Pages

13 October 2012

KULANG KASI SOBRA


Ikadalawampu’t Walong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk 10:17-27 (Kar 7:7-11 / Slm 89 / Heb 4:12-13)


Pakiramdam n’yo po ba, may kulang sa buhay ninyo?  Ano kaya?  Sino kaya?  May kulang pa nga ba talaga sa buhay ninyo?

Bumabagsak kapag kulang sa pag-aaral.  Matagal matapos ang isang gawain kapag kulang ka sa mga gamit na kailangan.  Mabagal ang paglalakbay kapag kulang ka sa pamasahe: maglalakad ka!  Panget ang lasa ng ulam kapag kulang sa ingredients: dapat kumpletos rekados!  Mainit ang ulo kapag kulang sa tulog.  Mabaho kapag kulang sa ligo.  Gutom kapag kulang sa kain.  Malabo kapag kulang sa ilaw o sa paliwanag o sa kulay.  Mahina kapag kulang sa pahinga.  Sakitin kapag kulang sa bitamina.  Napapahamak kapag kulang sa pag-iingat.  Balisa kapag kulang sa kapayapaan.  Walang kaibigan kapag kulang sa pakikipagkapwa.  Malayo sa Diyos kapag kulang sa pagdarasal.  Ano nga po ba ang kulang sa ninyo?  O sino pa ba ang kulang sa buhay ninyo?  Napakahirap talagang mabuhay kapag may kulang sa atin.

Tuwirang nangungusap sa atin ang Salita ng Diyos.  Ang salitang ito, na ayon sa ikalawang pagbasa nating ngayong Linggong ito, ay “buhay at mabisa” kung kaya’t dinggin at sundin natin ang Salita ng Diyos sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.  Subalit, parang binabalaan din tayo ng ikalawang pagbasang ito na mula sa Sulat sa Mga Hebreo dahil kagyat nito inilalarawang ang Salita ng Diyos ay matalas raw “kaysa alinmang tabak na magkabila’y talim.”  Aba, hindi lang pala ito “Bato-bato sa langit ang tamaan ay ‘wag magagalit”, bagkus “Maghihiwalay ang balat sa tinalupan”!  Kapag tinalupan tayo ng Salita ng Diyos, makita kaya natin ang tutoong kulang sa buhay natin?

Sa buhay, marami tayong gusto.  Pero hindi lahat ng gusto natin ay kailangan natin at hindi lahat ng gusto natin ay dapat mapasaatin.

May ipad na pero gusto pa ng iphone.  May Porche na pero gusto pa ng Jaguar.  May Gucci na pero gusto pa ng Ferragamo.  At ano po ang masasabi natin sa may asawa na pero gusto pa ng kalaguyo?  Meron ding senador na pero gusto pang maging kongresista ang misis, mayor ang anak, at barangay chairman naman ang kapatid.

Tunay nga, hindi naman lahat ng gusto natin ay tugon sa kakulangan natin.  Minsan, sa tutoo lang, ang gusto natin ay kaswapangan na lang, kagahaman na lang, kaluhuan na lang, kalabisan na lang.  Kitang-kita naman po natin iyan eh.  At kitang-kita natin iyan hindi lang sa iba kundi sa ating sarili rin.  Dapat nga una nating makita iyan sa sarili natin bago sa iba.

Tutoo rin na hindi lahat ng gusto natin ay dapat ding mapasaatin.  Gusto ng bata ng baril, pero dapat ba siyang bigyan ng baril?  Gusto ng estudyanteng mag-cutting-classes para gumimik, pero dapat ba siyang magbulakbol?  Gusto ng dise-otso años na anak na mag-asawa na, dapat ba siyang pagayan ng mga magulang n’ya?  Gusto ng katabi mong patayin ka kasi ayaw n’ya ang pagmumukha mo, ayos lang ba yun sa ‘yo?  May mga gusto tayong mapanganib kaya’t hindi dapat mapasaatin.  Hindi porke gusto mo ay kailangang mapasa-iyo, hindi ba?

Itinuturo sa atin ng unang pagbasa sa Misang ito ang talagang dapat nating gustuhing mapasaatin: karunungan.  Parang inaalingawngaw ng unang pagbasang ito ang kuwento ni Haring Solomon sa 2 Paralipomeno (Chronicles) 1:7-12: nang tanungin ng Diyos si Solomon kung ano ang nais niya, hindi ginusto ng hari ang kayamanan o ang karangalan o ang kamatayan ng kanyang mga kaaway, bagkus karunungan ang kanyang hiningi sa Diyos upang mapamunuan daw niya ang bayan nang naaayon sa nararapat.  Sa laking tuwa ng Diyos kay Solomon, ipinagkaloob Niya sa kanya ang gusto nito – karununga nga – at pati rin katalinuhan, kayamanan, at karangalan, mga bagay na hindi niya hiningi.  Sa huling pangungusap ng ating unang pagbasa, tila si Haring Solomon ang nagsasalita: “Nang kamtan ko ang Karunungan, dumating sa akin ang lahat ng pagpapala.”  Bakit daw po?  Kasi raw po ang Karunungan “ang nagkaloob sa akin ng kayamanang walang kapantay.”

Kung matalino ka nga pero wala ka namang karunungan, maaaring gamitin mo ang talino mo sa ikasasama mo o ng kapwa mo.  Kung mayaman ka nga pero wala kang karunungan, ang kayamanan mo ay maaaring magpahamak sa iyo.  Kung tanyag ka nga pero wala ka ring karunungan, ang katanyagan mo ay maaaring maging daan ng pagkawasak ng buhay mo.  Kaya nga, huwag lamang naisin ang maraming kaalaman sapagkat paano mo gagamitin ito kung wala ka namang karunungan?  Aanhin mo ang maraming salapi at ari-arian kung sa kawalan mo naman ng karunungan ay lagi ka namang balisa at dukha sa kapayapaan?  Para saan ang katanyagan kung dahil sa kasalatan mo sa karunungan ay isinasanla mo na sa demonyo pati kaluluwa mo?

Tunay ngang ang karunungang kaloob ng Diyos ang dapat nating gustuhing lahat.  Karunungan ang nagsasabi sa ating hindi sapat ang maging malusog ang katawan, dapat malinis din ang kaluluwa.  Karunungan ang nagpapakita sa ating walang silbi ang kayamanang materyal kung pobreng-pobre ka naman sa kayamanang espirituwal.  Karunungan ang nagpapaliwanag sa atin na hindi tayo ayos ng Diyos kung hindi ayos ang relasyon natin sa kapwa-tao.  Karunungan ang gumagabay sa ating pangalagaan ang kalikasan kung gusto nating pangalagaan ang sankatauhan.  Karunungan ang nagtuturo sa atin na mahalaga ang pananampalataya sa Diyos samantalang nananalig tayo sa pagsisikap ng tao.  Karunungan ang nag-uudyok sa atin na umasang hindi nagtatapos sa mundong ito ang buhay ng tao bagkus ay may buhay na walang-hanggan sa kabila, kaya’t sumasakabilang-buhay tayo.  At karunungan din ang nagbibigay-inspirasyon sa ating tanungin kung ano ba ang dapat nating gawin para makamit natin ang buhay na walang-hanggan.

“…ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang-hanggan?” – ito nga ang tanong ng isang lalaki kay Jesus sa ebanghelyo natin ngayong araw na ito.  Marunong ang lalaking ito!  Nahanap niya ang tunay na mahalaga sa lahat at gusto niya itong makamit.  Marahil nasa kanya na nga ang lahat – karunungan, kagandahang-asal, aktibong kabutihan, at maging kayamanan – subalit napagtanto niyang may kulang pa sa buhay niya.  Marahil din, hindi niya matukoy kung ano pa nga ba ang kulang na ito sa kanya.  Kaya naman, ipinakita ni Jesus sa kanya kung ano iyon.

“Isang bagay pa,” wika ni Jesus sa lalaking ito, “ang kulang sa iyo.  Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit.  Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa Akin.”  Malinaw ang kulang sa lalaking iyon: pagsunod kay Jesus!  Ngunit hinihingi ng pagsunod na ito kay Jesus na talikuran ng lalaking iyon ang lahat-lahat.  At hindi niya iyon magawa; kaya’t “namanglaw ang lalaki nang marinig ito, at malungkot na umalis.”  Sabi pa sa ebanghelyo, dahil daw napakayamanan niya kaya nagkagayon.  Talagang nakakalungkot po, hindi ba?  Gayong nalaman na niya kung ano ang kulang pa sa buhay niya, hindi naman niya ito makamit kasi kailangan n’ya palang bumitiw sa lahat.  Para pala makuha niya ang wala sa kanya, dapat munang mawala sa kanya ang lahat ng meron siya upang ipamahagi iyon sa mga walang-wala sa buhay.  Isang kabalintunaan at napakalalim na aral sa kanya at sa ating lahat: Kaya pala may kulang sa buhay niya kasi sobrang meron siya.

Sinasabi rin sa ebanghelyo na “magiliw siyang tiningnan ni Jesus” at tila nais din ni Jesus na siya ay maging alagad Niya, pero nang layasan niya si Jesus – dahil nga sa hindi siya makabitiw sa meron siya – hindi siya hinabul-habol ni Jesus, hindi siya pinigilan, at lalaong hindi na bilakan pa.  Hindi na nga siya muling binanggit sa ebanghelyo eh.  Tinapos ng ebanghelyo ang kuwento ng lalaking ito sa kanyang pag-alis.  Siyang patakbong lumapit at lumuhod pa raw sa harapan ni Jesus para magtanong ay namanglaw at tinalikuran si Jesus.  Iyan nga po ang kulang sa buhay niya: si Jesus.  Kaya nga inaatasan sana siya ni Jesus na sumunod sa kanya.  Pero kulang din pala siya sa tapang na bumitiw sa mga meron siya upang magkapagtaya para kay Jesus.

Kayo po, ano pa ba ang kulang sa buhay n’yo?  Sino po ang kulang sa buhay ninyo?  Eh ano bang sobrang meron kayo?

Baka kaya may kulang kasi sobra-sobrang meron kayo.

2 comments:

  1. nestor.a7:55 AM

    Father pasensya po ngayon lang ako makkapag comments, 'my appreciation' in your mission thanks God for calling you for us here busy & working abroad, fyi im a seafarer. ive been avid in your your blog matagal na:) praised God for his Eternal Word!

    ReplyDelete
  2. shalom, nestor!

    malaking kagalakan po sa akin na kahit paano'y nakapapawi ng inyong pagka-uhaw sa salita ng Diyos ang munti kong ambag sa pamamagitan ng CRUMBS. higit pa po akong nagalak nang malaman kong kayo ay naglalayag. batid ko pong mahirap ang inyong buhay at trabaho...madalas po siguro kayong dalawin nang lungkot. ipagdarasal ko po kayo sa aking mga Misa. ipagdasal ninyo rin sana po ako.

    maraming salamat po! +

    ReplyDelete