Pages

15 June 2013

KITA MO BA SIYA?

Ikalabing-isang Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 7:36-8:3 (2 Sam 12:7-10, 13 / Slm 31 / Gal 2:16, 19-21)

Madalas po nating matagpuan si Jesus na malapit sa hapag.  Kitang-kita po ito sa Ebanghelyo ayon kay San Lukas.  Bakit nga ba palaging nasa kainan si Jesus?  Dahil po ba palaging gutom si Jesus?  Opo.  Palaging gutom si Jesus pero hindi sa pagkain kundi sa pakikipag-kapwa.  At ang hapag ay likas na lugar ng pakikipag-kapwa.  Kaya naman po, sa buong ministeryo ni Jesus, lagi Niyang ginagamit ang salu-salo para hamunin ang mga tao sa pamamagitan ng Kanyang pangaral at bigyang-kaginhawahan ang iba sa pamamagitan ng Kanyang pagpapagaling.  Sa hapag, higit pa po sa pagkain ang ibinabahagi ni Jesus sa Kanyang mga kasalo.  Ang sarili Niya mismo ang Kanyang ibinibigay sa kanila.  At sa pagbabahagi Niya ng Kanyang sarili, Siya ay sanhi ng hidwaan para sa ilan at mabuting balita naman para sa iba.

Tulad po sa Ebanghelyo ngayong araw na ito.  Talaga naman kung punahin ng Kanyang mga kritiko itong si Jesus dahil po sa ugali Niyang pakikisalo sa hapag ng mga makasalanan.  Sa hanay ng mga kritiko Niya, ang mga Pariseo ang unang-una sa lahat.  Asar na asar sila sa hayagang pakikisalamuha ni Jesus sa mga makasalanan.  Paano naman po, mga Pariseo nga sila at ang ibig sabihin ng salitang Pariseo ay “ang mga ibinukod”.  Kanino po sila ibinukod, inilayo, inihiwalay?  Sa mga makasalanan.  Eh sino naman po ang nagbukod sa kanila?  Eh di sila rin po.  Hindi naman kasi ganun ang Diyos.  Sa mata ng Diyos lahat tayo aAsar na asar sila sa hayagang pakikisalamuha ni Jesus sa mga makasalanan.  Paano naman po, mga Pariseo nga sila at ang ibig sabihin ng salitang Pariseo ay “ang mga ibinukod”.  Kanino po sila ibinukod, inilayo, inihiwalay?  Sa mga makasalanan.  Eh sino naman po ang nagbukod sa kanila?  Eh di sila rin po.  Hindi naman kasi ganun ang Diyos.

Sa mata ng Diyos lahat po tayo ay makasalanan ngunit iniibig Niya.  Kinamumuhian ng Diyos ang kasalanan subalit hindi ang makasalanan.  Pero ang mga Pariseo, muhing-muhi sila sa kasalanan at diring-diri sila sa mga makasalanan.  Maingat na maingat po silang huwag madikit sa mga makasalanan o makipag-usap sa kanila o umupong kasama nila sa hapag.  Kitang-kita naman po natin, ibang-iba sa kanila si Jesus!

Pagdating sa kainan, si Jesus ay walang pinipiling makasalo.  Walang masamang tinapay kay Jesus; Siya mismo ang tinapay para sa lahat.  Hindi muna hinihingi ni Jesus ang pagbabalik-loob ng mga makasalanan bago Siya makisalo sa kanila; sa halip pa nga po, ang pagsasalo sa hapag ang ginagamit ni Jesus upang makapakipagkapwa sa Kanya ang mga makasalanan.  Sa paligid ng hapag, binubusog ni Jesus ang mga makasalanan ng tunay nilang halaga para sa Diyos at pinapawi Niya ang kanilang pagkauhaw sa kapatawaran at pagmamahal.  Para kay Jesus, ang salu-salo ay laging pagkakataon para sa pagbabalik-loob at pagpapanibago.  Ganito rin po ba ang salu-salo sa bahay ninyo?  Sana ganito rin ang salu-salo natin sa simbahang ito.

Sa kultura ni Jesus, ang kulturang Judyo, may tatlong kaugaliang tanda ng pagtanggap sa panauhin: ang halik ng pagbati ng may-ari ng bahay sa panauhin; ang pagpapahid ng langis sa ulo ng panauhin; at ang paghuhugas ng mga paa ng panauhin.  Ang halik ng pagbati ay tanda po ng pagtanggap ng may-ari ng bahay at ng panauhin sa isa’t isa.  Ang pagpapahid naman ng langis sa ulo ng panauhin ay tanda ng pagkasagrado ng panauhin samantalang nasa pangangalaga ng may-ari ng bahay.  At tanda naman po ng paglilingkod ang paghuhugas sa maaalikabok na paa ng panauhin.  Kapag naisagawa na ang tatlong kaugaliang tanda na ito, malinaw na tinatanggap nga ang panauhin at tsaka pa lamang ito dudulog sa hapag ng salu-salo.

Pero, sa kung anumang kadahilanan, ang tatlong kaugaliang tandang ito ay hindi ginawa ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus sa salu-salo sa kanyang bahay.  Bakit po kaya?  Huwag na po tayong magtaka.  Hindi ba “ang mga ibinukod” nga ang mga Pariseo?  At Pariseo ang nag-imbita kay Jesus.  Imposibleng hindi alam ng Pariseong ito na nakikisalamuha itong si Jesus sa mga makasalanan kung kaya’t marumi si Jesus para sa kanya.  At hinding-hindi niya hahawakan si Jesus nang hindi siya marumihan.  Pero kung gayon, nakapagtatakang inimbitahan pa niya si Jesus.  Bakit po kaya ulit?  Siguro, katulad din po ng nangyayari ngayon, kapag naimbitahan mo sa bahay mo ang isang sikat na tao, aba, pakiramdam mo, angat na angat ka sa lahat.  At sikat po si Jesus.

Bagamat pinagkaitan ng tatlong kaugaliang tanda ng pagtanggap, dumulog si Jesus sa hapag ng Pariseo.  Nang magkagayon, ang hindi ginawa ng Pariseong nag-imbita kay Jesus ay tinupad po ng isang babaeng may masamang repustasyon daw sa bayang yaon – isang babaeng makasalanan, malamang isang prostitute.  Handang-handa siyang dumating para ibigay ang hospitalidad na hindi ibinigay ng Pariseo kay Jesus.  Ngunit kakaiba po ang kanyang mga gamit at paraan.  Ang kanyang mga luha ang pinanghugas niya sa mga paa ni Jesus.  Ang tuwalyang pinampunas ay ang kanyang buhok.  Hinagkan ang mga paa ni Jesus at pinahiran hindi lamang ng langis kundi ng pabango.  Wala siyang imik, malamang hikbi lang.  Sapat na ang pahiwatig ng kanyang kilos, hindi na niya kailangang magsalita pa.  Nagpakita siya ng malaking pag-ibig sa Panginoon.

“Hay naku,” sabi ng Pariseo, “kung talagang propeta itong si Jesus, di dapat sana’y alam Niya kung anong klaseng babae itong lumalamas sa Kanya!”  Pero maingat ang Pariseong ito kaya’t sinabi niya ito sa sarili n’ya lang.  Sobrang ingat, ni hindi niya binuksan ang kanyang bibig; naglaro lang sa isip niya ang pamumunang ito kay Jesus.

Subalit batid ni Jesus ang lahat.  “Simon,” tanong Niya sa Pariseo, “kita mo ang babaeng ito?”  Iyan!  Iyan nga po ang problema ng Pariseong ito.  Hindi niya kita ang babaeng nasa harapan nila ni Jesus.  Ang nakikita lamang niya ay masamang reputasyon, babaeng makasalanan, karumihang nakakahawa.  Hindi po bulag si Jesus sa nakikitang ito ng Pariseo, pero kitang-kita ni Jesus ang buong katotohanan.  Ang Pariseo ang bulag sa kabuuan ng katotohanan ng babaeng yaon sapagkat pinili niyang tingnan lamang ang gusto niyang tingnan sa babaeng iyon.

Sana po makita natin ang aral na hindi makita-kita ng Pariseo sa Ebanghelyo ngayong araw na ito: hindi porke tutoo ang isa o ilang bagay nangangahulugan nang iyon na ang buong katotohanan.  Ni hindi nga po natin alam ang buong kuwento pero kung i-tsismis natin ay parang tayo mismo ang sumulat ng kuwento.  Tunay po, masakit ang buong katotohanan subalit kailangan ba talaga nating hatawin ang iba sa kakaunting meron tayo nito?  Nakakalungkot, maaari nating gamitin ang isang katotohanan tungkol sa ating kapwa para tuyain at wasakin sila.  Kapag ginagamit po natin ang munting katotohanan tungkol sa ating kapwa para magmukhang basahan sila tayo mismo ang bumabali sa mas malaking katotohanang perlas sila sa mata ng Diyos.  May mga paraan po ng paggamit sa katotohanan para sirain ang katotohanan mismo.  At may napakalaking kaibahan ang pagsasabi ng katotohanan at ang pagsasabi ng katotohanan nang may pagmamahal.  Si Simong Pariseo – at ang mga makabagong Pariseong tulad niya – nakita niya ang mapangwasak na katotohanan at ginawa niyang sandata iyon laban sa kapwa niya.

Mula kay Simong Pariseo walang tinanggap si Jesus na halik, pagpapahid ng langis, at paghuhugas ng paa.  Pinakain nga niya si Jesus sa kanyang hapag pero wala pa rin siyang ibinigay kay Jesus.  Subalit mula sa babaeng makasalanan tinanggap ni Jesus ang pagmamahal na itinatanda ng halik, pagpapahid, at paghuhugas.

Nakapagtataka, siyang ikinulong ng kanyang kapwa sa kanyang pagkamakasalanan ang siya pang malaya magpakita at magpadama ng kanyang pagmamahal.  Bakit?  Sabi po ni Jesus, dahil daw po naranasan niya ang kapatawaran.  At mas malaki ang pinatawad, mas malaki raw pong magmahal.  Tayo po kaya?  Kung sasabihin po nating maliit lang ang pinatawad sa atin ng Panginoon, nagsisinungaling tayo.  Baka kaya maliit din po tayong magmahal.

No comments:

Post a Comment