Pages

28 December 2013

IUWI SI JESUS (Itakas kay Herodes!)

Kapistahan ng Banal na Mag-anak
Mt 2:13-15, 19-23 (Sir 3:2-6, 12-14 / Slm 127 / Col 3:12-21)

Ilang araw pa lang po ang nakaraan – ni wala pang isang linggo – nang ipagdiwang natin ang kapanganakan ni Jesus, ipinagdiriwang naman po natin ngayong araw na ito ang pamilya nila ni Jose at Maria.  Baka kasi po sobrang tutok natin sa ganda ng dekorasyon nating Belen at hindi na natin napapansin na may pamilya pala sa loob niyon.  Hindi po ang batong-panuluyan ang nagpapaganda sa belen kundi ang pamilyang nanuluyan doon.

Bakit po maganda ang pamilya ni Jesus, Maria, at Jose?

Maganda ang pamilya sa loob ng belen dahil naroroon po si Jesus.  Tingnan po ninyo, hindi naman talaga maganda ang sabsaban eh.  Lalo na kung doon ka manganganak o ipanganganak.  Marumi kaya roon.  Mabaho.  Hind lang po amoy dayami, amoy dumi pa ng mga hayop sa loob ng sabsaban.  Mga misis, ayos lang po ba sa inyong sa sabsaban kayo manganak?  Mga mister, papayag po ba kayong sa sabsaban lang manganak ang misis n’yo?  Meron po ba ritong gustong sa sabsaban siya ipanganak?  Katabi ng mga hayop?  Kaamoy ng mga hayop?  Karumi ng mga hayop?  Palagay ko naman po, wala.  Pangit ang sabsaban.  Hindi po nakatutuwang doon manganak.  Wala pong maganda sa ipanganak sa sabsaban.  Pero bakit kahali-halina para sa atin ang sabsaban sa Belen?  Bakit po sa halip na lumayo tayo ay lapit tayo nang lapit sa sabsaban sa Belen?  Kung pangit ang sabsaban, bakit po taun-taon ay ipinamamalamuti natin ito sa bahay natin, sa simbahan, sa opisina, sa paaralan, sa kalye, at maging saan-saan?  Kasi po naroroon si Jesus.  Si Jesus nga po ang nagpapaganda sa sabsaban sa Belen.  Siya po ang kabanguhan ng sabsaban.  Kapag wala si Jesus, pangit ang Belen.  Kapag wala si Jesus, mabaho ang sabsaban.

Ang pamilya po kaya natin – maganda?  Ang bahay po kaya natin – mabango?  Ang buhay po kaya natin – kahali-halina?  Kung hindi po, baka wala roon si Jesus.  Eh nasaan si Jesus?  Ah, malamang po, naiwan ninyo sa Belen.  Hindi n’yo po ba Siya isinamang pauwi sa bahay n’yo?  Hindi n’yo po Siya ipinasalubong sa pamilya ninyo?  Naku, papangit nga po ang buhay ninyo.  Babaho nga po ang bahay ninyo.  Huwag n’yo pong iwan si Jesus sa Belen.  Iuwi ninyo Siya.  Gusto n’ya pong manahan kasama ninyo at ng pamilya ninyo.

Sa susunod na taon po, paglagay ninyo ulit ng Belen sa bahay ninyo, huwag n’yo pong lagyan ng Jesus.  Kahit pagsapit ng mismong araw ng Pasko, huwag n’yong lalagyan ng Jesus.  Palagay ko po, wala ni isa sa inyo ang susunod sa mungkahi ko.  May Belen bang walang Jesus?  May Pasko bang walang Jesus?  O, eh bakit po may bahay na walang Jesus?  Bakit may buhay na walang Jesus?  Bakit may pamilyang walang Jesus?  Meron nga pong bahay na walang Jesus, buhay na walang Jesus, at pamilyang walang Jesus, pero, huwag po nating lilinlangin ang sarili natin o magtanga-tangahan kaya, alam po nating kulang ang bahay, buhay, at pamilyang yaon.  Si Jesus po ang kumukumpleto sa ating bahay, buhay, at pamilya.  Hanggang wala si Jesus, kulang tayo.

Ngunit sa ating panahon, na kung tawagin natin ay moderno, may mga Herodes pa ring nais pumatay kay Jesus.  Ayaw nilang makapasok si Jesus sa bahay natin, pero kung anu-anong malalaswa, mararahas, at mali-maling pagpapahalaga ang malayang ipinapasok nila sa bahay natin sa pamamagitan ng telebisyon, internet, at iba pang mass media.  Kadalasan pa nga, kundi tayo walang kamalay-malay, sang-ayon na sang-ayon naman po tayo.  Ayaw din nilang papasukin si Jesus sa mga paaralan.  Sa Amerika nga po bawal maglagay ng krusipihyo sa dingding ni magdasal sa loob ng silid-aralan.  Pero bakit po ibinabandera pa nila sa kanilang mga dolyares ang “In God we trust”?  May mga makabagong Herodes na pinipigilang makapasok si Jesus sa buhay natin sa pamamagitan ng mga artipisyal na pagkontrola sa pagbuo ng buhay, sa pamamagitan ng pagkitil sa buhay na nasa sinapupunan pa lang, sa pamamagitan ng pagtataguyod sa mga kasal na hindi talaga makabubuo ng bagong buhay dahil parehas ang kasarian ng ikinakasal, at sa pamamagitan ng diborsyo para makapag-asawang muli’t muli ang mga diborsyada’t diborsyado, at mapanlinlang nila tiong tinatawag na karapatang-pantao.  Marami pa rin pong mga Herodes na hadlang para makapasok si Jesus sa ating pamilya sapagkat sila po mismo ang promotor ng mga maling pagpapahalaga kaya nagkakawatak-watak ang ating pamilya.

Ano pong dapat nating gawin?

Itakas po natin si Jesus!  Opo, kasama ni Jose at Maria, itakas natin si Jesus.  Iuwi natin si Jesus sa bahay natin.  Kupkupin natin si Jesus sa buhay natin.  Palakihin po natin si Jesus sa pamilya natin.  Gaya po ni Jose, at katulong ni Maria, ilayo po natin si Jesus sa mga Herodes ng ating panahon.  Buhayin po natin si Jesus, ipagtanggol, at mahalin.  Huwag na huwag po tayong pumayag na mamatay si Jesus sa kamay ng mga makabagong Herodes.  Baka naman po nakatakas nga si Jesus sa pangil ni Haring Herodes para lang ipakain natin Siya sa mga makabagong Herodes.  Huwag naman po!

Ilang araw pa lang po nang ipagdiwang natin ang pagsilang ni Jesus, pero agad-agad itinutuon ang ating pansin sa pamilya Kanyang kinasilangan.  Baka kasi po umistambay na lang tayo sa Belen at hindi na umuwi.  At baka rin po malimutan nating iuwi si Jesus.  Iuwi n’yo po Siya ha.  Hindi lang Siya para sa inyo; para po Siya sa pamilya ninyo.  Gustong-gusto N’ya pong gumanda ang pamilya n’yo.

No comments:

Post a Comment