Pages

21 January 2012

BITIW

Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Jon 3:1-5, 10 / Slm 25 / 1 Cor 7:29-31 / Mk 1:14-20

Pagkapit ang una nating natututunan sa buhay.  Mga punla pa lang tayo sa sinapupunan ng ating kani-kaniyang ina, naghanap na agad tayo ng makakapitan.  Kaya nga po tayo nabuo kasi nakakapit tayo sa bahay-bata ni inay.

Pagkatapos nating matutong kumapit, napilitan naman tayong matutong bumitiw.  Siyam na buwan tayong nakakapit sa bahay-bata ng ating ina, pero kinailangan nating bumitiw, sa ayaw nati’t sa gusto, kundi’y mamamatay naman tayo sa sobrang pagkapit.  At dahil tila mas likas nga sa atin ang pagkapit kaysa pagbitiw, napakasakit na karanasan para sa atin ang bumitiw: samantalang binati tayo ng malaking tuwa ng mga sumalubong sa atin, umiiyak naman tayong dumating.

Tapos, tuturuan tayong kumapit ulit.  Dapat tayong kumapit sa kumakarga sa atin kundi ay baka mahulog tayo at madisgrasya.  Kailangan nating kapitan ang bote ng gatas nang makadede tayong mabuti.  Gagabayan tayong kumapit sa kuna, sa andador, at sa kung anumang puwede nating makapitan habang nag-aaral tayong tumayo at maglakad.  Tuturuan tayong kumapit nang mabuti sa kutsara at tinidor nang makakain tayong mag-isa.  At marami pang mga pagkapit ang matututunan natin.  Kung hindi nga tayo maingat baka akalain nating hindi natin kayang lumago, umunlad, at mamuhay nang hindi nakakapit sa kung anu-ano at kung sinu-sino.

Hindi nakapagtataka na natututunan din nating humanap ng kapit sa kompanyang gusto nating mapagtrabahuhan.  Minsan suspetsa ng iba: “Siguro kaya na-promote kasi malakas ang kapit.”  At meron pang kahit panahon na para bumaba sa puwesto, kapit-tuko pa rin sa kapangyarihan.

Tutoong sadyang napakahalaga para sa atin ang kumapit.  At dahil sindak ang unang karanasan natin sa pagbitiw, kinalimutan nating mahalaga rin pala ang bumitiw.  Sa katunayan, nasa pagbitiw ang buhay; wala sa pagkapit.

Isipin po ninyo, ano kaya ang buhay natin kung hindi tayo marunong bumitiw?  Ano kaya ang buhay natin kung ayaw nating bumitiw.  Ano kaya ang itsura natin kung kapit lang tayo nang kapit at hindi tayo makabitiw-bitiw?  Makasusubo nga tayo ng pagkain pero pati kamay natin ay mangunguya natin.  Makahahawak nga tayo ng pera pero hindi naman natin ito magagasta.  Makatatanggap nga tayo ng mga biyayang materyal pero hindi rin naman natin ito magagamit sa mga pangangailangan natin o sa pagtulong kaya sa kapwa.  Matanganan man natin ang mahal natin sa buhay, hindi magtatagal ay masisira ang ating mabuting ugnayan: lagi kasi tayong nakakapit sa kanya.  At paano na po kapag marami na tayong nahawakan, nadampot, natanganan, natanggap?  Paano na nga po kapag marami na tayong kinakapitan at hindi tayo makabitiw?  Paano na kung marami na ring nakakapit sa atin at ayaw bumitiw sa atin?

May malaking karunungan sa pagbitiw, hindi po ba?  Kung tutuusin, hindi lang duwag ang ayaw bumitiw.  Tanga rin siya.

Hinahamon tayo ng Salita ng Diyos ngayong Linggong ito na bumitiw sa tatlong bagay: sa kasalanan, sa mundo, at sa mga hadlang sa ating pagsunod kay Jesus.

Isinasalamin ng kuwento ng mga taga-Nineveh ang kuwento natin.  Katulad nila, namumuhay tayo sa iba’t ibang anyo at antas ng pagkakasala.  Ang panawagan sa kanilang magsisi at magbalik-loob sa Diyos ay panawagan din sa atin.  Gaya nila, dapat din tayong bumitiw sa makasalanang pamumuhay kung gusto nating tutoong mabuhay.  Ang pagkapit sa makasalanang pamumuhay ay panliligaw sa kapahamakan.  “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan” (Rom 6:23).  Nasa pagbitiw natin sa makasalanang pamumuhay ang ating kaligtasan. 

Napakahalaga naman ng paalala sa atin ni San Pablo Apostol ngayong araw na ito.  Sa pamamagitan ng kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto, binabalaan tayo ng Apostol na ang lahat sa mundo, pati na ang mundo mismo, ay lumilipas.  Ang kumapit sa mga bagay-bagay sa mundong lumilipas ay lilipas kasama nito.  Ang magtiwala sa mga iniaalok ng mundong ito, sa kahuli-hulihan, ay mabibigo.  Masahol pa, ang magpaalipin sa kamunduhan, kapahamakan ang kahahantungan.

Gayunpaman, hindi naman sinasabi ni San Pablo na bale-walain na lang natin ang mundo.  Sa halip, dapat nga nating gamitin ang mundo para sa ikasusulong ng paghahari ng Diyos.  Pinag-iingat lamang tayo ni San Pablo at baka mamaya, hindi na natin namamalayan, tayo na pala ang ginagamit ng mundo.

Tanungin natin ang ating sarili.  Ano ba ang hindi ko kayang bitiwan sa mundong ito?  Meron ba sa mundong ito ang hindi ko kayang ipaubaya sa Diyos?  Bakit hindi ko ito mabitiw-bitiwan?  Bakit iyon kaya kong ipaubaya sa Diyos pero ito hindi?  At huwag po nating kalilimutan, puwede ring “sino” sa halip na “ano” ang tinutukoy ng mga katanungang ito.

Malinaw kung bakit tayo dapat bumitiw sa makasalanang pamumuhay.  Nauunawaan natin ang bilin ni San Pablo Apostol tungkol sa pagbitiw sa mundo.  Pero iba na ang usapan kapag pati ba naman ang ating payak na kabuhayan at ang ating mga mahal sa buhay ay hingin sa ating bitiwan. 

Sa kuwento ng Ebanghelyo ngayong Linggong ito, tila napakadali lang para sa magkapatid na Simon at Andres at kay Santiago at Juan na magkapatid din ang bitiwan ang lahat para sumunod kay Jesus.  Palagay ko po, short-cut version ang kuwentong ito.  Palagay ko, hindi ganoong ka-eksakto ang mga detalye ng pagtawag at pagtugon ng apat na apostol na ito.  Iisa lang naman kasi, sa tingin ko, ang pakay hindi ng kuwento kundi ng nagkuwento: ang ikintal sa isip nating lahat na hinahamon tayong bumitiw sa lahat-lahat na at buung-buo nating itaya ang sarili, pagkatao, at buhay; na wala tayong dapat ipagdamot sa Diyos; na dapat ay walang karibal ang Diyos sa buhay natin.  Naku po, napakahirap!  Madalas ay hindi naman natin sinasadya, madalas ay hindi rin natin namamalayan, pero sa tutoo lang may kasosyo ang Diyos sa puso natin.

Napakahirap bitiwan ang lahat.  E iyon nga lang pong dating nabalitang panukalang ipatupad ang pag-iikapo ay naging malaki at mainit nang debate sa ating mga Katoliko, iyon pa kayang tutoong pagpapaubaya ng lahat-lahat sa Diyos?  Siguro po kung tingi-tingi lang, kung ‘yung mga labis lang, kung ‘yung mga ayaw na natin, kung ‘yung malapit nang ma-expire, ayos lang.  Pero kapag lahat na ang pinag-usapan, ibang usapan na ‘yan.  Kung tayo ang susulat sa tseke kung magkano ang gusto lang nating i-abuloy sa Diyos, okay lang.  Pero kung tsekeng blangko ang ibibigay natin sa Diyos, bitiwan kaya natin?

Isang kahangalan nga itinuturing ng mundo ang bitiwan ang lahat.  Sukdulan na ang talikuran ang lahat-lahat.  Isa itong kabaliwan sa paningin ng karamihan.  Ngunit ganyan nga po ang ginawa ni San Franciso ng Assisi, hindi ba?  Kung sabagay, noong bumitiw siya sa marangya niyang pamumuhay, noong hubarin niya hindi lamang ang kasuotang mula sa kanyang ama kundi pati rin ang kaugnayan niya sa kanyang ama, noong talikuran niya ang lahat ng mga ipinapangako ng isang mariwasang kinabukasan, nakala rin ng marami, pati ng kanyang sariling ama’t ina, na nawawala siya sa kanyang katinuan.  Pero ngayon, hindi po ba, hangang-hanga ang lahat kay San Francisco at hindi mabilang ang mga nagnanais tumulad sa kanyang pamumuhay ng payak, mapayapa, at maligaya?  Kung hindi siya bumitiw noon, palagay ko po baka walang San Francisco ng Assisi ngayon.

May pinabibitiwan ba ang Diyos sa iyo ngayon?  Bukod sa makasalanang pamumuhay at sa mga pagkakatali mo sa mundong ito, ano pa kaya?  Sino pa kaya?  Handa ka bang bumitiw?  Handa ka bang maging baliw para sa Diyos?

Sa aking palagay, higit na napakahirap ang bumitiw kung wala kang kakapitan.  Hindi naman po kasi kailanman hiningi ni Jesus na bumitiw tayo sa kung sino o kung ano nang hindi Niya tayo hinihiling na kumapit naman sa Kanya.  Ang pagbitiw natin ay para sa pagkapit pa rin – pagkapit sa tunay na dapat nating kapitan: si Jesus, tanging si Jesus, laging si Jesus.  Siya ang ating kapitan dahil Siya dapat ang Kapitan ng ating buhay!

No comments:

Post a Comment