Pages

19 December 2012

MAGANDANG UMAGA PO!

Ikalimang Misa de Gallo
Lk 1:26-38 (Is 7:10-14 / Slm 23)


Gusto ko po kayong batiin ng “magandang umaga”, pero hindi ko maitago ang lungkot ng puso ko.  Kamakalawa, inaprubahan sa Senado at Kamara ang Reproductive Health Bill, isang panukalang batas na wawasak sa moralidad ng ating bansa.  Kahapon naman, nakabandera sa mga pahayagan: “Divorce Bill Next – Belmonte”.  Sinabi ko na po sa inyo, may isinusulong na tatluhang agenda sa kongreso.  Kapag maging batas ang Reproductive Health Bill na magpopondo ng bilyong piso para sa libreng pamimigay ng artipisyal na kontraseptibo at magtuturo ng sex education sa mga musmos, kasunod na isasabatas naman ang diborsyo na wawasak sa integridad ng matrimonyo.  Ano po ba ang kalaban ng matrimonyo?  Hindi po ang asawang nangangaliwa o ang kabit n’ya.  Ang kaaway ng matrimonyo ay ang demonyo.

Lubhang nakababagabag po na halos nakikini-kinita na natin ang ikatlong agendum: ang legalisasyon ng same-sex marriage.  Nakalulungkot na sa panahong ito ng paggunita sa pagdadalantao sa Poong Jesus at Kanyang kapanganakan, niyurakan ang kabanalan ng buhay, ninentensyahan ng kamatayan ang sanggol sa sinapupunan, at walang-kahihiyan at walang pagkatakot sa Diyos na lantarang isinusulong ng mga mambabatas natin ang mga panukalang batas na laban sa tunay na diwa ng Pasko.

Ang Diyos ay nagkatawang-tao.  Pero ayaw na ng ilan na mabuo, isilang, at mabuhay pa ang ibang mga tao.  Kung dati’y pinakamahabaging tahanan para sa atin ang sinapupunang pinanggalingan natin, ngayon isa na ito sa pinakamapanganib na lugar para sa mga isisilang pa lang sana.  Kung dati’y likas na hinihintay ang kapanganakan ng isang sanggol, ngayon ay pag-iisipan muna ng ina kung bubuhayin niya o papatayin niya ang bunga ang pakikipagtalik niya.

Ang Diyos ay nagkatawang-tao sa sinapupunan ni Maria.  Pero hindi kay Jose ang Sanggol ni Maria.  Sa kabila nito, hinayaan pa rin ni Maria na mabuo at maisilang niya Siya.  Sa kabila nito, tinanggap pa rin ni Jose ang dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan at itinuring itong kanya.  Matuwid na tao itong si Jose subalit hindi niya sinunod ang malupit na batas na nagdidiktang patayin si Maria at ang sanggol na ni hindi naman niya punla.

Nagkatawang-tao ang Diyos at nakipamahay sa atin.  Pero tinataboy Siya ng unti-unti ngunit patuloy na paglapastangan sa buhay.  Bagamat dukha sila, tinanggap ni Jose at Maria si Jesus.  Si Jesus ay hindi dagdag na problema para sa kanila.  Hindi nila Siya tiningnan na sikmura lamang na pakakanin.  Hindi nila Siya itinuring na kahihiyan.  Sa pagtanggap nila kay Jesus – sa kabila ng lahat – pinatuloy nila ang Diyos sa kanilang puso, sa kanilang bahay, sa kanilang buhay.

Magandang umaga pa rin po sa inyong lahat!  Sa kabila ng mga kaganapan sa ating bansa na nakikini-kinita na natin ang nakatatakot, nakababagabag, at nakalulungkuot na kahihinatnan, magandang umaga pa rin po sa inyong lahat.  Utang-na-loob natin sa Diyos na gawing maganda ang umagang ito.  Siya po ang nagkaloob sa atin ng Paskong pinaghahandaan natin.  Utang-na-loob natin kay Jesus na gawing maganda ang buhay natin.  Nakibahagi po siya sa ating pagkatao upang makabahagi tayo sa Kanyang pagka-Diyos.  Utang-na-loob natin sa Diyos na buhay at bumubuhay na pagandahin ang buhay ng lahat – hindi lamang ng mga kababaihan at mga dukha kundi pati rin ng mga sanggol na naisilang at isisilang pa lang – nang hindi pinawawalang-saysay ang mga pagpapahalagang ipinahahayag sa Ebanghelyo ni Kristo at ipinangangaral ng Iglesiyang Kanyang kabiyak-puso.  Utang-na-loob po natin ang magandang umagang ito ay hindi lamang ito pagbati kundi tunay na hamon sa atin lahat.

Magandang umaga po!  Malapit na ang Pasko!  Malapit na malapit na po!  Huwag natin itong isuko sa kadiliman ng pagtanggi, paglaban, at pagyurak sa kabanalan ng buhay.  Huwag tayong panghinaan ng loob; panaligan natin ang sinabi ng anghel kay Maria: “…walang hindi mapangyayari ang Diyos.”  At tumulad tayo kay Maria: pasakop tayo sa Diyos; patuluyin natin ang Panginoon sa ating buhay; paulit-ulit nating isilang si Jesus sa mundong binabalot ng karimlan.  Magandang umaga po!  Malapit na ang Pasko!  Kailanma’y hindi magagapi ng kadiliman ang Liwanag na isinilang sa mundo.

Magandang umaga po!  Binabati tayo pati ni Kristo.  Kumakatok Siya sa ating buhay at humihiling na papasukin natin.  Si Jesus ang nagdadala ng maganda sa bawat umaga ng ating buhay.  Siya ang kagandahan ng buhay.  Siya nga mismo ang Liwanag ng sanlibutan at buhay ng sankatauhan.  Dalhin natin sa buhay ng ating kapwa-tao ang kagandahang si Kristo Jesus.  At sa gitna ng lahat ng pagsubok at pakikibaka natin, si Jesus pa rin ang dahilan kung bakit nakapagmamagandang umaga pa tayo.

Magandang umaga po – hindi po ‘yan pagbati.  Hamon sa atin ito.

No comments:

Post a Comment