Ika-apat na Linggo ng Pasko ng
Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Jn 10:1-10 (Gawa 2:14,
36-41 / Slm 22 / 1 Pd 2:20-25)
Umisip po kayo ng bahay na walang
pintuan. Naka-isip po ba kayo? Ang hirap kaya umisip ng bahay na walang
pintuan, hindi po ba? Kasi kapag bahay,
dapat talaga may pintuan. Kahit nga po
bilanguan may pintuan eh, hindi ba?
Sa pintuan po tayo dumaraan papasok at
palabas ng bahay. Pero minsan hindi
rin. May mga sa bintana po dumaraan
papasok ng bahay. Baka po naiwan ang
susi sa loob o baka naman po akyat-bahay
gang iyan. Meron din pong sa bintana
dumaraan palabas ng bahay. Ah, baka may
sunog o baka po magtatanan.
Ang kabilang sa tahanan, sa pintuan
dumaraan. Ang kawatan, ewan.
Bakit po ba hindi sa pintuan dumaraan
ang kawatan? Ayaw niya po kasing may
makapansin sa kanyang pagdating.
Magnanakaw po kasi siya. Hindi po
siya nagbibigay, nangungulimbat siya. Hindi
po siya nagkakaloob, nanloloob siya.
Pero ang problema, may mga kawatan
pong malakas ang loob. Mahusay po silang
magpanggap kaya minsa’y napagbubuksan mo pa sila ng pintuan, napatutuloy,
nakakakuwentuhan, napakakain, tapos iyon pala ay gagawan ka lang nang
masama. Lumang-luma na po ang imahe ng
magnanakaw na hatinggabi kung manloob ng bahay. Wala na pong pinipiling oras ang mandarambong:
minsan kahit tanghaling-tapat nagnanakaw.
Laos na po ang dating istilo ng tulisan na nagsusuot pa ng maskara para
hindi siya makilala. Ngayon, kahit pa po
may mga CCTV camera, tuloy lang ang pangungulimbat. Hindi na po sa bintana dumaraan ang lahat ng
mga kawatan. Minsan pa nga po nasa loob
na sila! Kaya magbantay po tayo.
Ang hindi dumaraan kay Jesus papasok
ng kawan ay kawatan. “Tandaan ninyo,”
wika ni Jesus, “Ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa Akin ay mga magnanakaw at
mga tulisan….” Dagdag pa po ni Jesus,
“…ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa.”
Mabuti pa ang mga tupang tinutukoy ni
Jesus na hindi raw po pinakinggan ang mga magnanakaw at mga tulisang nanloob sa
kawan. Tayo po kaya? Baka naman kinig tayo nang kinig sa mga huwad
na pastol, sa mga nagpapastol-pastulan lang, sa mga kunyari ay pastol pero lobo
pala. Bagamat tunay pong may mga tupang
nananakaw ng mga pastol na kawatan, meron din po namang mga tupang nawawala
kasi mahilig silang magsusunud-sunod at magpapani-paniwala sa mga
lobong-pastol. Lagi n’yo pong susuriin
ang sinusundan at pinaniniwalaan ninyo: Sa tamang pintuan ba siya
dumaraan? Baka po kasi sa backdoor o baka sa bakod. Tanging si Jesus ang pintuang pinagdaraanan
ng tunay na pastol ng kawan. Kapag iba
po ang pinagdaraanan, layuan n’yo na: peke ‘yan!
Mag-ingat din po tayo sa mga
presentado. Kuwestiyunin lagi ang motibo
ng mga atat na atat sa kapangyarihan.
Pagdudahan ang mga hindi makapaghintay na piliin, tawagin, at
hirangin. “Presentado” po ang tawag sa
mga taong ganyan. At kundi man po masama
ay mali ang motibasyon ang mga taong ganyan.
At madalas po, mahilig sila sa shortcut,
sa halip na gamitin ang tamang daanan papasok ng kawan. Kahit saan dadaan po ang mga iyan, kahit ano
ipagpipilitan ng mga iyan, matupad lang ang pansarili nilang balak.
Paano po ba natin malalaman na ang
pumasok ay kay Jesus dumaan? Ano po ba
ang mga palatandaan na ang pastol ay tunay na mabuti at hindi kawatan?
Una, katulad ni San Pedro Apostol sa
unang pagbasa natin ngayon, si Jesus po ang Kanyang ibinibida, hindi ang sarili
niya. Dapat daw pong malaman ng mga tao,
wika ng Apostol, na si Jesus ang Panginoon at Kristo. Ang nagsisikap na maging mabuting pastol ay
hindi kinakaribal si Jesus na Mabuting Pastol.
Hindi po niya ibinebenta ang sarili, sa halip si Jesus po palagi ang
kanyang itinatanghal. Siya po ay
tagapangalaga ng kawan; ang kawan ay hindi niya tagahanga.
Ikalawa, ang tunay na nagsisikap
maging mabuting pastol ay buo ang tiwala sa Mabuting Pastol na si
Jesukristo. Ang ika-22 Salmo, na inawit
po natin kanina pagkatapos ng unang pagbasa, ay hindi lamang panalangin para sa
kanya. Ito mismo ang buhay niya! Hindi n’ya lang po alam ang Salmong “Ang Panginoon
Ang Aking Pastol”; bagkus, kilala niya ang Pastol mismo. Ang kanyang pamumuhay ay halimbawa sa kawang
pinagpapastulan niya ng tunay na paniniwala, pagtitiwala, at pagtalima kay
Jesus na Mabuting Pastol. Bago pa niya
akayin ang kawang ipinagkatiwala sa kanya, siya na po muna ang nagpaakay kay
Jesus. Bago niya pagpastulan ang kawang ibinilin
sa kanya, siya na po muna ang pinastol ni Jesus.
Ikatlo, ang tunay na nagsisikap maging
mabuting pastol ay nakikibakang makatulad kay Jesus. Sa ikalawang pagbasa po natin ngayon,
isinulat ni Apostol San Pedro, “Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkahirang
sa inyo ng Diyos; sapagkat nang si Kristo ay magtiis para sa inyo, binigyan
Niya kayo ng halimbawang dapat tularan.”
Kung paano po si Jesus dapat gayundin sa pamumuhay, paglilingkod, at
pag-aalay ng sarili ang nagsisikap na maging mabuting pastol. Sabi pa po ni San Pedro Apostol sa kanyang
sulat, sa pamamagitan daw ng mga sugat ni Jesus tayo ay gumaling at tinipon
Niya tayo bilang Pastol at Tagapangalaga ng ating mga kaluluwa. Ang mabuting pastol na naaayon sa puso ni Jesus
ay yaong marunong magsakripisyo ng sarili para sa kawan, hindi iyong magaling mansakripisyo
ng iba. At ang pagsasakripisyong ito ng nagsisikap
na maging mabutin pastol ay nakapagbibigay-buhay at nakapagbubuklod sa kawan.
Subalit kung paanong dapat pagsikapan ng
mga hinirang na maging mabuting pastol, kailangan din naman pong pagsikapan ng mga
dapat pagpastulan na maging mabubuting tupa. At ano naman po ba ang tanda na ang tupa ay tunay
na nagsisikap na maging mabuti?
“…pinakikinggan ng mga tupa” ang tinig
ng kanilang pastol at sumusunod sila sa kanya, wika ni Jesus sa
Ebanghelyo. Ito raw po ay sapagkat
nakikilala ng mga tupa ang tinig ng kanilang pastol, sabi ni Jesus. Nakikinig po ba kayo talaga sa inyong pastol
na kumakatawan kay Jesus? Tutoo po bang
sumusunod kayo sa kanya? Tunay po bang
nakikilala ninyo ang kanyang tinig? Kinikilala
po na ninyo siya? Nakakaasiwa pong
itanong ng pastol ang mga katanungang ito sa kanyang kawan pero kailangan po
eh. At kailangan din po ninyong sagutin
nang makatotohanan ang mga katanungang ito sa harap ng Diyos na humirang sa
inyong pastol at nagsugo sa kanya sa inyo.
Kung paanong may hindi mabuting
pastol, alam naman po nating meron ding hindi mabuting tupa. Sa halos labinsiyam na taon ko nang pari, na-obserbahan
ko pong hindi naman lahat ng nawawalang tupa ay talagang nawawala. Medyo marami-rami rin po sa kanila, sa tutoo
lang, ay mga tupang nagwawala na lang.
Meron din pong nawawala hindi dahil sa kapabayaan ng pastol kundi dahil
ayaw nilang magpa-pastol, kulang sa kapakumbabaan at pagtitiwala sa pastol, nagmamagaling,
ipinagpipilitan ang pansariling agenda,
at sadyang binabaluktot ang katotohanan.
May mga tupa rin pong nawawala kasi tago nang tago, iwas nang iwas,
takas nang takas, liban nang liban sa mga pagtitipon ng kawan.
Ngayong Linggo ng Mabuting Pastol, higit pa po nating ipagdasal ang isa’t isa: pastol at kawan. Tayo pong lahat – pastol at tupa – ay
napapabilang sa iisang kawan ni Jesus.
Huwag tayong dadaan sa bintana o sa kung saan-saan; hindi po tayo
kawatan. Sa pintuan po tayo dumaan. At si Jesus po ang tanging Pintuan ng kawan,
wala nang iba pa.
Ang hirap pong mag-imagine ng bahay na walang pintuan,
hindi ba? Hindi rin po posibleng maging
isang kawan, isang parokya, isang Iglesiya nang wala si Jesus.
Noong Easter Sunday, sabi ko po sa inyo: We are an Easter People!
Noong Second Sunday of Easter at Divine
Mercy Sunday, sabi ko po sa inyo: We are
an Easter People and so we ought to be a merciful Church.
Noon naman pong Third Sunday of Easter, ang sabi ko naman: We are an Easter People and that means we are a Church walking with Jesus.
Ngayon pong Fourth Sunday of Easter at Good
Shepherd Sunday, ito naman po: We are
an Easter People and that makes us sheep of HIS flock.
nice father
ReplyDelete