Ikadalawampu’t Limang Linggo sa
Karaniwang Panahon
Mt 20:1-16 (Is 55:6-9 / Slm 144 / Fil 1:20-24, 27)
Bukambibig po ng marami
sa atin: “Maraming namamatay sa maling akala.”
Naku po, talagang delikado ‘yang aka-akalang iyan! Akala walang bala; pinaglaruan ang baril;
itinutok sa sentido; nakalabit ang gatilyo; patay. Selfie
nang selfie; akala malayo pa sa dulo
pero nasa bingit na pala; nahulog sa bangin; namatay sa kase-selfie. Pula ang ilaw sa traffic light; akala wala namang
tatawid; umarangkada kahit pula; sapol ang bata; patay. Nakainom; nagmagaling; hindi pa raw lasing
(akala n’ya lang!); nagmaneho; umuwi sa sementeryo. Marami pa po sanang buhay pa ngayon kung hindi
lang sana sila naniwala sa mga aka-akala.
At kapag mali po ang akala, peligroso at nakamamatay pa. Ang malungkot, marami pa rin pong namumuhay sa
pag-aaka-akala.
“Akala ko kasi mas malaki
ang ibibigay sa amin kasi mas matagal yata kaming nagtrabaho” – ito po marahil
ang naglaro sa isip ng bawat-isang nagreklamo sa may-ari ng ubasan sa
Ebanghelyo ngayong araw na ito. Alam na
alam po natin ang ganyang palagay kasi ganyang-ganyan din tayo kung umakala. Ang lohika ng mundo: mas matagal kang
nagtrabaho, mas mataas ang suweldo; mas nauna kang dumating, mas una ka ring
aasikasuhin; mas marami kang ginawa, mas marami ka ring tatanggapin; mas malaki
ang hirap, mas malaki ang bayad. Pero
hindi po ganyan ang lohika ng kaharian ng Diyos.
Sa ating Ebanghelyo,
hindi lamang po unang pinasuweldo ng may-ari ng ubasan ang mga huling
nagtrabaho; bagkus, ipinantay pa niya ang suweldo ng mga nahuli sa mga nauna at
mas matagal na nagpagal sa kanyang ubasan.
Pero hindi niya po dinaya ang mga nauna’t mas matagal na nagtrabaho sapagkat
ibinigay naman niya sa kanila ang napagkasunduan nilang suweldo – isang denaryo
maghapon. Kung pagkamakatarungan din
lang po ang pag-uusapan, makatarungang-makatarungan ang may-ari ng ubasan. Kaya lang, hindi po pagkamakatarungan ang
pinakadakila niyang katangian. Ano
po? Habag.
Ang Ebanghelyo po ngayong
araw na ito ay tungkol sa habag ng Diyos.
Malinaw na po sa atin ang pagkamakatarungan ng Diyos. Pero malinaw din po ba talaga sa atin ang
Kanyang pagkamahabagin?
Paalala po sa atin ng
ika-isandaan at apatnapu’t apat na Salmo ngayong araw na ito: “Ang Panginoong
Diyos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag.
Banayad magalit, ang pag-ibig Niya’y hindi kumukupas. Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi
nagtatangi; sa Kanyang nilikha, ang pagtingin Niya’y mamamalagi.” May binabanggit po bang “katarungan”? Wala po.
Bagkus, “puspos ng pag-ibig”, “lipos ng habag”, “banayad magalit”,
“pag-ibig na di kumukupas”, “mabuti”, “hindi nagtatangi”, at “namamalaging
pagtingin” ang mga katangian ng Diyos na binibigyang-diin. At nang banggitin na sa mga huling bersikulo
ng Salmong ito ang pagkamatuwid o pagkamakatarungan ng Diyos, kapansin-pansing
may mahalaga pong pahabol ito: “Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay Niyang
ginagawa; kahit anong gawin ay KALAKIP DOON ANG HABAG AT AWA.” Pagkamaawain – hindi po pagkamakatarungan –
ang pinakadakilang katangian ng Diyos.
Sa gitna po ng mga pagpapakita sa kanya ni Jesus bilang Hari ng Awa,
sinabi ni Santa Faustina Kowalska, ang alagad ng Banal na Awa, “Mercy is God’s greatest attribute.” Salamat sa Diyos at awa nga ang Kanyang
pinakadakilang katangian sapagkat kung ang Diyos po ay makatarungan lang ngunit
hindi mahabagin, “pupulutin tayong lahat sa kangkungan”. Palibhasa, kung katarungan din lang ang
pagbabatayan – at lahat po tayo ay nagkasala na sa Diyos (Tg. Rom 3:23) – wala ni
isa man sa atin ang maliligtas. Ang nagliligtas
po sa atin ay awa ng Diyos. Samakatuwid,
tayo pong lahat ay pasang-awa. Bagsak
sana tayong lahat pero ipinapasa po tayo ng awa ng Diyos.
Sa kanyang Liham Ensiklikal na pinamagatang “Deus Caritas Est”, sinabi
ni Papa Emerito Benito XVI, “On the cross
we see the mad love of God: His mercy overcoming His justice.” Natutunghayan daw po natin sa krus ang
kabaliwan ng pag-ibig ng Diyos: talo ng Kanyang pagkamaawain ang Kanyang
pagkamakatarungan. At nauna pa po rito,
sinabi na ni San Juan Pablo II na “The
Sacred Heart of Jesus is the flower and the Divine Mercy is Its fruit.”
Wala pong maipagmamalaki
ang sinuman sa atin: lahat nga tayo ay pasang-awa. Kaya lang, ano naman po kaya ang ibinubunga
ng awa ng Diyos sa atin? Baka naman po
awang-awa nga ang Diyos sa atin pero tayo naman ay walang-awa sa ating kapwa. Baka rin naman po makabagbag-damdamin lang
ang awa natin sa isa’t isa pero hanggang damdamin lang nga kasi wala namang
gawa. Sana po, mahabagin din tayo sa
isa’t isa. Sana po, talagang maawain tayo sa
salita at gawa.
Ang awa ay
kagandahang-loob po ng nahahabag. Hindi
po ito gantimpala o bayad o kapalit, ni hindi sukli sa kahit anuman. At ni hindi po karapatdapat ang kinahahabagan
sa awa ng nahahabag. Kaya nga po litung-lito
tungkol rito ang mundo at hindi ito maunawaan ng mga walang pananalig kay Kristo.
Minsan daw po, ika ng
isang kuwento, habang nasa digmaan, tumiwalag sa hanay ng mga kawal ni
Alexander the Great ang isang batambata pang sundalo. Palibhasa’y bata pa nga, sindak na sindak daw
po ito kaya’t tumakbo at iniwan ang digmaan.
Subalit nahuli rin daw siya. At
para hindi raw po pamarisan, ang parusa sa mga katulad niya ay kamatayan. Nang malaman daw ng ina ang ginawa ng kanyang
anak at ang nakaamba sa kanyang parusang kamatayan, agad po itong nagpunta kay
Alexander at nagsusumamo nang gayon na lamang.
“Mahabag po kayo sa anak ko,”
pagmamakaawa ng ina. “Parang n’yo na pong
awa, patawarin na ninyo siya sa kanyang ginawa.”
“Habag? Awa?” sigaw ni Alexander.
“Opo, habag at awa,” sagot
ng luhaang ina. “Maawa na po kayo, patawarin
n’yo na ang anak ko.”
Mariing sinabi ni Alexander:
“Ang anak mo, ale, ay hindi karapatdapat sa aking habag. Hindi siya nararapat patawarin. Hindi siya dapat kaawaan.”
“Opo, tama po kayo,” wika
ng ina. “Ang aking anak ay hindi
karapatdapat sa inyong habag. Hindi po
siya nararapat patawarin. Hindi po siya
dapat kaawaan. Sapagkat kung siya po ay
karapatdapat, iyon ay gantimpala at hindi habag. Habag po ang aking hiling. Awa po ang aking pakiusap. Kapatawaran po ang ipinagmamakaawa ko sa inyo,
hindi gantimpala.”
Nang araw pong yaon, si
Alexander the Great, na hindi pa raw kailanman natatalo sa anumang digmaan, ay
natalo ng isang ina. Pinatawad at
pinalaya at pinalaya ng kanyang habag ang kawal na tumiwalag.
Ganoon nga po ang habag. Ito ay
biyaya, hindi gantimpala. Marami po ba
tayong ganyang biyaya? Sana, ibahagi po
natin ito sa lahat. Mahabag. Maawa.
Magpatawad. Magbiyaya. Kung tunay po nating tutupdin ang bilin sa
atin ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa ngayon – “Mga kapatid,” wika ng
Apostol, “pagsikapan ninyong mamuhay ayon sa Mabuting Balita tungkol kay Jesus”
– gagawin nating kaabalahan at prinsipyo sa buhay na tayo mismo ang maging
biyaya ng Diyos sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga nangangailangan ng awa,
at habag sapagkat ang buod ng Mabuting Balita ni Jesus ay ang pag-ibig ng Diyos
sa lahat ng tao sa kabila ng kanilang hindi pagiging karapatdapat.
Ang kagandahang-loob ng Diyos, na ang pinakamatinding karanasan natin ay
nasa pagkamaawain Niya sa atin, ay surpresa Niya sa mundong namumuhay sa dikta
ng mga aka-akala. Huwag po sana tayong naniniwala
sa mga aka-akala; karamihan po sa kanila, kundi man lahat, ay mga maling
akala. Sa halip, magtiwala po tayo sa
mga surpresa ng Diyos sa atin. Tutoo po,
maraming namamatay dahil sa mga maling akala; subalit higit pa pong marami ang
nabubuhay dahil sa mga surpresa ng Diyos.
Sinusurpresa po tayo ng awa ng Diyos; sana, surpresahin din natin Siya sa
pamamagitan ng ating awa sa ating kapwa.
No comments:
Post a Comment