Dakilang
Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo
Jn 6:51-58 (Dt 8:2-3, 14-16 / Slm 147 / 1 Cor
10:16-17)
Alam po ba ninyo, marami sa mga panalangin
ng mga Judyo ay parang “Memory Plus Gold”?
Bakit? Kasi po palagi nilang pinaaalalahanan
ang Diyos. Ipinaalala po nila sa Diyos
ang mga pangako Niya sa kanila.
Nakakatawa po, hindi ba? Parang
trinatratong malilimutin ang Diyos.
Diyos po ba talaga ang kailangan ng paalala?
Pero sa tuwing binabanggit ng mga Judyo ang
mga pangako ng Diyos sa kanila, sabay din naman pong ginugunita nila ang
katapatan ng Diyos sa Kanyang salita.
Kaya naman po, sa gitna ng anumang pagsubok, nananatiling buhay ang
pag-asa nila sa Diyos at tumitibay ang kanilang pananalig na hindi Niya sila
pababayaan. Kasi po, kumbaga, subok na
nila ang katapatan ng Diyos. Sa
pamamagitan nga raw po mga pagsubok sa apatnapung taon nilang paglalakbay sa
ilang, sabi ni Moises sa unang pagbasa natin ngayon, tinuruan sila ng Diyos na maging
mapagkumbaba at maunawaan na “ang tao’y hindi lamang nabubuhay sa pagkain kundi
sa salita rin naman ng Diyos.” At dahil
lagi nga pong tapat ang Diyos sa Kanyang mga pangako, inatasan sila ni Moises, “Huwag
ninyong kalilimutan ang Panginoon.”
Iyan nga po ang problema ng tao noon at
magpahanggang ngayon: kapag busog na nagkaka-amnesia. May mga tao pong basta may masarap na pagkain
nalilimutan na ang mga bawal sa kanilang kainin. May mga nakalilimot din pong on diet pala sila. Pero mas grabe po kapag ang nalimutan ay may
mga tao pa palang hindi kumakain, hindi makakain, at hindi na pinakakain. Masakit din po kapag may pagkain naman pero
inubusan ka, ni hindi ka man lang naalalang ipagtabi. Marami na pong nang-away dahil hindi tinirhan
ng ulam.
Minsan sa isang pulong sa kumbento,
nagreklamo ang isang staff: “Father,
kulang po ang pagkain.”
“Bakit?” tanong ni Father. “Hindi naman tayo nadagdagan ha. Bakit kulang?”
“Kasi, Father,” singit ng kusinera, “hindi
na po sila sabay-sabay kumain.”
“Ah,” sabi ni Father, “baka hindi pagkain
ang kulang. Baka ang kulang ay pag-alala
sa kapwa, pagmamalasakit sa isa’t isa.”
Kapag nakalilimot, talaga pong nagkukulang. Kapag hindi po maalalahanin, kahit pa
sabay-sabay kumain, kulang na kulang pa rin.
Ang Banal na Eukaristiya ay sakramento ng
pag-alala. Ito po ay gamot sa pagkalimot.
Bakit?
Una, agad po tayong itinutuon nito sa Diyos. Ang tinapay at alak na ating hain sa Kanya ay
sa Kanya rin po nagmula. Maging handog
natin sa Diyos ay kaloob po sa atin ng Diyos.
Sa Paghahanda ng mga Alay, ito po ang dinarasal: “Kapuri-puri Ka,
Panginoong Diyos ng Sanilikha, sa Iyong kagandahang-loob, narito ang aming
maiaalay…mula sa lupa at bunga ng aming paggawa, ang tinapay na ito…mula sa
ubas at bunga ng aming paggawa, ang alak na ito….” Kagandahang-loob. Kagandahang-loob po ng Diyos hindi lamang ang
tayo ay nakapaghahandog sa Kanya, kundi maging ang mismong handog natin sa
Kanya. Kaya nga po ang ibig sabihin ng
Eucharistiya ay “pasasalamat”. At ang
taong mapagpasalamat ay taong hindi lumilimot.
Paano po lilimot ang taong palaging nakatuon sa Diyos?
Ikalawa, ang tinapay at alak na handog po
natin sa Diyos ay nagiging Katawan at Dugo ni Jesus sapagkat ginugunita natin
si Jesus. “Gawin ninyo ito sa pag-alala
sa Akin,” habilin po ni Jesus sa Kanyang mga alagad noong Huling Hapunan. Sa tuwing natitipon tayo at ginugunita natin
si Jesus sa paghahati-hati ng tinapay, ang tinapay ay nagiging Katawan ni
Jesus. Sa tuwing natitipon tayo at
inaalala si Kristo sa pagsasalo sa iisang kalis, ang alak ay nagiging Dugo ni
Kristo. Ang Banal na Eukaristiya ay ang
buhay na alaala ng Panginoon (The Living
Memory of the Lord). Kapag hindi po
tayo marunong gumunita, paano tayo magmi-Misa?
Kapag kinalimutan po natin si Jesus, limot na din po natin ang Banal na
Eukaristiya. Sabi pa nga po ni Jesus sa Ebanghelyo
ngayon, “Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang Laman ng Anak ng Tao at inumin
ang Kanyang Dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay.” Kita po ninyo, ang sabi ng Panginoon,
“tandaan” daw po. Kapag hindi natin
tinandaan ‘yan, patay tayo sapagkat hindi raw po tayo magkakaroon ng buhay.
Ikatlo, ang tinapay na nagiging katawan ni
Jesus at pinagsasaluhan natin sa Banal na Misa ay masasabi rin pong larawan ng
ating pagiging iisang kawan ni Kristo.
Sabi po ni Apostol San Pablo sa ikalawang pagbasa ngayon, “...yayamang
isa lamang ang tinapay, tayo’y iisang katawan bagamat marami, sapagkat
nakikibahagi tayo sa iisang tinapay.”
Maaaring itanong po ng ilan sa inyo, “Eh,
Father, bakit marami naman po ang mga ostiyang kinokonsagra sa Banal na
Misa? At bakit po ang para sa inyo
malaki pero ang para sa amin maliit?
Kaya po marami ang ostiya sa Banal na Misa ay sapagkat pinaghati-hati na
ang ostiya bago ito konsagrahin dahil, sa dami na po natin ngayon, aabutin tayo
nang siyam-siyam bago tayo makapagpira-piraso nang sasapat sa ating lahat. At wala pong ibang dahilan kung bakit malaki
ang ostiya para sa pari kundi para makita ito ng lahat kapag itinaas na. Gayun pa man, iisa pa rin po ang tinapay na
pinagpira-piraso at pinagsasaluhan natin sa Banal na Misa, at, ayon kay San
Pablo, ito nga po ay dapat na nagsisilbing larawan ng ating pagkakaisa.
Tanong ko lang po, tutoo bang pinagkakaisa
tayo ng pagdiriwang at pagtanggap natin sa Banal na Eukaristiya? Baka naman po ito pa ang pinagmumulan ng
ating mga away. Baka sa halip na
pinabubuklod tayo ng pagdiriwang natin ng Banal na Misa ay pinagbubukud-bukod
po tayo nito. Baka sa halip na
pagkakasundo ay pagtatalu-talo ang naghahari sa atin sa kabila ng ating
pagiging Eucharistic People. Baka lang
naman po. Ano po sa palagay ninyo? Kumusta ba tayo bilang Bayang Eukaristiko?
Alam n’yo po ba kung bakit tayo nagbabatian
ng kapayapaan bago tayo tumanggap ng Banal na Komunyon? Sabi po ni San Juan Pablo II sa isinulat
niyang Encyclical Letter na pinamagatang, Ecclesia
de Eucharistia, “The
celebration of the Eucharist…cannot be the starting point for communion; it
presupposes that communion already exists, communion which it seeks to
consolidate and bring to perfection. The
sacrament is an expression of this bond of communion…” (no. 35). Samakatuwid, ipinapalagay na tayong mga
nangungumunyon ay may pagkakaisa na bago pa tayo mangumunyon, at sa ating
pangungumunyon, pinagtitibay at dinadala ng Banal na Eukaristiya sa kaganapan
ang pagkakaisang ito. Ang Banal na
Eukaristiya ay isang pahiwatig ng buklod na ito ng pagkakaisa.
Kaya nga po Communion sapagkat may common
union po ang lahat ng nangungumunyon: si Jesukristo sa Banal na
Eukaristiya. Kung paanong matalik na
na-uugnay kay Jesus ang bawat-isang nangungumunyon, nabubuklod naman po sila sa
isa’t isa sapagkat iisa ang kanilang tinatanggap: si Jesus sa Banal na
Komunyon. Si Jesus nga po ang Common Union nating lahat na
nangungumunyon. Kaya po, ang “amen” natin
pagtanggap natin kay Jesus sa Banal na Komunyon ay “amen” natin hindi lang kay
Jesus kundi pati rin sa bawat-isang tumatanggap sa Kanya. Kung tinatanggap po natin si Jesus, dapat
tanggapin din natin ang lahat ng nakabuklod sa Kanya sa pamamagitan ng Banal na
Eukaristiya.
Ang Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo
ni Kristo ay hindi po para kay Kristo.
Para po ito sa atin. Hindi po natin
ipinaaalala kay Jesus na may Katawan at Dugo pala Siya. Hindi rin po natin ipinaaalala sa Kanya na
pangako Niyang ang sinumang kumain ng Kanyang Laman at uminom ng Kanyang Dugo
ay pagkakalooban Niya ng buhay na walang-hanggan. Kahit kailan, hindi po nangangailangan ng
paalala si Jesus. Pero tayo po, madalas
kailangan nating paalalahanan.
Kapag kinalimutan nating kumain,
nalilipasan po tayo ng gutom at nagkaka-ulcer tayo. Kapag kain lang po tayo nang kain at
kinalilimutan naman nating kumain nang masusustanyang pagkain, magkakasakit din
po tayo at baka mas grabe pa. Kapag
kinalimutan po nating pakanin ang kapwa dahil nakakain na tayo at busug na
busog pa, anong klase tayong alagad ni Kristo?
At kung ang Banal na Eukaristiya pa ang ginagawa nating dahilan ng ating
pagkakawatak-watak at pagsisiraan, alagad po ba tayo talaga ni Jesus?
Tayo po ang pinaaalalahanan ng Dakilang
Kapistahan ngayong araw na ito. Ituon
ang sarili sa Diyos at pasalamatan ang Kanyang kagandahang-loob. Makiisa sa bayang natitipon sa paggunita kay
Kristo upang maganap ang Eukaristiyang Banal.
At, kung paanong tinatanggap natin si Jesus sa Banal na Komunyon,
tanggapin din po natin ang isa’t isa bilang kapwa, bilang kapatid, bilang
kabuklod kay Kristo.
Ang mga Judyo mahilig magpaalala sa Diyos. Pero kailanma’y hindi sila nalilimutan ng Diyos.
Tayo po kaya? Baka hindi nga natin nalilimutan ang Diyos pero
limot na natin ang isa’t isa. Ah, kapag ganyan,
hindi po iyan Eukaristiya.
No comments:
Post a Comment