Pages

10 August 2013

MAGING HANDA, MAGING MABUTING KATIWALA

Ikalabinsiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 13:35-40 (Kar 18:6-9 / Slm 32 / Heb 11:1-2, 8-12)

Ngayon lang po tumaas ang aking presyon.  Siguro nga po dahil sa pagod.  Sabado pa lang ay medyo kakaiba na ang pakiramdam ko.  Kinabukasan, bumangon ako at ginawa ang karaniwan ko pong ginagawa kapag Linggo, pero parang may hindi normal sa akin.  Pakiramdam ko’y parang lumulutang ako, medyo masakit ang ulo, parang namamaga ang mukhang namumula, at medyo nanghihina.  Pero, sige pa rin po, dinasal ang brebiyaryo, nag-Misa, nagpakumpisal, pinulong ang Parish Pastoral Council, hinarap ang mga kailangan sa opisina, naghapunang kasama ni Bp. Broderick Pabillo habang tinatalakay ang bibiling lote para sa parokya, at nag-Misa po ulit nang alas-otso nang gabi.  Dahil nalaman po ng nanay ko na parang may simtomas ako nang mataas na presyon, hindi niya ako tinigilan hanggang hindi ako nagpapakuha ng BP.  Wow, 145/115 ang BP ko, sabi ng sphygmomanometer!

Matigas po ang ulo ko pagdating sa gamutan, kaya’t wala pong naka-awat sa aking mag-Misa pa nang alas-otso nang gabi.  Sobrang tigas nga po siguro ng ulo ko kaya hindi ako agad nagpunta sa duktor kinabukasan.  Dahil may naka-schedule pa po akong pulong sa Miyerkules kay Cardinal Chito Tagle para sa loteng bibilhin ng parokya, Huwebes na ako nagpakita sa duktor.  At nang tingnan po ng duktor ang aking presyon, 140/115.  Dahil hindi po iyon karaniwan para sa akin, nagulat ang duktor at hindi na ako pinauwi.

Salamat naman po sa Diyos at pinayagan ako ng duktor na umuwi bago mag-Linggo.  Pero sunud-sunod ang maraming procedures na ginawa sa akin sa Cardinal Santos Medical Center.  Kailangan ko pa pong bumalik sa Martes para basahin sa akin ang kumpletong resulta ng mga procedure, pero sa ngayon ang sabi ng duktor ay nangangapal ang walls ng puso ko at marami raw cholesterol sa extremities.  Binigyan na rin ako ng pang-maintenance ng presyon.

Naisip ko po, kung tuluyan nang hindi ako nagpunta sa duktor, baka may masama nang nangyari sa akin.  At kung mangyari iyon, handa na ba talaga ako?

Kayo po, handa na ba kayo?

Dahil alam ng duktor ko na matigas ang ulo ko at ayaw na ayaw kong magpapa-check-up, kaya marahil ay naisip niyang baka hindi na ako magbalik sa kanya sa Martes, medyo nakakatawang-nakakatakot ang sinabi niya sa akin bago ako lumabas ng ospital: “Kung gusto mo pang mabuhay nang matagal, Father, bumalik ka sa Martes.”

Babalik po ako.  Promise.

Si Jesus po, babalik din.  Malinaw na malinaw pong ipinaaalala sa atin ng Ebanghelyo ang katotohanang ito.  Pero kung kailan Siya babalik ay hindi natin alam.  Kaya nga po inihahalintulad ang pagbabalik ng Panginoon sa pagdating ng magnanakaw.  “Tandaan ninyo,” wika Niya, “kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay.”  Kaya naman po, ang bilin Niya sa ating lahat: “Kayo ma’y dapat humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”  Pakisabi n’yo nga po sa katabi ninyo: “Humanda ka!”

Minsan po nakakatakot kapag sinabihan ka ng “Humanda ka!”, hindi ba?  Opo, medyo bibilis ang tibok ng dibdib mo kung hindi ka handa kasi hindi mo nga po alam kung kailan pero tiyak na tiyak ay darating ang dapat mong paghandaan.  Kaya, ang tanong, naghahanda po ba kayo?  Sino po rito ang handa na?

Kung tiyak po natin ang seguridad ng ating tahanan, masarap ang tulog natin.  Pero kapag hindi, mababaw ang tulog natin o tuluyang hindi tayo makatulog.  Kakaba-kaba tayo.  Nangangamba.  Balisa.  Ito nga po ang punto ng Ebanghelyo ngayong araw na ito.  Hindi na po mahalagang hindi natin alam kung kailan babalik ang Panginoon.  Sa katunayan, kahit bago pa po Siya bumalik sa wakas ng panahon, maaaring dumating Siya sa atin at sunduin na tayo, hindi ba?  Kaya’t lubhang napakahalaga talaga na handa tayo.

Paano nga po ba tayo dapat maghanda?  Ano nga po ba ang pinakamabuting paghahandang dapat nating gawin?

Sa unang pagbasa po natin, mula sa Aklat ng Karunungan, ang sabi ay dapat tayong mamuhay nang matuwid, tapat na mga anak ng Diyos, at nagsisikap sumunod sa Kanyang utos bilang nagkakaisa Niyang Bayan.  Ganyan po ba tayo?

Binibigyang diin naman po ito ng Salmong tugunan natin ngayon.  Mula sa ikatatlumpu’t dalawang Salmo, inilalarawan sa atin ang kapalaran ng mga taong namumuhay nang matuwid.  At ang saligan daw po ng pamumuhay nang matuwid ay ang tamang pagkatakot at pag-asa sa Diyos.  Sa tutoo lang po, may takot pa ba tayo sa Diyos?  At sa dami ng ating mga pinagkakapitan, baka naman po maluwag na ang pagkakakapit natin sa Diyos, anupa’t hindi na Siya ang ating inaasahan?  Baka isa na lang po Siya sa marami nating inaasahan.  Dapat po Siya lang.

Sa ikalawang pagbasa po, napakagandang inilalahad sa atin ng may-akda ng Sulat sa Mga Hebreo ang halimbawa ng mga ninuno natin sa pananampalataya.  Tanging ang Diyos ang kinapitan ni Abraham at Sara, ni Isaac, Jakob, at iba pang “mga tao noong una”.  Ang Diyos lamang ang kanilang Pag-asa.  At dahil po sa kanilang pananalig sa Kanya, sila ay kinalugdan Niya at pinagpala.  Maaari po ba tayong humanay sa kanila dahil may pananalig tayo sa Diyos na tulad ng sa kanila?

Pamumuhay nang matuwid, tapat at mapagtalima sa Diyos at may takot sa Kanya, tanging ang Diyos ang pag-asa kaya’t matibay ang pananalig sa Kanya – ang mga katangian pong ito ay mga katangian ng mabuting katiwala.  At iyon nga po ang dapat nating gawin bilang paghahanda sa pagdating ng Panginoon: maging mabuting katiwala ng Diyos.

Ang lahat po nang meron tayo at tayo mismo ay biyaya ng Diyos.  Wala po tayong maipagyayabang na biyaya na hindi natin tinanggap mula sa Kanya.  At ang mga biyayang meron tayo ay ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.  Tayo nga po ay mga katiwala Niya.  Pinagkakatiwalaan Niya tayo.  Iyan po ay pribilehiyo at responsibilidad.  Pananagutan natin sa Diyos ang anumang gawin natin sa mga ipinagkakatiwala Niya sa atin.

Kumusta po kayo bilang katiwala ng Diyos?  Ano po bang ginagawa ninyo sa mga biyayang ipinagkakatiwala Niya sa inyo?  Itinuring po ba ninyong ang lahat ng meron kayo, maliban sa kasalanan, ay mga biyayang ipinagkakatiwala ng Diyos sa inyo?  Sakaling dumating si Jesus at sunduin kayo ngayong gabi rin mismo, makahaharap po ba kayo sa Kanya nang hindi nahihiya dahil hindi natin winaldas o pinabayaan o inabuso o sinarili lang ang mga biyayang ipinagkatiwala Niya sa atin?  Sana po, magsikap tayong lahat na maging mabubuting katiwala ng Diyos.

May nagbiro po sa akin nang malamang 145/115 ang BP ko pagkatapos naming mag-usap ni Bp. Pabillo.  “Ano bang pinag-usapan ninyo at biglang taas ng presyon mo?” tanong sa akin ng kaibigan kong pari.  Wala pong kinalaman ang pag-uusap namin ni Bp. Pabillo sa biglang pagtaas ng blood pressure ko.  Sa katunayan, napakaganda nga po ang bunga ng pag-uusap naming iyon dahil na-aprubahan ang hiling ko na bilhin ng Arkediyosesis ang loteng katabi ng kasalukuyang properties ng parokya rito sa Manuguit.  Pero maganda po ang paalala sa akin ni Bp. Pabillo kanina paglabas ko ng ospital: “Ingat ka lang at alagaan ang kalusugan mo AS A GOOD STEWARD OF GOD’S GIFTS.”  Kayo rin po ha!

No comments:

Post a Comment