Pages

23 March 2013

SUNDAN AT TULARAN SI JESUS


Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon
Lk 23:1-49 (Is 50:4-7 / Slm 21 / Fil 2:6-11)

Hindi po ngayon Linggo ng Palaspas.  Ngayon po ay Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon.  Maling-mali po na tawagin lamang ang araw na ito na Linggo ng Palaspas.  Isang maliit na bahagi lamang po sa simula ng pagdiriwang natin ang pagbabasbas ng mga palaspas.  Kung hindi pa po malinaw iyan, balikan na lamang po ninyo ang napakahabang Ebanghelyo ngayong araw na ito.  Hindi po ba tungkol ito sa pasyon ng Panginoon?  Iyan ay sapagkat nga po ngayon ay Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon.  Kung gayon, hindi po palaspas ang dapat na maging sentro ng ating pansin ngayong araw na ito.  Kung hindi po palaspas, ano ang dapat na maging sentro ng ating panalangin at pagninilay ngayong simula ng mga Mahal na Araw?  Ang pasyon ng Panginoon.

Gayunpaman, mahalagang simbolo ang ating mga palaspas.  Sagisag ito ng ating pagiging mga Kristiyano; samakatuwid, mga alagad ni Jesukristo.  Ang mga palaspas na ating pinabasbasan ay hindi pantaboy ng masasamang espiritu.  Sa halip, ang dapat na itaboy nito palayo sa atin ay ang pag-uugaling taliwas sa pagiging alagad ni Jesus.  Hindi rin dapat gawing pansuob sa inaakala nating sinasapian ng demonyo ang mga palaspas na ito.  Sa halip, ang mga puso natin ang kailangang madarang sa apoy ng higit na pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa-tao.  At huwag naman sana nating gawing panghampas ang mga palaspas na ito.  May hinampas na dati sa haliging bato at karumaldumal na kamatayan ang sinapit Niya: si Kristo Jesus.

Hindi po natin sinasalubong ang Panginoon sa Jerusalem ngayong Linggong ito.  Una sa lahat, wala naman po tayo sa Jerusalem.  Pangalawa, hindi naman po isang dula-dulaan ang ating ginagawa ngayon.  Gaya ng ginagawa nating linggu-linggo, natitipon po tayo ngayong araw na ito para sumamba sa Diyos.  At ang ating pagsamba ngayong araw na ito ay higit na nagtutuon sa ating pansin sa pagpapakasakit at kamatayan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Jesukristo.

Huwag po nating salubungin si Jesus.  Matagal na Siyang dumating.  At kung pagpasok man Niya sa Jerusalem ang nasa isip natin, nakapasok na po siya sa Jerusalem noon pang mahigit sa dalawang libong taon nang nakararaan.

Sundan po natin si Jesus; huwag salubungin.  At ang Jerusalem ay sumasagisag sa Misteryo Paskal na kaakibat ng buhay ng pagiging alagad ni Jesus.  Sundan natin si Jesus sa Jerusalem.  Sundan natin Siya sa pagsasabuhay ng Misteryo Paskal.

Ano nga po ba ang Misteryo Paskal na ito?  Ang Misteryo Paskal ni Jesus ay ang Kanyang kamatayan at magmuling-pagkabuhay.  Ito ang nasa puso ni Jesus.  At yayamang si Jesus ang nasa sentro ng ating Pananampalataya, ang Kanyang Misteryo Paskal ay dapat ding nasa puso ng bawat-isa sa ating mga nananampalataya.

Ang Misteryo Paskal ni Jesus ang siyang buhay din natin.  Ang ating buhay nang pagiging alagad ni Jesus ay buhay ng kamatayan at magmuling-pagkabuhay.  Bago pa tayo malagutan ng hininga at mabuhay-magmuli, namamatay na tayo ng mga mumunting kamatayan araw-araw.  Sa tuwing ginugugol natin ang ating lakas, talino, at maging yaman alang-alang sa Kaharian ng Diyos at para sa mabuting kapakanan ng ating kapwa-tao, namamatay tayo sa ating sarili.  Kapag tayo ay nagpaparaya, nagpapatawad, at nagbabahagi ng ating sarili, tayo ay namamatay para sa iba.  Kung pinagsisikapan nating mamumuhay nang tapat sa ating bokasyon sa buhay, nagsisisi sa ating mga nagagawang kasalanan, at higit na nakikibaka sa ating mga kahinaan, namamatay tayo sa ating sarili.  Sa tuwing alang-alang sa Ebanghelyo, dumaranas tayo ng pag-uusig, namamaty tayo sa ating sarili.  Kapag sa gitna ng hirap at sa kabila ng ating mga pagkakamali sa buhay ay patuloy tayong nagsisikap na isabuhay ang ating pananampalatayang Kristiyano nang may matibay na pag-asa at tigib ng pag-ibig sa Diyos at kapwa, namamatay tayo sa ating sarili.  At kung paanong namamatay nga tayo ng mga mumunting kamatayan araw-araw, binabangon din naman tayo ng Ama sa isang buhay na higit na katulad ng buhay ni Jesus.  Sa dami ng mga mumunting kamatayan na ating pinagdaraanan sa buhay bilang alagad ni Jesus, dapat sana’y sanay na sanay na tayong mamatay pagsapit ng ating huling hininga at handang-handa na tayo para sa magmuling-pagkabuhay na pangako ni Jesus sa mga nananalig sa Kanya.

Samakatuwid, ang Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon ay Linggo ng Pag-aalagad.  Hindi po si Jesus ang pumapasok ngayong araw na ito.  Tayo po ang pumapasok.  Pumapasok tayo sa Mga Mahal na Araw.  Nauna na po sa atin si Jesus sa pagpasok.  Sumunod tayo; huwag sumalubong.  Tularan po natin si Jesus; huwag salubungin.  Sundan.  Tularan.  Si Jesus.  At wala po iyan sa papalas-palaspas.

Kung si Jesus nga ang ating sinusundan at tinutularan, makikita ito sa uri ng ating pamumuhay ang mga katangian ni Jesus na inilalarawan ni San Pablo Apostol sa ating ikalawang pagbasa ngayon, hango sa kanyang sulat sa mga Taga-Filipos: mapagkumbaba; hindi alipin ng mga pribilehiyo; handang maglingkod sa lahat; tapat at masunurin sa Diyos magpahanggang kamatayan.  At kung sa pagtulad natin kay Jesus ay alipustahin tayo’t saktan, katulad ni Propeta Isaias sa unang pagbasa natin, buo ang ating pananalig na ang makapangyarihang Diyos ang tutulong sa atin.

Mabuti nga pong tanungin ang ating sarili: “Si Jesus ba talaga ang sinusundan ko?  Si Jesus pa nga ba talaga ang tinutularan ko?”  Baka po kasi papasok nga tayo sa Jerusalem pero hindi naman pala si Jesus ang sinusundan natin.  Baka si Judas.  Naku po, 'wag naman sana.  Mag-ingat po tayo!

No comments:

Post a Comment