Pages

01 May 2012

MAGHANAP-BUHAY: MAGING BANAL AT MAGPABANAL


Banal na Alaala ni San Joseng Manggagawa
Mt 13:54-58

Ipinagdiriwang natin ngayon ang banal na alaala ni San Joseng Manggagawa.  Ang pagdiriwang na ito ay itinatag ni Papa Pio XII noong 1955, hindi lamang upang parangalan si San Joseng amain ni Jesus kundi upang ipaalala rin sa atin na ang isang matapat na paghahanap-buhay ay maaari ring maging paraan tungo sa kabanalan.  Kapag naghahanap-buhay tayo nang matapat, pinababanal natin ang ating sarili at ang ating kapwa.  Sa pamamagitan ng matapat na paghahanap-buhay, nakikibahagi tayo sa nagpapatuloy na gawain ng Diyos sa sanilikha at sa mapantubos na gawin ni Jesukristo para sa sangkatauhan.

Samakatuwid, ang pagbabanat ng buto at pagpapatulo ng pawis, na hinihingi ng paghahanap-buhay, ay hindi isang sumpang ipinataw sa sangkatauhan dala ng kasalanan ng unang tao.  Ang paghahanap-buhay ay pagpapala.  Ang maghanap-buhay ay karangalan natin bilang tao, bilang katiwala ng Maykapal.  Ang maghanap-buhay nang matapat ay napakarangal na pagpapahayag ng ating pagiging nilikha ayon sa larawan at anyo ng Diyos – ipinaaalala sa atin ng unang pagbasa ngayon, mula sa aklat ng Genesis, ang malalim na katotohanang ito..  Isang napakahalagang bahagi ng ating pagiging kabuklod ni Jesukristo ang ating paghahanap-buhay nang matapat.

Subalit hindi lahat ng tao ay naghahanap-buhay.  Maraming dahilan kung bakit hindi.  Merong mga gustong maghanap-buhay pero walang makuhang hanap-buhay.  Kulang sa oportunidad ang madalas idahilan ng mga walang makuhang hanap-buhay.  Merong gustong maghanap-buhay pero hindi kayang maghanap-buhay.  Baka may hadlang na pisikal o kaya ay may ibang mga responsibilidad siguro kaya hindi nila kayang maghanap-buhay.  At meron din naman talagang ayaw lang maghanap-buhay.  Ah, iyan, iyan ang mga tamad.

May mga taong naghahanap-buhay para mabuhay at meron din namang mga nabubuhay para maghanap-buhay.  Karamihan sa mga naghahanap-buhay para mabuhay ay masaya sa kanilang ginagawa.  Ngunit lahat ng mga nabubuhay para maghanap-buhay ay malungkot.  Sila ang mga tinataguriang kayod-kabayo kung magtrabaho kaya sa kalaunan ay nagmumukhang kabayo na rin.  Wala pa silang kuwarenta pero mukha na silang otsenta.  Tingnan po ninyo ang katabi ninyo, hulaan n’yo kung ilang taon na s’ya.

Meron ding mga taong hindi patas kung maghanap-buhay.  Meron pamatay ang hanap-buhay: talagang pumapatay sila.  Isang kabalintunaan, isang kahibangan, isang kasinungalingan, hindi ba?  Buhay ang hanap pero pumapatay.  Hindi sila larawan ng Diyos na laging matapat sa paggawa.  Wala tayong masabi tungkol sa kanila kundi masamang tao sila.

Meron pang mga hindi nakakakita na ang kanilang paghahanap-buhay ay pagtulad nila sa Diyos na laging gumagawa para sa ating patuloy na pag-iral.  Para sa kanila, walang kaugnayan ang kanilang paghahanap-buhay sa kanilang buhay-espirituwal.  Nabubulagan sila.  At marami sa kanila, sa tutoo lang, nagbubulag-bulagan.  Puro kita ang nasa isip nila pero hindi naman talaga makakita.  Basta malaki ang kita, kahit ano gagawin, pero nabubulagan pa rin sila.  Walang silbi ang anumang kinita natin sa lupa kung hindi naman natin makikita ang Diyos sa langit, hindi ba?

Meron din namang ang mga magulang ay naghahanap-buhay nang marangal pero, dahil sa baluktot na panuntunan ng makabagong mundo, nahihiya ang kanilang mga anak kapag tinatanong kung ano ang trabaho ng magulang nila.  Tahimik na sila kapag napag-uusapan na ang hanap-buhay ng tatay o nanay nila.  Pero kapag hindi na makaiwas sa tanong, “Anong trabaho ng tatay mo?  Ang nanay mo, anong trabaho?” may karugtong na “lang” ang sagot: “basurero lang po, labandera lang po, tsuper lang po, katulong lang po, tubero lang po, kusinera lang po, karpintero lang po.”  Pero, teka, ayon sa Ebanghelyo natin ngayon (Mt 13:55), hindi ba karpintero rin ang nakilalang tatay ni Jesus?  Nakakahiya ba ‘yun?  Hindi, karpintero ang nagtaguyod, nagpakain, nagpalaki, at nagtustos sa mga pangangailangan ng Anak ng Diyos!  Oo nga, kaya nabuong-tao ang Salita ng Diyos ay dahil sa sinapupunan ng bukod na pinagpala sa babaeng lahat, pero kaya naisilang nang ligtas at natutong maging ganap na lalaki ang Salitang-Nagkatawang-Tao ay dahil sa isang karpintero.

Kayo po, ano ang trabaho ng tatay n’yo?  Ang nanay n’yo, nagtatrabaho rin ba?  Anong trabaho ng nanay n’yo?  Ako po, technician ang tatay ko!  Noong nabubuhay pa s’ya, napakahusay n’yang komumpuni ng airconditiong unit, refrigerator, electric fan, at iba pa.  Sa katunayan, nang sumakabilang siya, kaaayos n’ya pa lang ng centralized airconditioning unit sa Arlington kung saan siya binurol.  At technician man s’ya para s’yang celebrity nang pumanaw: daming bumisita sa burol n’ya – mga pari, mga Obispo, mga artista, mga politico, at iba pang mga kilalang tao – at ang kardinal pa ng Maynila ang namuno sa Misa ng paglilibing sa kanyang mga labi.  Napakabait kasi ng tatay ko eh.  Di hamak na mas mabait kaysa sa paring ito.  Technician ang tatay ko!  Salamat sa technician na ito; may Fr. Bobby po kayo.

Samantalang pinasasalamatan natin ngayon ang Diyos para sa iyong hanap-buhay at mga gawaing kinaaabalahan, hilingin natin sa Kanya ang biyayang lagi tayong maging tapat sa anumang gawain natin.  Samantalang pinararangalan natin ang lahat ng mga manggagawa ngayong araw na ito, ipagdasal din natin silang mga walang makitang trabaho at silang mga hindi kayang makapagtrabaho, pati na rin ang mga tamad magtrabaho.  Samantalang hinihiling natin sa Diyos na Kanyang basbasan ang ating mga pagsisikap, kumilos din tayo at tulungan ang mga walang-hanap-buhay na makatagpo ng gawaing naaayon sa kanilang karangalan bilang mga anak ng Diyos at alagad ni Jesus.  Higit nawa nating maunawaan at maisabuhay ang ating pagiging mga katiwala ng Diyos sa pamamagitan ng mga responsebilidad natin sa buhay.  Maging mabubuting katiwala nawa tayo katulad ng ating mahal na patron, si San Jose Manggagawa.  Italaga natin ang ating mga sarili at mga mahal sa buhay kay San Jose.  Kung ipinagkatiwala ng Diyos sa kanya ang sarili Niyang Anak, dapat pa ba tayong magdalawang-isip na ipagkatiwala kay San Jose ang lahat?  Siya na buong pag-ibig na tumaguyod kay Jesus at Maria ay hindi pababayaan tayong mga iniibig ni Jesus at Maria.

Isang kabalintunaan, hindi ba, na samantalang ipinagdiriwang natin ngayong araw na ito ang “Labor Day”, walang labor ngayon (maliban na lamang sa delivery room ng mga ospital)?  Ngayon ay holiday.  At ang unang kahulugan ng holiday ay hindi bakasyon.  Kaya holiday ay dahil holy ang day.  Pabanalin natin ang bawat araw sa pamamagitan ng ating pagiging mabubuting katiwala ng Diyos sa larangan ng paghahanap-buhay at iba pa.  Maghanap-buhay: maging banal at magpabanal!  Walang bakasyon ang kabanalan at ang tunay na banal ay ang mabuting katiwala.

San Jose Manggagawa, aming patron, ipanalangin mo kami at pagpalain ang aming mga gawa.  Amen.

No comments:

Post a Comment