Pages

09 February 2013

MARKADO KA NA!

Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 5:1-11 (Is 6:1-2a, 3-8 / Slm 137 / 1 Cor 15:3-8, 11)


May mga sandali sa buhay natin kung kailan ay tambad na tambad sa atin ang ating sariling mga kahinaan at mga kamalian sa buhay.  “Gusto kong bumait pero di ko magawa,” sabi ng isang kanta at tutoong-tutoo ito para sa marami sa atin.  Minsan, parang billboard sa ating harapan, tila ipinagsisigawan sa atin ng malalaking titik ang bawat kasalanang nagawa natin.  Kilala natin ang ating sarili at batid nating kapos ang sarili nating kakayahan para iwasto ang anumang namali natin, buuin ang winasak natin, paghilumin ang sinugatan natin.  Parang wala na tayong pag-asa at ang pagnanais na magbago ay palabo nang palabo.  Hindi tayo makasulong.  Bihag tayo ng ating madilim na kahapon, hindi makawa-wala sa tanikala ng mga kasalanang umalipin sa atin noon.  Parang mantsa sa damit na disin sana’y busilak sa kaputian, ang mga pagkakamali natin sa buhay ay nakamarka na sa ating pagkatao habambuhay.  Minsan pa nga nasasabihan tayo: “Markado ka na!”

May tatlong “markado” sa ating mga pagbasa ngayong Linggong ito: si Isaias, si Pablo, at si Simon Pedro.  May mga bahid ng kasalanan ang kanilang nakaraan.  Katulad natin, hindi sila makapagyayabang na lagi silang malinis at walang-kapintasan.  At hindi nga naman sila nagyayabang.  Sila rin ay may mga kahinaan at mga kamalian sa buhay.  Markado na sila.

Nang magkaroon ng pangitain si Isaias sa Templo sa Jerusalem, higit niyang nasaksihan ang ganap na kabanalan ng Diyos.  Subalit sa halip na mapako ang kanyang pansin sa Diyos, natuon siya sa kanyang sarili.  Nabighani siya sa kaluwalhatian ng Diyos ngunit nahabag siya sa kanyang kadustahan.  “Kawawa ako,” wika ni Isaias.  “Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi.  Mapapahamak ako ‘pagkat ako’y isang makasalanang nakakita sa Panginoon, ang Makapangyarihang Hari.”  Dahil nakita ni Isaias ang kabanalan ng Diyos bilang walang-kasingandang pangitain na nagpatingkad sa kanyang pagkamakasalanan, lubha siyang nalungkot.  Subalit hindi siya nanatili sa pagkahabag sa sarili sapagkat tinanggap niya ang kapatawaran ng Diyos nang ito ay ipagkaloob sa kanya.  Dahil nanalig siyang tunay ang kapatawarang kaloob ng Diyos, naging malaya siyang tumugon sa tawag ng Diyos.  Hindi na siya nagmukmok sa kanyang pagiging di-karapatdapat.  Kinalag ng kapatawaran ng Diyos ang tanikalang pumipigil sa kanyang sabihing: “Narito po ako.  Ako ang isugo n’yo.”

Ang pagiging di-karapatdapat din ba ang tanikalang pumipigil sa atin na tumugon nang lubusan sa tawag ng Diyos?  Matagal na tayong pinalaya ni Jesus.  Bakit tayo paaalipin sa ating nakaraan?  O baka naman hindi talaga kababaang-loob ang namamayani sa ating pagkilalang hindi tayo karapatdapat kaya hanggang ngayo’y pinaghihintay pa rin natin ang Diyos sa tugon natin sa Kanyang tawag sa atin?  Puwede rin kasing kayabangan.

Pagkatapos nang siyam na taon sa seminaryo, ipinasiya kong lumabas.  Nagtrabaho ako.  Namuhay bilang isang pangkaraniwang binata.  Nagmahal at minahal.  Pero kulang talaga.  Nagbalik ako sa spiritual director ko at unti-unti sa seminary na rin.  Nang magpapasiya na akong babalik na talaga sa seminaryo, kinausap ko ang isang babaeng may malaking pitak sa puso ko.  Sinabi ko sa kanya ang dahilan kung bakit nagdadalawang-isip akong bumalik ng seminaryo para magpari: “Pakiramdam ko, am not worthy anymore.”  Dahil siya ang nagmamaneho sa kotseng sinasakyan namin, itinabi niya ito, tsaka pinatay ang makina, at tumitig sa akin, sabay sabi: “Ang yabang mo!”  “Huh, bakit?” tanong ko.  “Kasi,” sagot niya, “you want to be worthy first before you answer God’s call.  Then, you will never answer Him at all because no one – not even the pope or any saint – is worthy of God’s call.  Will you just please say ‘yes’ to God?  Natameme po ako talaga.  Hindi ko inaasahang manggagaling sa kanya ang mga katagang iyon.  Mas lalong hindi ko inaasahang siya pa ang magtuturo sa akin ng landas pabalik sa seminaryo at magtatanggal ng batong sagabal sa pagsunod ko kay Jesus.  Kundi dahil sa kanya, malamang nagmumukmok pa ako sa aking pagiging di-karapatdapat o maaaring tuluyan na akong lumayo sa Diyos dahil hindi ako bagay sa Diyos.

Iyon din ang reaksyon ni Simon Pedro sa Ebanghelyo, hindi ba?  Mahuhusay na mangingisda si Simon Pedro at mga kasama: alam nilang sa gabi mainam mangisda dahil lumalangoy pataas ang mga isda kaya’t madaling mahuli.  Nagpagal silang magdamag ngunit sa kabila noo’y wala pa rin silang huli kahit isa.  Pinayuhan ng karpintero ang mga dalubhasang mangingisda na hindi lamang ilaglag muli sa lawa ang kanilang lambat kundi ilaglag ito sa liwanag ng kaumagahan.  Tinupad ni Simon Pedro ang salita ni Jesus, at ang salita ni Jesus ang bumingwit kay Simon Pedro.  Nakahuli sila ng napakaraming isda, nahuli naman si Simon Pedro ng sinunod niyang salita.  Nang matanto ni Simon Pedro na may kinalaman ang Diyos sa malahimalang ani nila, nabatid naman niya ang sarili niyang pagkamakasalanan.  Marahil nangangatog pa, ang reaksyon ni Simon Pedro ay palayuin si Jesus sa kanya.  Bakit daw po?  “…sapagkat ako’y makasalanan,” dahilan ni Simon Pedro.

Mabuti na lang at hindi lumayo si Jesus kay Simon Pedro.  Paanong lalayo si Jesus sa mga makasalanang tulad ni Simon Pedro, gayong sila nga ang hinahanap Niya?  Sa Lk 19:10, sinabi ni Jesus, “Naparito ako upang hanapin at iligtas ang mga naliligaw.”  Kung maglakbay si Jesus, papalapit hindi papalayo: papalapit Siya palagi sa mga makasalanan hindi papalayo.  Nakikisalamuha Siya sa kanila, dinadalaw sila sa kanilang mga tahanan, nakikisalo sa kanilang hapag, nakikipaghuntahan, pinatatawad, binibigyang-pag-asa, binubuong muli, at tinatawag tungo sa isang bagong paraan ng pamumuhay.  Sa Kanyang buong-buhay, si Jesus ay hindi kailanman nalayo sa mga makasalanan.  Anupa’t sa krus ay namatay Siya sa pagitan ng dalawa sa kanila, hindi ba?

Nais ni Jesus na makabahagi si Simon Pedro sa Kanyang buhay at misyon, kung kaya’t pinukaw Niya ang malabis na pagdidiin nito sa sariling pagkamakasalanan.  Minsan kasakiman din ang sobrang pagtutuon sa sariling pagiging di-karapatdapat sa Diyos.  Sa halip na ang Diyos, ang sarili pa rin kasi ang isinesentro natin kapag gayon ang gawi natin.  Kinilala’t tinanggap na ni Simon Pedro ang kanyang pagiging di-karapatdapat.  Sapat na iyon para kay Jesus para siya ay patawarin at anyayahang makibahagi sa Kanyang buhay at misyon.  Ipinakita ni Jesus kay Simon Pedro ang halaga nito para sa Kanya at hinahamon din Niya siyang gayon din ang gawin sa kapwa.  Ang dilis sa dagat ay ginagawang mangingisda ng pag-ibig ni Kristo Jesus.

Inulit ni Jesus ang ginawa Niyang pagtawag kay Simon Pedro pero hindi sa lawa o dagat kundi sa mabuhanging daan ng Damasco nang tawagin Niya si Pablo na dating si Saul (Tg. Gwa 9:1-20).  Dating mang-uusig ng mga Kristiyanong inakala niyang mga kaaway ng Diyos, si Pablo ay nabulag upang makakitang muli.  At nang makakitang muli, isiniwalat niya ang liwanag ng Ebanghelyo lampas pa sa inabot ng orihinal na mga apostol.  Dahil sa kanyang nakaraan, ipinahayag ni Pablo na siya raw ang pinakahamak sa mga apostol at ni hindi karapatdapat tawaging apostol (Tg. 1 Cor 15:9).  Subalit nanalig siya sa kapatawarang nakamtan ni Kristo Jesus mula sa krus para sa kanya kaya’t hindi rin siya nagmukmok sa kanyang pagiging di-karapatdapat ni nawalan ng pag-asa; sa halip, bumangon siya at tinupad ang misyong inilaan at ipinagkaloob sa kanya ng Diyos.  Hindi na siya bihag ng kanyang nakaraan.  Bihag na lamang siya ng pag-ibig ni Kristo.  Ang pag-ibig ni Kristo ang dahilan ng kanyang pagmamalasakit alang-alang sa Ebanghelyo: “Caritas Christi urget nos” (2 Cor 5:14).

Si Isaias, si Simon Pedro, at si Pablo – mga markado sila ng kanilang nakaraan subalit markado rin pala sila ni Jesus kahit ano pa ang kanilang nakaraan.  Hindi binubura ni Jesus ang iminarka na Niya sa atin bago pa tayo isilang, kahit pa mamantsahan tayo ng mga kasalanang sanhi ng ating mga kahinaan at mga pagkakamali sa buhay.  Hindi naniniwala si Jesus na nasusukat ang ating pagkatao sa dami o laki ng ating mga kasalanan.  Sa halip, naniniwala Siyang ang mga makasalanan ay may kinabukasan hindi lang nakaraan.  Dahil namatay Siya para sa ating mga kasalanan, naniniwala si Jesus na ang bawat-isa sa atin ay may halagang sapat para pag-alayan Niya ng sarili Niyang buhay.

Makasalanan tayo ngunit minamahal ng Diyos.  Makasalanan tayo pero tinatawag ni Jesus.  Sa mga mata ng Panginoon, markado na nga tayo…pero ng Kanyang pagmamahal.

No comments:

Post a Comment