Pages

01 November 2013

SI ZAKEO AT ANG PUNO NG SIKOMORO: KUWENTO NATIN ITO

Ikatatlumpu’t Isang Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 19:1-10 (Kar 11:22-12:2 / Slm 144 / 2 Tes 1:11-2:2)

Nais niyang makita si Jesus, siya pala ang gustong makita ni Jesus!  Gusto niyang masilayan man lamang si Jesus, pero nais pala ni Jesus makituloy sa bahay niya!  Dahil siya ay isang publikano, mababa ang tingin ng mga tao sa kanya, pero tiningala siya ni Jesus!  Umakyat siya sa puno ng sikomoro dahil sa kanyang kapandakan, pero bumaba siya mula roon nang pinakamatangkad sa lahat.  Minamaliit siya ng lahat pero pinahalagahan siya ni Jesus.  Siya po si Zakeo.  Inakyat niya ang isang puno ng sikomoro.

Sino pong hindi mapamamahal kay Zakeo?  Wala.  Dahil sa bawat-isa sa atin ay may Zakeo pong naghihintay mapansin, mapahalagahan, mapatawad, mabigyan ng pagkakataon, mamahal.  Ang kuwento ni Zakeo ay kuwento po nating lahat.  Lahat tayo ay may kapandakan.

Tayo pong lahat ay may kani-kaniyang kasalatan, kakulangan, kahinaan, at mga kasalanan.  Ngunit sa kaibuturan ng bawat-isa sa atin ay may pagnanais na makita si Jesus, mamasdan Siya, makausap, mahawakan, mayakap.  “O Jesus, sana’y mapansin Mo rin po ako,” naibubulong natin sa pagdarasal natin.  “Pansinin Mo naman po ako, O Panginoon!” marahil ay naisigaw na rin natin.

Subalit may mga hadlang sa pagitan natin at ni Jesus.  Hindi po si Jesus ang naglagay ng mga hadlang na iyan.  Baka po tayo mismo.  Baka po kapwa-tao rin natin.  Madalas pa nga sinusundan tayo ng mga hadlang na iyan saan man po tayo pumunta.  Ngunit lagi pong may puno ng sikomoro para akyatin natin at mula roon ay masulyapan si Jesus.  Sino po ang mga taong nagsilbing puno ng sikomoro sa buhay natin?  Napasalamatan na po ba natin sila?  Tayo po, nagsilbi na ba tayong mga puno ng sikomoro para sa iba pang mga “Zakeo”?

Hindi tayo ang nakatatagpo kay Jesus.  Si Jesus po ang nakatatagpo sa atin. Natatagpuan po natin si Jesus dahil una na po Niya tayong natagpuan.  Minsan, nabanggit ni Kardinal Chito sa retreat naming mga pari, “When you realize that you are lost, stop and wait.  Someone will find you.  Jesus always finds us because that is the work of the Good Shepherd”.  Kapag tayo po ay nawawala o nagwawala, huwag na tayong mamasyal pa; baka lalo tayong mawala.  Manahimik tayo, manalangin, maghintay sapagkat may makatatagpo sa atin – ang Mabuting Pastol.  Iyan po kasi ang gawain ng Mabuting Pastol: ang hanapin ang nawawalang tupa.  Si Jesus po ang Mabuting Pastol.  At tulad ng ginawa Niya kay Zakeo, tayo po ang sadya Niya.  Hindi lamang Siya napadaan.  Hindi lang po Siya naligaw sa ating kinaroroonan.  Talagang tayo po ang pakay ni Jesus.  Salamat sa puno ng sikomoro sa ating buhay at salamat kay Jesus na tumingala sa atin samantalang tinitingnan tayo nang mababa ng iba!

“Zakeo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo,” wika ni Jesus sa Ebanghelyo.  Kailangan.  Kailangan?  Si Jesus na Anak ng Diyos ay may kailangan?  Kailangan Niya palang tumuloy sa bahay ng mga Zakeo ng mundong ito.  Kaya pala sa Lk 5:32, sinabi na ng Panginoon, “Hindi Ako naparito upang tawagin ang mga banal, kundi ang mga makasalanan upang magsisi sila.”  Naririnig po ba natin si Jesus na tumatawag sa atin?  Dinirinig po ba natin Siya talaga?  Nais Niyang magsisi tayo upang tayo ay lumigayang tutoo.  Hindi sapat para sa isang Zakeo na makita lang si Jesus, dapat niya Siyang dinggin.  Kailangan tayo ni Jesus dahil kailangan po natin Siya.  Hanggang kailan natin Siya paghihintayin?  Hanggang kailan natin Siya de-dedmahin?  Hanggang kailan tayo magbibingi-bingihan sa Kanya?

Tumugon si Zakeo kay Jesus.  Kung ang nais niya ay ang makita lang si Jesus, gusto pala Siyang kausapin ni Jesus – makasalo, makakuwentuhan, makaniig, maging kaibigan.  Bumaba si Zakeo mula sa punong sikomoro at pinatuloy niya si Jesus sa kanyang bahay.  Pinagbigyan niya si Jesus kaya naman nabigyan siya ni Jesus ng bagong buhay, ng bagong pagkakaton sa buhay, ng malayang buhay, ng higit na maligayang buhay, ng buhay na naaayon sa kalooban ng Diyos.  Binago ni Jesus ang buhay ni Zakeo.  Nang araw ding yaon, ibang tao na po si Zakeo.  At hindi sapat para sa kanya na pagsisishan lamang niya ang kanyang mga kasalanan.  Nagpasiya rin po siyang iwasto ang minali ng kanyang pagkakasala, na ibalik ang kanyang ninakaw, at nang maka-apat na ibayo pa!  Hindi niya lang pinapasok si Jesus sa kanyang bahay; hinayaan din po niyang manghimasok si Jesus sa buhay niya.  Babala po: Kapag tutoong pinapasok ninyo si Jesus sa bahay n'yo, panghihimasukan Niya ang buhay n'yo.  Handa po ba kayong manghimasok si Jesus sa buhay n'yo?

Tayo pong nagsasabing welcome si Jesus sa bahay natin, welcome din po ba Siya talaga sa buhay natin?  Pinapapasok nga natin Siya sa bahay natin, pero pinatutuloy rin po ba natin si Jesus sa ating buhay?  Marami sa atin ang may debosyon ng pagluluklok kay Cristo Rey sa bahay natin, pero hinahayaan po ba nating makilahok Siya sa mga pagpapasiya, mga gawain, mga kaabalahan, at mga pagpapahalaga ng pamilya natin?  Si Jesus po ba ay hari ng buhay natin o ng bahay lang natin?  Hangga’t hindi natin ganap at tutoong sinusuko kay Jesus ang ating puso, lumang tao pa rin tayo.  Walang pagbabago.  Sayang.  Sayang na sayang po, gusto nating lumigaya pero nang tunay na Ligaya na mismo ang kumatok sa ating pintuan, pinatuloy nga natin Siya pero hinayaan din natin Siyang umalis.  Kapag pinatuloy na natin si Jesus sa buhay natin, huwag na huwag na po natin Siyang payagang umalis.  Sa Kanya na ang bahay natin; Siya na po ang buhay natin.

Minsan po tayo si Zakeo.  Minsan po tayo ay puno ng sikomoro.  Minsan, tayo ang hinahanap ni Jesus.  Minsan, tayo rin po ang daan para mahanap ni Jesus ang ibang tao. Kung tayo po si Zakeo, ano ang mga hadlang sa atin para makita natin si Jesus at para matagpuan tayo ni Jesus?  Kung tayo po ay puno ng sikomoro, sino naman po ang ating Zakeo?  Kung tayo si Zakeo, ano po ang patunay ng ating pagbabalik-loob sa Diyos?  Kung tayo naman po ay puno ng sikomoro, payag ba tayong akyatin, tuntungan, at paglambitingan ng mga Zakeong nais makita si Kristo? Ngunit tayo man po si Zakeo o isang puno ng sikomoro, may halaga lamang ang ating kuwento kung hinahayaan nating baguhin tayo ng pag-ibig ni Kristo.

No comments:

Post a Comment