Pages

06 April 2013

NAGDUDUDANG TOMAS, TOMAS NA WAGAS

Ikalawang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Jn 20:19-31 (Gwa 5:12-16 / Slm 118 / Pg 1:9-11a, 12-13, 17-19)

Halos lahat po ng alam natin tungkol kay Jesus ay galing sa mga sipi natin ng Ebanghelyo.  Pero hindi po sinasabi ng mga siping ito ang lahat ng nais nating malaman tungkol kay Jesus.  Bakit?  Kasi raw po, ayon kay Jn 21:25: “Marami pang ibang bagay na ginawa si Jesus, na kung isusulat nang isa-isa ay inaakala kong hindi magkakasiya kahit sa buong daigdig ang mga aklat na susulatin.”  Gayunpaman, hindi po tayo napipigilan nito na magtanong sa halos bawat pahina ng mga sipi ng Ebanghelyo.  Pero, batid po natin na marami sa ating mga tanong ang hindi talaga masasagot, at least dito po sa lupa.  Siguro, pagdating natin sa langit, tsaka na lang natin itanong kay Jesus.

Hindi lamang po tungkol kay Jesus ang ikinukuwento ng mga Ebanghelyo.  Kahit paano’y nakikilala rin natin ang mga alagad ni Jesus sa pamamagitan ng nila.  Nangunguna sa Kanyang mga alagad ang mga apostol – “Ang Labindalawa” kung sama-samang tukuyin – at isa po sa kanila ay si Tomas.

Kakaunti po ang sinasabi ng mga Ebanghelyo tungkol kay Tomas.  Sa kasawimpalad pa nga po, sa kakaunting nalalaman natin tungkol sa kanya, yaon pang pagdududa niya ang hindi nating malimut-limutan.  Anupa’t binansagan na siyang “The Doubting Thomas” o “Ang Nagdududang Tomas”.

Wala po kasi si Tomas nang unang magpakita ang Panginoon sa mga apostol.  Kung nasaan man siya, hindi ko po alam.  Tahimik kasi ang mga Ebanghelyo tungkol sa kung nasaan nga si Tomas nang unang magpakita ang Panginoon sa mga apostol.

Naroon na ang sobrang kalungkutan at kalituhan ni Tomas.  Pero malakas ang palagay ko po na hindi lang siya lungkot na lungkot at litung-lito.  Malamang, guilting-guilty rin siya.  Paano ba naman po, nang sabihin ni Jesus sa mga alagad na sila ay tutungong Jerusalem at doo’y papatayin, ang ketapang-tapang na hikayat ni Tomas sa kanila sa Jn 11:15 ay “Tara na, mamatay tayong kasama Niya!”  Tapos, ‘yun po pala, isa rin siya sa mga kakaripas ng takbo, magtatago, at mang-iiwan kay Jesus nang Ito ay dakpin, pahirapan, at patayin.

Maaari pong sabihin ng ilan sa inyo, “Bakit?  Si Simon Pedro rin naman ha.  Hindi nga niya iniwan ang Panginoon at sa halip ay sinundan-sundan pa nga niya, pero nang kilalanin siyang alagad Niya, hindi ba tatlong beses pa niya Siya itinatwa?  Kung may “Doubting Thomas”, aba, si Simon Pedro naman ang “Denial King”!  Tama po, pero, at least, di tulad ni Tomas, hindi naman hinikayat ni Simon Pedro ang ibang mga alagad na mamatay kasama ni Jesus.  Lingid sa pansin ng marami sa atin ang sinabi ni Tomas sa Jn 11: 16 kaya kakaunti po ang may alam na hindi lang nagyabang si Tomas, nang damay pa!  “Tara na, mamatay tayong kasama Niya!” hikayat ni Tomas.  Kaya po, matapos ang mga kaganapan noon Biyernes Santo, hindi ngayon malaman kung saang lupalop nagtago si Tomas.

Pahiyang-hiya.  Guilting-guilty.  Supalpal.  Walang mukhang maiharap.  Kaya nagtago na lang.  Nagmukmok sa kung saan.  Humiwalay.  Hindi po ba ganyang-ganyan din tayo minsan?  Ang dami-rami kasi nating sinasabi eh.  Ang dami-rami nating ipinapangakong hindi naman natin alam kung talagang kaya nating tupdin o wala talaga tayong kabalak-balak tupdin.  Ang dami-rami kasi nating mga pa-pogi at mga pasiklab, pero kapag mahirap na, peligroso na, nakasisindak na, nag-uunahan nang kumaripas ng takbo.  Ang gaganda ng pananalita natin, makabagbag-damdamin, kapani-paniwala, pero kapag hinihingi na ang mabigat na patunay mula sa ating mga gawa, patay-malisya tayong parang walang ibinida.  Tapos po kapag malinaw nang pahiyang-pahiya tayo, tatakas tayo.  Meron pa nga po, kapag wala nang mukhang maiharap, manghihiram ng mukha sa iba.  Sa puso po ng bawat-isa sa atin ay may Tomas.

At nang magkalakas na ng loob itong si Tomas na magpakita sa mga apostol, aba, nagmatigas pa siyang ayaw niyang maniwala at siya pa ang may ganang magbigay ng mga kondisyon para maniwala siya.  “Hindi ako maniniwala,” wika ni Tomas, “hangga’t di ko nakikita ang butas ng mga pako sa Kanyang mga kamay, at naisusuot dito ang aking daliri, at hangg’at hindi ko naipapasok ang aking kamay sa Kanyang tagiliran.”

May pagkaganyan din po tayo minsan, hindi ba?  Tayo na nga ang absent, tayo pa ang demanding pag-present na tayo.  Ikaw na nga ang hindi um-attend ng meeting, ikaw pa ang maraming kondisyones ngayon.  Tayo na nga ang pinagmamalasakitang balitaan ng magandang balita, ang bilis pa nating magsuspetsa.  Ako na nga dapat ang walang mukhang maiharap, pero ako pa ang nagmamatigas.

Ngunit sa kabila po ng lahat, si Santo Tomas Apostol ay napakabuting halimbawa pa rin po para sa ating nagsisikap sumunod kay Jesus.  Ang maganda po kasi kay Santo Tomas, ang pagtanggi niyang maniwala ay wagas.  Hindi po siya nag-i-inarte lang para magkaroon ng moment sa Ebanghelyo.  Talaga pong hindi siya makapaniwala hangga’t hindi niya nakikita ang mga pruwebang hinahanap niya.  Hindi rin po siya nagbibiro lang na tulad ng ibang halos lahat ay ginagawang biro na lang.  Palagay ko naman po batid ni Tomas na wala nang kasinseryoso ang balitang si Jesus ay nabuhay nang magmuli.  Mas lalo naman pong hindi rin plastik si Tomas na “oo” na lang nang “oo” kahit “hindi” naman pala ang tutoong nasa puso.  Hindi rin siya patangay na lang sa agos para lang hindi na maiba.  Hindi niya sasakyan na lang basta-basta ang kagustuhan ng nakararami para lang matanggap agad ng grupo.  Hindi po.  Hindi ngingiti si Tomas kung nagluluksa pa ang kanyang puso.  Nagmamatigas man siya, nagdududa man siya, nagkakamali man siya, pero hindi manloloko si Tomas.  Kahit sa kanyang pag-aalinlangan, wagas po si Tomas.

Sana po ganyan din tayo: wagas, hindi mahilig mag-inarte para lang magka-moment, hindi ginagawang biro-biro lang ang lahat, hindi plastik, hindi patangay sa agos, hindi sakay na lang nang sakay sa gusto ng nakararami para lang matanggap ng grupo, hindi manloloko.  Sana po tulad ni Tomas, mapahiya man tayo dahil sa ating kayabangan, magmatigas man tayo dahil sa ating pag-aalinlangan, at mawalan man tayo ng mukhang maiharap dahil sa ating kapalpakan, manatili pa rin sana tayong tutoo.  Kahit sa ating pagkakamali, sana tutoo tayo.  Sana po hindi tayo tulad ng mga taong maling-mali na nga, nagmamagaling pa sa halip na makinig para matuto; bukung-buko na nga, lumulusot pa sa halip na umamin at humingi ng tawad; absent na nga nang absent, reklamo pa nang reklamo sa halip na atupagin ang maging present palagi; hirap na hirap na nga ang grupo, moment pa nang moment sa halip na magsakripisyo para sa ikabubuti ng lahat.

Kung paanong may nagdududang Tomas sa bawat-isa sa atin, sana po meron ding Tomas na wagas sa puso nating lahat.  Hanggang meron pong Tomas na wagas sa bawat-isa sa atin, makikilala pa rin natin si Jesus na magmuling-nabuhay at makapaniniwala pa rin tayo sa Kanya sa kabila ng lahat.  At ang Tomas na wagas sa atin ang makapagpapanalig sa nagdududang Tomas sa atin na gaano man kalaki ang ating pagkakasala, gaano man kadalas ang ating pagkakamali, at gaano man katindi ang ating pag-aalinlangan, makatatagpo pa rin tayo ng awa kay Kristo Jesus.  Kaya nga po, maganda na ngayong Linggo ring ito ay ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Banal na Awa na laging nakalaan sa mga taong wagas kahit pa marami silang mga kapalpakan sa buhay.

May duda po ba tayo?  Ayos lang ‘yan, basta po wagas.  Sa awa ng Diyos, maliliwanagan din po tayo at makapaniniwala, kung kahit sa ating pagdududa, nananatili po tayong wagas.

No comments:

Post a Comment