po ang karanasan natin nito.
Tayo pa lang ang namamatayan, hindi pa po tayo namamatay. Ang anuman pong masasabi natin tungkol sa
kamatayan ay laging hindi balanse: lagi tayo ang naiiwan. At kadalasan po, higit na malungkot ang maiwan
kaysa ang mang-iwan.
Kung sabagay, hindi naman po talaga
tayo iniwan ng mga mahal natin pumanaw. Kasa-kasama
pa rin po natin sila, ngunit nagbago na ang kanilang pag-iral. Patuloy pa rin po tayong nabibigkis sa kanila
hindi lamang sa pamamagitan ng mga alaala ng ating pinagsamahan kundi, higit sa
lahat, sa pamamagitan ng pag-asang bunga ng pananampalataya natin kay Jesus na
balang-araw tayo’y magsasama-samang muli at kailanma’y hindi na magkakahiwalay.
Sa liwanag ng ating pananampalatayang
Kristiyano, maaari lamang po nating masdan ang kamatayan sa pamamagitan ng mga
mata ng pag-asa. Umaasa po tayong hindi
kamatayan ang wakas ng lahat. Umaasa po
tayong may buhay sa kabila. Umaasa po
tayong mabubuhay tayong magpakailanman.
Umaasa po tayong magiging ganap na kaligayahan ang buhay na iyon. Umaasa po tayong makakasama ang mga nauna sa
atin sa kabilang-buhay. Umaasa po tayong
makikita at makakapiling natin ang Diyos at mga banal magpawalang-hanggan. At ang pag-asa nating ito ay hindi po pag-asa
ng mga taong hindi sigurado kung matutupad o hindi ang kanilang inaasahan. Hindi po ito pag-asang walang-laman. Hindi po ito pag-asang nakasulat sa
tubig. Hindi pag-asang suntok sa
buwan. Natitiyak po natin ang pag-asang
ito at bagamat hindi natin nakikita ang ating inaasahan – sapagkat paano nga
ito pag-asa kung nakikita na ito – siguradong-sigurado po tayo sa katuparan
nito.
Ang kaseguruhan ng ating pag-asa ay
naka-ugat po sa ating pananampalataya kay Kristo Jesus. Siguradong-sigurado po tayo na may
kabilang-buhay, na buhay ang mga mahal nating yumao, na kapiling ng Diyos ang
mga nagsikap mamuhay nang matuwid, na pananagutan ng tao ang kanyang naging uri
ng pamumuhay, na makikita nating muli ang mga mahal nating pumanaw at, kung
mamarapatin, ay makasasama natin silang muli at hindi na magkakawalay pa kahit
kailan, hindi sapagkat naranasan na natin ang katotohanan nito kundi dahil sa
pagkamakatotohanan ng nagbitiw sa atin ng Kanyang salita.
“Huwag kayong mabalisa; manalig kayo
sa Diyos at manalig din kayo sa Akin. Sa
bahay ng Aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayun, sinabi Ko na sana sa
inyo. At paroroon Ako upang ipaghanda Ko
kayo ng matitirhan. Kapag naroroon na
Ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik Ako at isasama kayo sa
kinaroroonan Ko,” pangako sa atin ni Jesus.
Nakasalalay ang ating pag-asa sa magagandang bagay na kasalukuyang
natatakluban ng kamatayan para sa atin sa ating pananampalataya kay Jesus na
laging tapat sa Kanyang salita. Hindi
Niya po tayo lolokohin. Hindi Niya po
tayo binibiro. Hindi Niya po tayo
lilinlangin. Sa Kanya po mismo nagmula
ang katotohanan ng buhay na walang-hanggang.
Hindi Niya lamang po ito ipinangaral; sa halip, Siya po mismo ang unang dumanas
nito. Sa kanyang liham sa mga Taga-Colosas
(1:18), winika ni Apostol San Pablo, “Si Jesus ang ulo ng katawan, ang Iglesiya;
Siya ang simula at unang binuhay mula sa mga patay….” Ang sinumang nananalig at nakaugnay kay Jesus bilang
kasapi ng Kanyang katawan, ang Iglesiya, ay may buhay na walang-hanggan. At sa Jn 11:25-26, sinabi pa ni Jesus kay Marta,
“Ako ang magmuling-pagkabuhay at buhay. Ang
sinumang nananalig sa Akin ay mabubuhay kahit pa sila ay mamatay; at ang sinumang
nabubuhay nang nananalig sa Akin ay hindi mamamatay.” Ang tanong Niya kay Marta ay tanong po ni Jesus
sa ating ngayon: “Pinananaligan mo ba ito?”
Sa araw na ito ng natatanging paggunita
natin sa lahat ng mga pumanaw na Kristiyano, sinasariwa po natin ang ating sagot
sa tanong ni Jesus. Tulad ni Marta, sa Banal
na Misang ito, sinasabi natin kay Jesus: “Opo, Panginoon, naniniwala kaming Ikaw
ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos.”
Mahirap pong sumulat ng homiliya tungkol
sa kamatayan. Kahit ano pong sabihin natin
laging kapos ang ating masusulat at masasabi. Ang hindi po natin masabi sa pamamagitan ng mga
salita ay ipahiwatig natin sa liturhiyang ipinagdiriwang natin ngayon. Si Jesus po mismo ang daan, ang katotohanan, at
ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi
sa pamamagitan Niya. Hindi po tayo iniwan ni Jesus. Hinding-hindi. Kahit kailan.
No comments:
Post a Comment