Ikadalawampu’t Pitong Linggo sa Karaniwang
Panahon
Lk 17:5-10 (Hbc
1:2-3; 2:2-4 / Slm 94 / 2 Tim 1:6-8, 13-14)
Dagdag na sahod. Dagdag na baon. Dagdag na discount
sa bilihin. Dagdag na salaping
pambili. Dagdag na oras at panahon. Dagdag na pasensya at pag-unawa. Dagdag na tangkad. Dagdag appeal. Dagdag puntos. Dagdag rekados. Dagdag boto.
Dagdag dito, dagdag doon.
Maraming dagdag. Maraming
nagpapadagdag. Pero kakaunti lang po ang
nagsasabing “Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!” Kayo po, ano ang gusto ninyong madagdagan sa
buhay ninyo?
“Dagdagan po Ninyo ang aming pananalig
sa Diyos!” hiling ng mga apostol kay Jesus.
Hango po ito sa Lukas 17:5. Ito
rin po ang simula ng Ebanghelyo ngayong araw na ito, at kadalasan po ay halos
eksklusibong iniuugnay ito sa usapin tungkol sa pananampalataya. Pero, teka lang po. Parang iba yata ang orihinal na konteksto
nito.
Ang Ebanghelyo po sa araw na ito ay
mula sa Lk 17:5-10. Sa madaling-sabi,
may nauuna pong apat na bersikulo bago ang siping ito. Mababasa po sa apat na nauunang bersikulong
ito ang ganito: “Sinabi rin Niya sa Kanyang mga alagad, ‘Hindi maiiwasan ang
mga sanhi ng pagkakasala, ngunit sawimpalad ang taong nagdudulot nito! Mabuti pa sa kanya ang bitinan sa leeg ng
batong gilingan at ihagis sa dagat, kaysa siya ay magdulot ng ipagkakasala sa
isa sa maliliit na ito. Mag-ingat sana
kayo. Kung ang kapatid mo ang magkasala,
pagsabihan mo siya, at kung magsisisi, patawarin mo siya. At kung makapito sa isang araw na siya ay
magkasala sa iyo, at makapitong magbalik sa iyo na nagsisisi, patawarin mqo
siya.’” Tapos, kasunod po nito ang
ikalimang bersikulo, na siyang simula ng Ebanghelyo ngayon. “Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa
Diyos!” wika ng mga apostol kay Jesus.
Samakatuwid, malinaw po na hindi agad
at hindi lamang tungkol sa pananampalataya ang pakay ng paghingi ng mga apostol
ng karagdagang pananalig sa Diyos. Ang sanhi
ng kahilingan ng mga apostol ay ang atas ng Panginoong Jesus na magpatawad sila
sa mga sa kanila ay nagkakasala. Kung
makapitong beses daw pong magkasala sa kanila ang kanilang kapwa at makapitong
beses din itong nagsisising magpabalik-balik sa kanila para humingi ng tawad,
dapat daw nila itong patawarin.
Para
sa mga Judyo – at si Jesus at ang mga apostol ay mga Judyo – higit pong malinaw
at damang-dama ang bigat ng atas na ito sapagkat, para sa kanila, ang numerong
pito ay sagisag ng kaganapan. Kaya nga
po, kitang-kita ng mga alagad na ang ibig sabihin ni Jesus ay “Magpatawad kayo
hanggang kailangang magpatawad. Huwag
ninyong lagyan ng hangganan ang pagpapatawad ninyo. Dapat ay lubos, taos, at masagana hindi
lamang ang dami ng beses kayong magpatawad kundi ang uri rin ng inyong pagpapatawad. Huwag ninyong sasabihin sa humihingi ng tawad
sa inyo, ‘O, nakakadalawa ka na o nakakatatlo ka na. Isa pa, uupakan na kita. Huling beses na ‘to. At kalahati sa atraso mo sa akin ang pinatatawad
ko. Yung kalahati baka next year na lang.’ Sa halip, magpatawad kayo nang walang
panunumbat, panunukat, at pananakot sa pinatatapos ninyo, anupa’t matapos
ninyong siyang patawarin – anuman ang kasalanan niya sa inyo – ay para bagang kahit
kailan ay walang anumang naging atraso siya sa inyo.”
Wow,
ang hirap-hirap naman po, hindi ba? Paano
kung pinagtaksilan ka ng asawa mo? Paano
kung pinagsamantalahan ka ng kaibigan mo?
Paano kung sinaktan o pinatay ang anak mo ng mga “halang-ang-kaluluwa”? Paano kung ninakaw ng pinagkakatiwalaan mo
ang pinaghirapan mong ipundar? Wala bang
qualifications na dapat meron ang
nagkasala bago mo siya patawarin? Wala
bang requirements na dapat muna
niyang matupad bago mo siya patawarin?
Wala bang kabayaran? Maliban sa
tapat na pagsisisi at paghingi ng tawad, wala po. Wow! Aba,
talaga naman pong kailangan natin ng karagdagang pananalig sa Diyos kapag ganyan.
Pananalig po sa Diyos ang lakas ng
taong mapagpatawad. Pananalig sa Diyos
ang dahilan ng kapatawaran. Pananalig na
ikaw mismo ay pinatatawad ng Diyos, gaano man kaliit o kalaki ng iyong mga
kasalanan at kahit paulit-ulit mo pang nagagawa ang parehong mga kasalanan, ang
siyang matibay na sanhi ng pagpapatawad mo sa iyong kapwa, anuman ang kanyang
kasalanan sa iyo at paulit-ulit man din siyang magkasala sa iyo.
Mas
hirap magpatawad, mas kailangang manalig sa Diyos. Mas mahirap patawaring kasalanan, mas
malaking pananalig sa Diyos ang kinakailangan.
Mas mahirap patawaring tao, mas lalong manalig sa Diyos.
Ito ang karanasan ni Propeta Habakuk
sa unang pagbasa ngayong araw na ito.
Parang pinanghihinaan na siya ng loob.
Parang nayayanig na ang pananalig niya sa Diyos. “Panginoon,” daing ng Propeta, “hanggang
kailan…?” Ang tingin n’ya, parang walang
ginagawa ang Diyos at hinahayaan na lang Niyang mamayani ang karahasan,
kasamaan, kahirapan, hidwaan, at pagtatalo – mga kasalanan ng kapwa sa kanyang
kapwa-tao. Sa sobrang mapagpatawad ng
Diyos, lubhang kailangan ni Propeta Habakuk na higit pa siyang manalig sa
Diyos. Ang kanyang pagdaing sa Panginoon
ay halos katulad ng pakiusap ng mga apostol kay Jesus, “Panginoon, dagdagan po
Ninyo ang aming pananalig sa Diyos!”
Manatili sa pananampalataya at
pag-ibig – ito naman po ang payo ni San Pablo Apostol kay Timoteo sa ikalawang
pagbasa natin ngayon. Hinding-hindi rin
po tayo maliligaw ng landas kung lagi nating susundin ang payong ito. Ang taong tunay na nananatili sa
pananampalataya at pag-ibig ay hindi maaaring maging walang-habag, walang-awa,
walang-pagpapatawad. Kaya’t makiusap din
po tayo kay Jesus, “O Panginoon, dagdagan Mo po ang aming pananalig.”
Ang pananalig po ba natin ay
mapagpatawad? Baka ang pananalig po
natin ay pala-simba lang, pero hindi naman mapagpatawad sa kapwa. Baka ang pananalig po natin ay puro debosyon
lang at tadtad pa ng mga panata, pero wala namang kakayahang patawarin ang
kapwang nagkakasala. Busug na busog nga
sa pagnonobena, pagrorosaryo, pagdarasal ng chaplets,
pagsusuot ng eskapularyo, pero gutum na gutom naman sa pagkamaawain at
pagkamapagpatawad. Baka rin po ang
pananalig natin sa Diyos ay galante ngang magbigay ng donasyon sa simbahan,
pero kuripot namang magpatawad sa kapwa.
Mahalaga
po ba para sa atin na ang pagsasabuhay natin sa pananampalatayang Kristiyano ay
may katangiang mapagpatawad? Sa
pagsasanay nating higit na manalig sa Diyos, kumusta naman po kaya ang
pagsasanay nating magpatawad sa ating kapwa?
Lalo na po ngayong nasa loob tayo ng Taon ng Pananampalataya, mabuting
suriin din natin ang pagkamapagpatawad ng ating pananalig sa Diyos. At kung kulang ang ating kakayahang
magpatawad sa kapwa, hilingin din natin kay Jesus, “Dagdagan po Ninyo ang aming
pananalig sa Diyos!”
May
mga tao po bang may mabibigat na pagkakasala sa atin? Meron po bang may malalaking atraso sa
atin? Napakaganda pong regalo sa Diyos
ng ating pananalig sa Kanya ang patawarin sila ngayong Taon ng Pananampalataya. Gawin po nating Jubileo ng Awa ang Taon ng
Pananampalataya.
Ang damirami po nating gustong
dagdag. Sana sa dinamirami ng gusto
nating dagdag, huwag po sana nating kalimutan ni ihuli sa ating listahan ang
hiling natin sa Panginoong Jesus na dagdagan ang ating pananalig sa Diyos upang
tayo ay makapagpatawad sa mga nagkakasala sa atin. At matapos po nating patawarin ang nagkasala
sa atin, huwag po sana natin itong ilista laban sa kanya para isumbat sa kanya
o para tanawin niya sa atin na napakalaking utang-na-loob. Sa halip, gaya ng alipin sa Ebanghelyo
ngayon, ituring natin ang pagpapatawad na ginawa natin bilang pagtupad lamang
sa dapat nating gawin. Bakit? Dahil una na po tayong pinatatawad ng Diyos bago
pa natin pinatatawad ang ating kapwa.
Dagdag pananalig, dagdag patawad. Hindi po dagdag pananalig, bawas
patawad. Bawal po ang dagdag-bawas!
No comments:
Post a Comment