Unang
Linggo ng Adbiyento
Mt 24:37-44 (Is 2:1-5 / Slm 121 / Rom 13:11-14)
Bagong
taon po ngayon sa Santa Iglesiya. Happy
New Year po! Ngayong unang Linggo ng
Adbiyento, pinasisimulan po natin ang bagong taong liturhikal. Nagsisimula po tayong magbilang muli ng mga
araw, mga linggo, at mga panahon sa buhay nating bilang Iglesiya. Ang a-primero ng Enero ay Bagong Taon sa
lipunang sibil, samantalang ang unang Linggo ng Adbiyento naman po ang para sa
sambayanang pang-Iglesiya.
Sa
kasawiampalad, ang Adbiyento ang pinakahindi popular na panahon ng taon. Hindi po ito gusto ng mundo. Sadyang nilalaktawan. Para sa mundo – at para sa mga makamundo! –
walang Adbiye-Adbiyento. Pasko
agad. Sa Pilipinas nga po, halimbawa,
bagamat ipinagmamalaki nito ang pagiging Kristiyanong bansa sa Dulong Silangan,
lahat yata ng tao ay tila patangay na lang po sa agos ng rumaragasang daloy ng
kapaskuhan sin-aga ng Setyembre. Saan na
po napunta ang Adbiyento? Ano na pong
nangyari sa panahon ng Adbiyento?
Ang
Adbiyento ay natatanging panahon para sa paghihintay. At bago po natin isiping hinihintay lang
natin ang araw ng Pasko, itinutuon ng panahon ng Adbiyento ang ating
mapagbantay at malikhaing paghihintay hindi lamang sa kaarawan ng Panginoon kundi
pati rin sa Kanyang muling-pagbabalik sa wakas ng panahon. Sa katunayan nga po higit na mahalaga ang
paghahanda para sa pagbabalik ng Panginoon sa wakas ng panahon kaysa sa
paghihintay natin sa pagsapit ng a-bentesinko ng Disyembre. Kaya nga po, bagamat ang panahon ng Adbiyento
ay nahahati sa dalawang bahagi, ang malaking bahagi nito ay abala sa paghahanda
natin para sa ikalawang pagdating ni Kristo sa mundo. Dumating na si Jesus noong araw ng Pasko. Maghanda po tayong mabuti upang ipagdiwang
ang Kanyang kaarawan. Darating muli si
Jesus sa wakas ng panahon. Maghanda po
tayong mabuti para salubungin Siya.
“Time is
gold” – “Ginto ang oras,” ika ng kasabihan.
Maaga po tayong tinuruang huwag magsasayang ng oras, huwag kukupad-kupad,
huwag magpabukas-bukas, at samantalahin ang panahon (“Carpe diem!”). Sapagkat madalas po tayong mapatapon sa gitna
ng buhay na parang karera ng mga daga, marami po sa atin ang tingin sa
paghihintay ay pag-aaksaya ng panahon.
Ito po marahil ang dahilan kung bakit hindi pinapansin ng mundo ang
Adbiyento. Ito po siguro ang dahilan
kung bakit sa maraming mga tao ay hindi popular ang Adbiyento.
Ngunit ang
Adbiyento ay hindi pagsasayang ng panahon.
Sa halip pa nga, tinuturuan po tayo ng Adbiyento na pahalagahan ang
panahon. Dinidisiplina po tayo nito sa
paghihintay sa tamang panahon. At kapag
ang tamang panahon ay dumating na, talaga naman pong higit tayong handa
sapagkat naghintay nga po tayo. Ang
nagmamadali ay nakikipagharutan sa panganib.
Nililigawan ng nagmamadali ang kabiguan.
Inililigtas po tayo ng paghihintay mula sa panganib at nababawasan nito
nang malaki ang posibilidad ng kabiguan.
Ang
panahon ng Adbiyento ay hindi pagwawaldas ng oras. Sa halip, inuungkat po ng panahon ng
Adbiyento sa atin kung ano ang ginagawa natin sa oras natin.
“Kumusta
ba ang buhay ng isang tambay,” natanong ko po minsan sa kanto boy.
“Naku,
Father, napakahirap pong maging tambay!” sagot sa akin. “Araw-araw na lang po tanghali ka nang
gigising, may hang-over pa. Paggising mo
po, wala nang pagkain. Inubos na
nila. Kaya lalabas ka po at, dito nga po
sa kanto, kailangan mong magdelihensya.
Maya-maya po darating na rin ang iba pang mga tambay. Dito po kami sa kanto maghapon. Kailangan naming pag-usapan ang lahat ng mga
dumaraan habang nag-iinuman. Madalas pa
po dapat naming aluking uminom din ang mga kakilala naming dumaraan. Anong malay mo, Father, baka balang araw
maging tambay din sila. Kapag wala na po
kaming mapag-usapan, paminsan-minsan puwede rin pong magsuntukan, magmurahan,
at, kapag minamalas-malas ka, magsaksakan para lang po may magawa naman kaming
iba. For
a change ika nga. Kapag pagod na po
kaming tumambay, isa-isa na po kaming uuwi (kung kaya pang umuwi). Tapos, Father, pagdating mo ng
bahay, tulog na po silang lahat. Mag-isa
ka na lang dilat. Naku, Father, napakalungkot
po ng buhay ng tambay. At kapag
minalas-malas ka pa, may nag-aabang pa sa yong machine gun si misis. Biro
mo ‘yun, Father, lasing ka na nga, pagod ka na ngang tumambay, bubungangaan ka
pa! Anong pong akala mo sa buhay ng
tambay, Father, madali? Naku, hindi po,
Father! Napakahirap kaya ng buhay ng
isang tambay. Gusto mo pa, Father,
minsan sumama ka po sa aming tumambay para malaman n’yong ang hirap-hirap
talagang maging tambay.”
“Ah, eh,
hindi, okay na ako. Thank you na lang,”
sagot ko po.
Ang pa-ista-istambay ay pagwawaldas ng
panahon. Ang pagpupuyat nang walang
kapararakan at paggising kinabukasan kung kelan tirik na ang araw ay
napaka-iresponsableng paggamit ng oras.
Pag-aaksaya rin ng panahon ang pakikipag-tsismisan. Ang pamumuhay sa panghihinayan ay pagwawaldas
din po ng panahon. Pagsasayang din po ng
pagkakataon ang pag-antala sa paggawa ng kabutihan, pagsasabi ng kabutihan, at
pag-iisip ng kabutihan. Pero, kailanman,
ang paghihintay po ay hindi pagsasayang ng panahon dahil ang paghihintay po ay
hindi naman nangangahulugang wala tayong ginagawa.
Ngayong panahon ng Adbiyento, isa po sa
maraming bagay na maaari nating gawin para sa mapagbantay at malikhaing
paghihintay ay ang tanungin ang sarili, “Anong ginagawa ko sa panahong kaloob
sa akin ng Diyos?” Puwede po ba huwag
tayong magsinungaling sa sagot natin?
Sapagkat ang bawat-isa sa atin ay mananagot sa Diyos kung paano natin
ginamit ang oras, panahon, at pagkakataong ibinigay Niya sa atin.
Napakahalaga
po ng panahon dahil limitado lang nito ang meron tayo. May dalawampu’t apat na oras lamang ang isang
araw. May pitong araw lang po ang isang
linggo. May apat na linggo lang po ang
isang buwan. May labindalawang buwan
lang po ang isang taon. May sampung taon
lang po ang isang dekada. At ilang
dekada naman po kaya ang meron tayo para mabuhay – isa, dalawa, tatlo, apat,
lima, anim, pito, walo? Iilan lamang po
ang nakalalampas nang nobenta. Dahil
napakahalaga ng panahon, kailangan po nating regular at makatotohanang suriin
kung paano natin ito ginagamit.
Tinutulungan po tayo ng panahon ng Adbiyento sa napaka-importante at
personal na gawaing ito. Ang paghihintay
ay hindi po pagsasayang ng oras; sa halip, inilalagay nito ang oras sa tama
nitong perspektibo. At inilalagay din po
tayo nito sa dapat nating kalagyan.
Ipinahihiwatig po sa atin ng lahat ng mga
pagbasa ngayong araw na ito, ang unang Linggo ng Adbiyento, ang Bagong Taon sa
Santa Iglesiya, ang palagiang paalala sa atin ng Salita ng Diyos:
Maghanda! Sa unang pagbasa po, sinasabi
ni Propeta Isaias na ang mga araw ay darating kung kailan tutupdin ng Panginoon
ang Kanyang pangako ng kapayapaan sa Israel.
Ipinahahayag naman po ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa, ang
kanyang Liham sa Mga Taga-Roma, na ang panahon ng Panginoon ay naririto na,
nagbubukang-liwayway sa lahat ng sanilikha.
Si San Matero naman po sa Ebanghelyo ay ipinaaalala sa atin ang mga
sinabi ni Jesus tungkol sa Kanyang pagbabalik sa oras na hindi natin
inaasahan. Sa katuparan ng pangako ng
Panginoon, sa pagkanaririto na ng panahon ng Panginoon, sa pagbabalik ni Jesus
– handa po ba tayo? Naghahanda po ba
tayo? Pinalalakas ng tatlong pagbasa ang
loob ng mga naghahanda upang manatili silang mapagbantay sa kanilang
paghihintay, samantalang ginigising naman nito ang mga nalango na sa kaaliwan
ng mundo bago maging huli na ang lahat para sa kanila.
Patuloy po nating ipaalala sa mundo na may
panahon ng Adbiyento. Huwag po nating
hayaang lunurin ng mga sigaw ng konsumerismo ang katahimikan ng paghihintay ng
Adbiyento. Huwag po tayong pumayag na
makaladkad tayo sa pagmamadali ng marami sa pagdiriwang ng Pasko kapalit ng
nararapat na panahon ng Adbiyento.
Turuan po nawa natin ang mundo na maghintay sa Panginoon nang mulat at
malikhain. Kasabay ng apoy na
pumapailanlang mula sa unang kandila ng Adbiyento na ating sinindihan ngayong
araw na ito ay ang ating panalangin: Nawa, ang liwanag ng pagdating ni Jesus ay
painitin ang mga pusong nanlalamig at bigyang-kaliwanagan ang mga buhay na
walang pag-asa. Sa pamamagitan ng ating panalangin
puspos ng pananampalataya magtanod po tayo at sa pamamagitan naman ng kongkretong
mga gawa ng pagmamalasakit sa kapwa ipagpatuloy po natin ang ating paghihintay
sa Panginoon. Tayo po mismo ang
magsilbing mga kandila ng Adbiyento para kay Jesus at para sa isa’t isa.
Opo, ang Adbiyento ay hindi nga pagsasayang
ng panahon. Pero, ngayo’y sinasabi ko,
“Pagsasayang din!” Ang Adbiyento ay
pagsasayang natin ng panahon sa Diyos.
At palagi pong karapat-dapat ang Diyos na pag-aksayahan natin ng
panahon.
No comments:
Post a Comment