Pages

08 February 2014

ASIN AT ILAW SA MUNDO, BANAL AT BAYANI

Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 5:13-16 (Is 58:7-10 / Slm 11 / 1 Cor 2:1-5)


Hindi po lahat ng tao ay mahilig kumain.  Pero lahat po ng tao ay mahilig sa masarap na pagkain.  Meron po ba sa inyong kapag kakain ay naghahanap ng matabang na pagkain?  Wala.  Naiinis o nagagalit pa nga po ang iba kapag matabang ang timpla ng inihain sa kanila.  Dapat malasa.  Pero hindi rin po basta malasa ay masarap, hindi ba?  Paano po kasing malasa nga kasi sobrang maalat.  Dapat tamang timpla.

Ano po ba ang naglalabas ng lasa ng pagkain?  Pagkatapos paghalu-haluin ang mga sangkap ng isang putahe, ano po ang hindi puwedeng mawala?  Asin.  Bakit po?  Dahil asin ang nagpapalitaw ng lasa ng pagkain.  Kapag walang asin, sigurado pong matabang.  Kapag walang asin, puwede rin pong nuknukan din ng asim kasi hindi nailabas ang lasa ng ibang sangkap.  Puwede rin naman pong kauyam-uyam na tamis kapag walang asin kasi hindi nga nailabas ang lasa ng ibang sangkap.  Kaya nga po sinasabing asin ang nagbibigay-lasa sa pagkain, pero ang katotohanan ay pinalilitaw ng asin ang lasang ambag ng bawat sangkap ng putahe.

Nang sabihin ni Jesus na tayo, ika, ang asin sa sanlibutan, ito nga po ang ibig Niyang sabihin.  Palabasin natin ang lasang ambag ng bawat sangkap.  Bagamat maraming sangkap na nag-aambag upang mapasarap ang isang putahe, animo’y tayo ang nagbibigay-lasa sa kabuuan.

Ngunit paano na po kung pati tayo, na mga asin, ay nawalan na rin ng alat?  Paano pa natin magagampanan ang ating napakahalagang papel?

Nawawalan po tayo ng lasa kapag pinatabang na rin tayo mismo ng kamunduhan.  Kapag sunud-sunuran na lang po tayo sa pabago-bagong pauso ng mundo, nawawalan ng saysay ang ating pagiging Kristiyano.  Ang taong makamundo, kapani-paniwala po ba siya kapag nangaral siya tungkol sa kabanalan?  Kapag babaero ang isang lalaki, puwede ba niyang pangaralan ang kumpare niya tungkol sa katapatan sa asawa?  Ang lasengero, may karapatan po ba siyang pagsabihan ang kaibigang sugapa sa alak?  Kung sugarol ang magulang, susundin pa ba siya ng anak niya kapag pinaalalahanan niya itong huwag magwawaldas ng pera?  Ang mangongopyang estudyante, may lakas-loob po ba siyang isumbong ang kaklase niyang mandaraya?  Ang taong sinungaling, maaaring po ba siyang magbigay ng panayam tungkol sa katotohanan?  Kung kawatan, may karapatan ba siyang mangaral tungkol sa pagiging mabuting katiwala?

Kung kapareho na rin po tayo ng mundo, paano pa natin mababago ang mundo tungo sa mabuti?  Kapag wala na rin po tayong lasa, paano pa natin mapapaalat ang ating kapwa?  Kung pare-pareho po tayong matabang, saan pa tayo kukuha ng alat?  At kapag wala na pong lasa ang pagkain, wala na itong silbi.  Itinatapon na lang ito o pinakakain sa hayop.  Kung wala na po tayong lasa, wala na rin tayong silbi.  Ano pong gusto nating gawin sa atin: itapon na lang o ipakain sa hayop?  Payag naman po kaya tayo?

Kaya, mag-ingat po tayo.  Huwag po nating hahayaang patabangin tayo ng mundo.  Manatili tayong asin na, bukod sa nakapagpapalinis, nagpapalasa rin sa sanlibutan.

Pero, ingat din po na baka sumosobra naman tayo.  Kapag sobrang alat, nasisira rin ang pagkain.  Kaya kailangan din po nating tanungin ang sarili natin: Nakapagpapasarap pa ba ako ng pagkain o nakasisira na lang?  Sa aking tahanan, sa aking parokya, sa aking bansa, ako ba ang pampasarap o pansira?

Sinabi rin po ni Jesus, “Kayo’y ilaw sa sanlibutan.”  Naalala ko po ang isang kuwento.

“Matanda na ako,” wika ng isang amo sa kanyang tatlong katiwala.  “Gusto kong malaman ninyo na ang lahat ng aking kayamanan ay ipamamana ko sa isa sa inyo.  Pero kailangan muna kayong dumaan sa pagsubok na ito.  Heto ang salapi, tig-sa-sampunlibong piso kayo.  Heto rin ang tatlong malalaki, bakante, at madilim na silid, tig-isa rin kayo.  Ngayon, humayo kayo at punuin ninyo ang silid ng anumang mabibili ng tig-sampunlibong piso ninyo.  Ang makapupuno ang siyang magiging kaisa-isang tagapagmana ng lahat ng kayamanan ko.”

At humayo na po ang tatlong katiwala.

Ginamit ng una ang kanyang salaping tinanggap para bumili ng iba’t ibang uri ng papel na kanyang pinagpira-piraso at inilagay sa malaki, bakante, at madilim na silid na natoka sa kanya.  Ngunit ni hindi man lang niya po napangalahating punuin ang silid.

Ang ikalawa naman ay bumili ng mga buhangin.  Subalit bigo rin siyang punuin ang malaki, bakante, at madilim na silid.

Magtatakipsilim na po nang dumating ang ikatlo, may tangan-tangang kandila.  Isinama niya ang amo sa malaki, bakante, at madilim na silid na dapat niyang punuin ng kahit ano.  Pagpasok nila sa silid, ipinatong ng katiwala ang kandila sa sahig at pagkatapos ay sinindihan ang mitsa nito.

“Boss,” wika ng ikatlong katiwala, “may nakikita po ba kayong madilim na bahagi ng silid na ito?”

“Wala,” sagot ng amo.

“Kung gayon, hindi lamang po sa hindi na madilim ang silid na ito, hindi na rin po ito bakante.  Pagkalaki-laki man po ng silid na ito, kayang-kaya naman itong punuin ng liwanag na mula sa kahit munting kandilang ito.”

Ang ikatlong katiwala ang nagwagi.  Hangang-hanga sa kanyang katalinuhan, ipinamana sa kanya ng kanyang amo ang lahat nitong kayamanan.

Hindi lang daw po tayo asin sa sanlibutan, ilaw din pala tayo sa sanlibutan, sabi ng Panginoon.  At dapat din daw po nating paliwanagin ang ating ilaw sa harapan ng mga tao hindi para purihan tayo kundi ang ating Ama sa langit.

Paano nga po ba nating paliliwanagin ang ilaw natin?  Balikan po natin ang pahayag ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias sa unang pagbasa ngayon.  Ipinasasabi raw sa atin ng Panginoon, ayon sa Propeta, “Ang mga nagugutom ay inyong pakanin, patuluyin sa inyong tahanan ang walang tirahan.  Yaong mga tao na halos hubad na ay inyong paramtan, ang pagtulong sa mga kasama ay huwag tatalikdan.  At kung magkagayon, matutulad kayo sa bukang-liwayway….  Kung titigilan ninyo ang pang-aalipin at pagsuway sa akin, at ang masamang salita’y iiwasan, kung ang nagugutom ay pakakanin ninyo at tutulungan, ang kadilimang bumabalot sa inyo ay magiging tila liwanang sa katanghalian.”

Ngayon alam na po natin kung bakit, sa kabila ng ilang bilyon nang taon ng pagsikat ng araw, paglitaw ng buwan, at pagkakatulas ng tao sa apoy, marami pa ring madidilim na sulok sa mundo.  Kulang na kulang pa po ang mga Kristiyanong nagliliwanag sa pamamagitan ng tapat na pagsasabuhay ng kanilang pananampalataya.  Kailangang-kailangan pa po ang mga alagad ni Jesus na, tulad ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa natin ngayon, aakit sa lahat ng tao “sa pamamagitan ng patutoo ng Espiritu” at namumuhay sa pananalig kay Kristo nang hindi batay sa “karunungan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Diyos”.  Sa kasawiampalad pa, kulang na kulang na nga at kailangang-kailangan pa nga, pero meron pang mga Kristiyano “raw” na, sa tutoo lang po, kadiliman ang dala sa buhay ng maraming tao.  Sana po, huwag na tayong dumagdag pa.

Gaya rin sa asin, ingatan din po natin na baka sa sobrang pagliliwanag natin ay nakabubulag naman tayo sa halip na nakatutulong makakita.  Lagi lang po sana nating tiyakin na ang liwanag ng ating ilaw ay hindi lamang nagmumula kay Jesus kundi si Jesus mismo.  Kasi po, aminin man natin o hindi, minsan ang liwanag-liwanag nga natin pero hindi naman talaga si Jesus ang ating ilaw.  Baka hindi na pagpupuri sa Diyos ang pakay natin.  Baka sarili na natin ang gusto nating sumikat, palakpakan, at papurihan.  Baka lang naman po.

Ang taon pong kasalukuyan ay idineklara ng Catholic Bishops Conference of the Philippines bilang “Taon ng Mga Layko”.  Bagamat hindi lang naman ang mga layko ang dapat na maging asin at ilaw sa sanlibutan – bagkus, kami ring mga pari – ang abot ng alat at liwanag ninyo, mga kapatid kong layko, ay higit pang malawak.  Bagamat hindi po kayo sa mundo, nasa mundo na po kayo, kung saan sa pamamagitan ng inyong mga hanapbuhay, mga kaabalahan, mga karaniwang lugar, at iba pa ay maipahahayag ninyo ang Mabuting Balita ni Kristo sa salita at gawa.  Kung pagbibigay-lasa ang pakay ng pagiging asin sa sanlibutan, sa mismong presensya pa lamang ninyo sa mundo ay puwedeng-puwede na po ninyong bigyan ng nararapat na lasa ang buhay ng mundo.  Kung pagbibigay-liwanag ang pakay ng pagiging ilaw sa sanlibutan, sa kagyat ninyong pakikisangkot sa pulitika, ekonomiya, kultura, panlipunang kaabalahan, ekolohiya, sining, at iba pa, kayang-kaya po ninyong pagliwanagin ang mundo ng ilaw ni Kristo.  Napakahalaga po ninyo, mga kapatid kong layko.  Gusto po ninyo ng mga banal na pari, hindi ba?  Nais ko pong sabihin sa inyo, kailangan din po namin, mga pari ninyo, ang mga banal na layko.  Bigyan n’yo rin po kami ng inspirasyon.  Gusto n’yo rin po ba ng mga paring hindi lamang maka-Diyos kundi makabayan din?  Sinasabi ko po sa inyo, gusto rin namin ng mga bayaning layko.  Iyan nga po ang pangarap at hamon ng Taon ng Mga Layko: "Called to be saints.  Sent forth as heroes!"  Kailangang-kailangan po ni Jesus ng mga alagad na banal at bayani.  Sana po, kayo na ‘yun.  Huwag n’yo po sanang sasabihin sa akin, “Hindi, Fr. Bob, ikaw na!”  (Ako lang po?)


2 comments:

  1. Anonymous7:49 PM

    Thank you fr. Bob for the inspiration thru your reflection this sunday liturgy. Thanks for being the salt and light of your parishioners. God bless!

    ReplyDelete
  2. I thank God that in a rather small way my reflections can be a source of strength and inspiration for those who partake of our "CRUMBS". We are all "called to be saints and sent forth as heroes." +

    ReplyDelete