Pages

16 December 2012

PAMILYA KO – LAB KO ‘TO!


Ikalawang Misa de Gallo
Mt 1:1-17 (Gn 49:8-10 / Slm 71)

Ang buong pangalan nitong si Pipo na aking “Santino” ay Peter Joshua.  Kaya Peter kasi isinilang siya noong ika-9 ng Setyembre, ang kapistahan ni San Pedro Claver, isang paring Jesuita na naglingkod at nagtanggol sa mga aliping negro.  Kaya naman Joshua kasi nang dumating siya sa akin, kasalukuyan namang nasa licentiate studies sa teolohiya at isa sa mga pinag-aaralan naming noon ay ang wikang Hebreo.  Sa wikang Hebreo, ang pangalan ni Jesus ay Yeshua o Joshua na ang kahulugan ay “Nagliligtas ang Diyos”.  Batid ang malungkot na simula ng kanyang buhay sa mundong ito, dalangin kong maging sintatag ng Pedro na “bato” ang kahulugan. Nais ko rin maalala niya habambuhay si Jesus na nagligtas sa kanya.  Kaya, Peter Joshua.

Isang linggo pa lamang siyang ipinanganak nang dumating si Pipo sa buhay ko.  Pero mga tatlong taong gulang na siya nang siya ay maging legally adopted son ko po.    Awa ng Diyos, napalalaki ko naman siya nang mabuti at ngayon ay binatilyo na sa edad na labindalawa.  Sobra nga yata ang awa ng Diyos eh kasi mula sa dating undernourished nang siya ay dalhin sa akin, overweight na yata siya ngayon.  Ngunit ang ipinagpapasalamat ko talaga sa Diyos ay sa kabila ng malungkot na mga unang araw ng kanyang buhay, si Pipo ay lumaking likas na masayahin at normal tulad ng sinumang bata.  Minsan may pagkapilyo rin at mahusay siyang mang-alaska.  Naku po. talo pikon sa kanya!

Isang araw, tinanong ko siya, “Anak, nagustuhan mo ba ang pangalan ibinigay ko sa iyo?”

“Yes, Abba,” sagot ni Pipo.

Tapos, tumigil siya sandali at ngingisi-ngising idinugtong, “Abba, ‘yung Peter Joshua gusto ko po pero hindi ‘yung Titco.”  At sabay tawa.

Paano po kasi, katulad din ng karanasan ko noong bata pa ako, minsan tampulan si Pipo ng tukso dahil sa napakaganda naming apelyido: Titco.

Alam kong nagbibiro lang si Pipo nang sabihin niyang gusto niya ang Peter Joshua pero ayaw niya ang Titco, kasi gustong-gusto niyang kinukuwentuhan ko siya ng tungkol sa aming tala-angkan.  Madalas habang naghihintay ng antok sa gabi, ito ang aming bedtime story: kaninong anak si ganito, sinong magulang ni ganun, kaninong kapatid si ganyan, kaanu-ano natin si gayon.

Minsan, isang araw ulit, bago matulog, nagkuwento siya.  “Abba, alam mo po,” sabi niya, “’yung katabi ko sa klase nag-cheat kanina sa test namin sa Math.”

“Talaga?” sabi ko.  “O, eh di napagalitan ng teacher.”

“Hindi po,” sagot niya.  “Hindi naman kasi nakita ng teacher eh.  Pero nakita ko po.”

“Anong sabi mo sa kanya?” tanong ko.

“Wala po.  Hindi ko pinansin.  Pero sabi niya sa akin, ‘Isusumbong mo ba ako, Peter?”

“Isinumbong mo?” tanong ko.

“Opo, pagkatapos ng test,” sagot niya.

Naisip ko tuloy itanong sa kanya, “Eh ikaw, nagche-cheat ka ba?”

“Hindi po, Abba,” mabilis niyang sagot.  “Walang Titcong nagche-cheat!”

Napangiti po ako.  I am a proud father!  Ganun po pala ang pakiramdam ng mga magulang.

Kayo po, mga magulang, are you proud of your children?  Kayo naman mga anak, are you proud of your parents?  Are we proud of our families?  Are we proud of our ancestry?  Ang Diyos kaya, can we say He is proud of us, His children?

Ngayong ikalawang araw ng ating Misa de Gallo, binasa ko po sa inyo ang tala-angkan ni Jesus.  Kung tatanungin po kaya natin si Jesus, “Lord, are you proud of your ancestry?  Ano po kaya ang isasagot Niya sa atin?  Paano kaya Niya tayo sasagutin?  Ano pong palagay ninyo, maipagmamalaki ba ang tala-angkan ni Jesus?

Hindi naman po galing sa bulok na puno ang Panginoon kaya kinukuwestyon natin kung maipagmamalaki Niya ang Kanyang tala-angkan.  Si Jesus ay may mga ninuno rin namang mga bayani at banal.  Nariyan po si Abraham na ama nating lahat sa pananampalataya.  Nandiyan din si Isaac at Jacob na mga patriarka.  Ninuno rin ni Jesus si Haring David na bagamat nagkasala ng pakikiapid at pagpatay ay tinatawag ng Banal na Kasulatan bilang “isang tao na naaayon sa puso ng Diyos” sapagkat sa kabila ng kanyang karupukan ay mababa ang kalooban at mapagtika.  Si Solomon, anak ni David, na sa halip na mga kayamanan, kapangyarihan, at kamatayan ng kanyang mga kaaway ang hiningi sa Diyos ay karunungan, ninuno rin ni Jesus.  Ilan lamang po iyan sa mga dakilang ninuno ng Panginoon.  Pero, kitang-kita rin po nating hindi perpekto ang tala-angkan ni Jesus.  Katulad din natin Siya: hindi Siya nanggaling sa angkang walang-kapintasan.

Apat na lola ni Jesus: si Tamar, Rahab, Ruth, at Bathsheba.  Kung tayo ang magpa-plano sa angkang pagmumulan ng Anak ng Diyos, malamang ni hindi natin iisiping isali ang mga babaeng ito.  Si Tamar ay nagpanggap na prostitute at sinipingan ang biyenan niyang si Juda upang magka-anak, at isinilang nga niya ang kambal na si Fares at Zara.  Kung nagpanggap lang na prostitute si si Tamar, talaga naman pong prostitute itong si Rahab na nanay ni Salmon.  Si Ruth naman na bagamat mabuting tao ay isang paganong mula sa Moab.  At si Bathsheba ang naging kalaguyo ni Haring David at si Solomon ang ibinunga ng kanilang paglalaro ng apoy.  O, ayan po, kabilang sa mga ninuno ng Panginoon ang incestuous relationship, prostitute, pagano, at kabit.  Kayo po, may mga ninuno ba kayong ganyan?  At kung meron kayong mga kamag-anak na ganyan, hindi ba kayo magdadalawang-isip ipagmalaki ang inyong angkan?

Si Jesus, hindi.  Hindi po Siya nagdalawang-isip mapabilang sa angkang may kapintasan.  Pinasok Niya talaga nang todo-todo ang kalagayan nating lahat: hindi perfect.  At iyon nga po ang mabuting balita, hindi ba?

Ipinakita sa atin ni Jesus na hindi man tayo makapili ng angkang pagmumulan natin, puwede naman natin itong yakapin sa kabila ng lahat para mahalin, pasalamatan, at pabanalin.  May kapintasan man ang pamilyang pinanggalingan natin, maaari naman tayong magpasiyang maging sanhi ng kagandahan ng pamilya natin.  At higit sa lahat, baku-bako man ang ating buhay, kayang-kaya pa rin ng Diyos na gumuhit ng tuwid na linya sa pamamagitan nito kung hahayaan natin Siya at makikipagtulungan sa Kanyang grasya.

Wala nga pong Titcong nagche-cheat, pero may mga Titco ring naging malaking problema ng aming angkan.  Ang pamilya ngang pinagmulan ng nanay ko, labimpito silang magakakapatid pero lumaki silang nagtutulungan, inaaruga ang isa’t isa at may takot sa Diyos, kaya lang magsisinungaling ako kung sasabihin kong wala silang naging mga problema.

Niyayakap tayo ng Diyos sa ating kabuuan: maganda at panget, banal at makasalanan, mabuti at masama.  At kapag hinahayaan nating yakapin tayo ng Diyos sa ating kabuuan, ang panget sa atin ay ginagamit pa rin Niya para tayo pagandahin, ang pagkamakasalanan natin para bumangon tayo sa kabanalan, at ang masama sa atin para akayin tayo sa mabuti.  Ang tanong po: Payayakap ba talaga tayo sa Diyos nang buong-buo o payayakap lamang tayo nang kalahati kasi kalahati lang ang kaaya-aya sa atin?

Teka lang po, parang hindi yata patas, ano?  Mga lola lang ni Jesus ang binanggit kong may kapintasan kahit pinamamayanihan ng mga lolo Niya ang sipi ng Kanyang tala-angkan.  Pero napansin n’yo po ba na biglang naiba ang wakas ng Ebanghelyo ngayon?  Sa halip na sabihing si Jacob ang ama ni Jose na amain ni Jesus, ang itinala ay ganito: “Si Jacob ang ama ni Jose na asawa ni Maria.  Si Maria naman ang ina ni Jesus na tinatawag na Kristo.”  Biglang naiba nga po!  Kasi hudyat ito na may gagawing kakaiba ang Diyos: Babaguhin Niya, tungo sa di-malirip na kabutihan, ang kuwento ng tala-angkang ito sa pamamagitan ng pamilya ni Jesus, Maria, at Jose.  Sana po, lagi tayong tumulad tayo sa pamilyang ito.

Ang Pasko ay pampamilya, hindi pang-barkada lang.  Higit sa lahat, ang Pasko ay pangtahanan, hindi pang-mall.  Dahil pamilya ang ginamit na lagusan ng Panginoon upang mapabilang sa ating angkan.  Dahil napabilang Siya sa isang tahanan, hindi sa isang mall, nang Siya ay maging anak ng isang pamilya, bahagi ng isang tala-angkan.  Kaya nga po, sagrado ang pamilya at dapat natin itong ipagtanggol laban sa sinuman at anumang gustong sumira nito.  Nakakalungkot nga po eh, kasi sa panahong ito pa minamadaling  isa-batas ang kontrobersyal na RH Bill na ang kahahantungan ay pagkawasak ng ating mga pamilya.  Ang Pasko ay pampamilya, pero baka dumating ang panahong hindi na, kasi puro wasak na ang mga pamilya, kasi wala nang pamilya.

Hindi perfect ang pamilya natin.  Hindi ito naiiba sa angkan ni Jesus.  Pero mahal iyan ng Diyos, kaya, sana, mahalin din natin ito.

Ako po ay Titco – lab ko ‘to!

No comments:

Post a Comment