Pages

02 August 2014

MAGING HIMALA NG DIYOS

Ikalabinwalong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 14:13-21 (Is 55:1-3 / Slm 144 / Rom 8:35, 37-39)


Kung kayo po ay mangangaral ng Ebanghelyo, hindi magandang mangaral nang gutom ka.  Pero mas lalo pong hindi magandang mangaral sa mga taong gutom.  Gaano man po katindi at kataus-puso ng ating pagnanais na busugin ang kaluluwa ng mga tao, kailanman ay hindi po tayo dapat gawing manhid at pabaya nito sa kanilang kagutumang pisikal.  Ang pangangaral ng Mabuting Balita ni Kirsto ay hindi alibi para panatilihin ang kagutuman ng mga pinangangaralan.  Sa halip, ang tunay na nutrisyon ay nasa ebanghelisasyon.  Ang pagbabahagi po ng Mabuting Balita ni Kristo ay dapat bumusog sa katawan at kaluluwa ng ating pinagpapahayagan nito.  Sa Ebanghelyo natin ngayong araw na ito, binibigyang-diin po ni Jesus ang panuntunang-gabay na ito: binusog Niya ang mga tao ng Salita ng Diyos at ng pagkain ng tao.  Matapos Niyang ipangaral sa mga tao ang Salita ng Diyos, pinakain Niya sila sa pamamagitan ng limang pirasong tinapay at dalawang pirasong isda.

“Ang Mahimalang Pagpapakain sa Limanlibo” – ito po ang karaniwang ipinamamagat sa bahaging ito ng Ebanghelyo.  Subalit ang himalang isinasalaysay nito ay gawa po hindi lamang ni Jesus kundi pati ng Kanyang mga alagad.  Nagsimula po ang himala nang ilahad ang disin sana’y pinakaiingat-ingatan ng mga alagad na para lamang sa kanila: ang kanilang lilimang pirasong tinapay at dadalawang isda.  Nangyari po ang himala nang buksan ng mga alagad ang kanilang mga puso upang tanggapin ang mga nagugutom samantalang binubuksan nila ang sisidlan ng kanilang limang tinapay at dalawang isda para ibahagi sa lahat.  At nang basbasan ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda, binasbasan din po Niya ang kanilang mga puso na nagpamalas ng habag at binigyan Niya ng kapangyarihan ang kanilang pagmamalasakit para paramihin ang unang inakalang nilang kakaunti lang na meron sila.

Tayo rin po ay makagagawa ng mga himala.  Ang mga himala ay nagsisimula sa kilos ng pagmamahal.  Nangyayari ang mga himala kapag ang pag-ibig sa sarili ay nagiging sariling umiibig.  Kapag wagas tayong magmahal, tayo po ay naghihimala.  Mas dakila ang pag-ibig mas dakila ang himala.  Mas mapagmalasakit tayo mas lalo po tayong nagiging mga himala mismo.

Ang sabay na nakabubusog ng kaluluwa at katawan ay pag-ibig.  Sa isang banda, sa kabila ng taus-pusong pagsisikap na busugin ang kaluluwa ng marami, marami pa rin po ang nagugutom sapagkat ang pag-ibig na ipinangangaral ay baka salat sa mga kongkretong gawa ng pagmamalasakit sa kapwa.  Sa kabilang banda naman po, kahit pa feeding program tayo nang feeding program dito at doon, gutom pa rin ang marami sapagkat baka nagkukulang naman tayo sa pangangalaga ng kapakanang pangkaluluwa.  Hindi po pagpapakain ang nakapapawi sa kagutuman ng tao.  Pag-ibig!  Kung wagas at aktibo ang ating pag-ibig, wala pong mamatay nang dilat ang mata.  Ang wagas at aktibong pag-ibig ang nakapangangaral ng Salita ng Diyos, nakapagpapala ng mga puso, nakabubukas ng mga sisidlan, nakapagpapadama ng pagmamalasakit, nakapagpapakasya sa tila kakaunting meron, nakapaghihimala, nakabubusog sa katawan at kaluluwa.

Ang ebanghelisasyon ay ang pagmamahal sa kapwa gaya ng pagmamahal ni Jesus.  Ang pagpawi sa iba’t ibang kagutuman ng tao ay humahamon sa ating magmahal tulad ni Jesus.  Nangyayari ang mga himala kapag tunay tayong nagmamalasakit gaya ni Jesus.

Kapag tumingin po tayo sa ating paligid, kitang-kita natin ang katotohanan ng kagutuman.  Naaantig pa po ba ang ating damdamin sa kalunus-lunos na kalagayan ng mga batang buto’t balat na lang dahil wala silang makain?  Hindi po ba tayo nagagambala sa kuwento ng mga kababayan nating kinakalkal ang mga basurahan para sa mga tira-tira nating pagkain na siya namang pantawid-gutom ng kanilang pamilya?  At ang turing po natin sa ating bayan ay “bansang Kristiyano sa Dulong Silangan”?  Ang mukha ng taong nagugutom ay mukha ng Diyos sa ating harapan.  Kung nakikilala lang natin Siya, agad-agad at bukas-palad po natin Siyang pakakanin, hindi ba?  Pag-ibig ang nagbibigay-kakayahan sa ating makita si Jesus sa nakababagabag na anyo mga dukha.  Sabi nga po ni Victor Hugo, “To love another person is to see the face of God.”

Sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, hinahamon po tayo ni Jesus kung paanong tila binuko Niya ang Kanyang mga alagad: “Hindi na sila kailangang umalis pa.  Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.”  Kapag bukas ang puso sadya pong nagbubukas ang sisidlan.  Hangga’t sarado ang puso, mananatili rin pong sarado ang sisidlan (baka nga naka-lock pa).  “Lilima po ang tinapay at dadalawa ang isda natin,” parang nangumpisal ang mga alagad.  Bukung-buko po sila.  Meron naman po pala sila.  Ngunit marahil ang nakikita lamang po nila ay, sa kanila pa lang nga, kulang na kulang na ang baon nila.  Napuna ko lang po, eh bakit lilimang pirasong tinapay lang at dadalawang isda ang baon nila?  Hindi ba labintatlo sila – si Jesus at silang labindalawa?  Aha, may hindi ipinagbaon!  Sino po kaya sa kanila?  Kanya-kanya rin kaya sila?  Gayunpaman, inutusan sila ni Jesus, “Dalhin ninyo rito.”  Iyan din po ang utos ni Jesus sa atin.

Sana sa halip na bilangin natin ang wala, bilangin po natin ang meron.  Huwag po nating sasabihing wala tayo gayong meron naman kaya lang ay itinatago natin dahil kakaunti lang.  Kung tunay po tayong mga alagad ni Jesus, dalhin natin sa Kanya ang anumang meron tayo.  Hayaan po nating basbasan Niya ang meron tayo at gamitin Niya iyon sa paghihimala.

Hindi po magandang mangaral ng Ebanghelyo nang walang laman ang sikmura mo.  Pero mas lalo naman pong hindi maganda ang hayaan mong gutom ang mga pinangangaralan mo ng Ebanghelyo.  Anupa’t hindi ba laging inihahalintulad ni Jesus ang paghahari ng Diyos sa isang bangkete kung saan hindi lamang inaanyayahan ang lahat kundi ang lahat ay masagana rin pong nagsasalu-salo?

Isang babaeng dukha’t may-katandaan na ang may kapitbahay na lalaking mayaman nama’t may-katandaan na rin.  Dukha man ang babae, mayaman naman po siya sa pananampalataya.  Araw-araw po siyang nagdarasal sa Diyos.  Dahil may pagkabingi na siya sanhi ng katandaan, malakas ang boses niya kapag nagdarasal siya.  Ngunit ang kapitbahay naman niya ay walang kahit na anong pananampalataya sa Diyos.  Kaya naman, hindi po siya nagdarasal.  Mahilig lang niyang asarin ang babaeng dukha’t may-katandaan na.

Isang araw, sapagkat wala na siyang pagkain, nanalangin ang dukha’t matandang babae: “O Diyos ko, kahit isang pirasong tinapay, bigyan Mo po naman ako.”  Nang marinig ito ng lalaking mayama’t may-katandaan na rin, dahil nais niyang tuyain ang pananampalataya ng babaeng ito, dali-dali niyang nilagyan ng tinapay ang pintuan ng babae, kumatok, at patakbong nagtago.  Nang buksan ng babae ang kanyang pintuan, natagpuan niya ang tinapay.  Anong laki ng kanyang tuwa!

“Praise the Lord!” sigaw ng babae.  “Maraming salamat, Panginoon, sinagot Mo po agad ang panalangin ko.”

“Baliw!” pangisi-ngising sabi sa kanya ng lalaking walang pananampalataya.  “Ako ang naglagay ng tinapay sa pintuan mo, hindi ang Diyos mo!”

“Ganun ba?” sabi ng babae.  “Kung gayon, ikaw mismo ang sagot ng Diyos sa panalangin ko!”

Maging himala.  Maging sagot ng Diyos sa panalangin ng kapwa.


2 comments:

  1. father bob salamat po dito . hhehe. Yung sa simbahan po kasi . medyo di ko maintindihan . may english po kasi tapos mejo malabo po yung dating sakin ng salita . salamat po ng marami dito . Godbless po at sana po maipag patuloy nyo pa yung pag gawa nito :)

    ReplyDelete