Misa de Gallo: Ikasiyam na Araw
Sam 7:1-5, 8-12, 14, 16/Lk 1:67-79
Ito na po ang ating pansiyam na gising! Binabati ko po ang lahat ng mga nakakumpleto ng Misa de Gallo ng taong ito: Congratulations! Pero, hindi pa po ito ang araw na pinakahihintay natin ha. Bukas pa ang mismong araw ng Pasko at magsisimula ang napakasaya’t banal na panahong ito mamaya na rin mismo sa pagdiriwang natin ng Christmas Eve Mass. Matutulog pa po ba kayo?
Siyam na araw tayong gumising, nagsakripisyo, at nanalangin. Sinamahan po natin ang Mahal na Birheng Maria na wari baga’y ang bawat isang pagmi-Misa de Gallo natin ay katumbas ng isang buwan ni Jesus sa kanyang sinapupunan. Hindi natin iniwan ang Mahal na Ina at ang banal na Sanggol sa kanyang tiyan. Siyam na gising – kasama ni Maria at ni Jesus – at siyam na aral na harinawa ay gumising sa mga natutulog pa at mga nagtutulug-tulugan. Ito po ang mga naging paggising natin:
Unang gising: Magkaisa na tayo upang magsilbi tayong saksi sa Liwanag na dumarating.
Ikalawang gising: Tanggapin mo ang sarili mo at pagsikapan mong tanggapin din ang kapwa-tao dahil tanggap na tanggap tayo ng Diyos.
Ikatlong gising: Higit mong pahalagahan ang balak ng Diyos na gawin sa iyo kaysa sa gusto mong gawin para sa Diyos.
Ika-apat na gising: Hayaan mong punuin ka ng Diyos: si Jesus ang iyong kapupunan at kapunuan.
Ikalimang gising: Tumugon sa Diyos at magtaya para sa Kanya: pinakikintab ka Niya tulad ng isang ginto.
Ika-anim na gising: “Magpakuryente” ka sa Diyos at “manguryente” ka ng iba sa kapangyarihan din ng Diyos.
Ikapitong gising: Nasa tao ang kaluwalhatian ng Diyos, wala sa Templo: palitawin ang kaluwalhatian ng Diyos na nananahan sa iyo at sa kapwa-tao.
Ikawalong gising: May magandang kakaibang ginagawa ang Diyos sa iyo at sa pamamagitan mo: gising ka na kaya’t huwag nang matutulog.
At ngayong araw na ito, kung may natutulog pa, aba, gumising na po kayo! Umaga na! Nagbubukang-liwayway na! Salubungin nating lahat ang bagong umaga, ang Liwanag na dumarating.
May mga taong tanghaling tapat na nakahilata pa, hindi po ba? Tila ugali na nila iyon. Tirik na ang araw, naghihilik pa. Pero, sa tutoo lang po, hindi naman lahat sila ay tulog talaga. Marami rin sa kanila ang nagtutulug-tulugan nga. Naaalala ko po noong ako ay growing up boy pa at nakatira pa sa piling ng mga magulang ko. Ayaw na ayaw ng tatay ko ang inaabutan ng katanghalian sa higaan. Ganun din naman po ang nanay ko. Kapag mataas na ang araw at tulog na tulog pa kami, simula na ang litanya ng panggigising n’ya. Kadalasan naman po ay sumusunod ako, bumabangon sa oras; pero, inaamin ko po na minsan ay nagtutulug-tulugan din ako: kunyari hindi magising-gising (kasing gising na talaga!). Ayaw na ayaw po ng nanay at tatay ko na sobrang tanghaling gumising. Sabi nila, malas daw po kasi ang natitirikan ng araw sa higaan. Tutoo po ba ‘yun? Kung tutoo, siguro kaya minamalas ang iba kasi matindi na ang sikat at init ng araw pero ayaw pa nilang magising, ayaw pa nilang magpagising. Ayaw na kaya nilang magising? At kung hindi na sila magising, depende kung malas sila o pinagpala sa kung handa ba sila o hindi.
Ano nga po ba ang kabaliktaran ng malas? Suwerete? Di kaya! Naniniwala po ba kayo sa suwerte? Ano kayo, sinusuwerte? Ang paniniwala sa suwerte o luck ay taliwas a paniniwalang Kristiyano. Napapaloob sa konsepto ng suwerte ang pananaw na ang mga pangyayari sa ating buhay ay hindi nakasalalay sa mapagkalingang pag-aaruga ng Diyos. Ang mga pangyayari – mabuti man o masama – ay mga nagkataon lang: walang pangkalahatang panukala ang Diyos para sa atin. Wala pong suwerte. Wala ring sinusuwerte. Meron pong biyaya at ang lahat ng tao ay pinagpapala sa iba’t ibang paraan. Ang biyaya ay mula sa Diyos samantalang ang tao ang lumilikha ng sarili niyang kamalasan. Biyaya ang kabaliktaran ng suwerte. Ang kabaliktaran naman ng taong minamalas ay ang taong pinagpapala.
Si David at si Zachariah sa ating mga pagbasa ngayong umagang ito ay hindi halimbawa ng mga taong sinusuwerte. Mga pinagpala sila; biniyayaan ng Diyos sa kabila ng kanilang mga kahinaan. Sa unang pagbasa, si David na gustung-gustong ipagtayo ng maharlikang tahanan ang Diyos ang siya palang ipagtatayo ng Diyos ng matatag na sambahayan. Sa kabila ng pakikiapid ni David kay Bathsheba at pagpapapatay kay Uriah sa digmaan, biniyayaan pa rin ng Diyos si David. Si Zechariah naman sa Ebanghelyo ay muling nakarinig at nakapagsalita – natupad din ang ipinangako sa kanya – sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan. Kaya nga po, hiniram ni San Lukas ang isang matandang awit mula sa Lumang Tipan at ipinamutawi ito mula sa mga labi ni Zechariah: “Benedictus Dominus Deus Israel!” (“Blessed be the Lord the God of Israel!” “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!”)
Benedictus – ito nga po ang pamagat ng awit ni Zechariah. Bini-bless ni Zechariah ang Diyos dahil sa katapatan ng Diyos sa mga ipinangako Niya. Nakakatuwa po, hindi ba? Nang muling makapagsalita itong si Zechariah na napipi at nabingi, ang una niyang sinabi ay “Benedictus!” Nagpuri siya sa Diyos. Hindi niya sinumbatan ang Diyos na sa kabila ng kanyang pagiging matuwid ay pinipi siya agad sa isang pag-aalinlangan lang niya. Hindi pagrereklamo o pagmumura ang namulaklak sa kanyang mga labi kundi pagsasalamat.
Iyon nga po ang tumpak na kahulugan ng blessing sa orihinal na pakahulugan nitong berakah. Kaya nga pati ang Diyos puwede nating i-bless. Kapag bini-bless natin ang Diyos sinasabi natin sa Kanya, “Thank you, Lord!” Sabihin n’yo nga po: “Bless You, Lord!” Kapag bini-bless din natin ang isa’t isa, pinasasalamatan natin ang isa’t isa. Sabihin n’yo nga po sa katabi ninyo: “Bless you!” Mamaya rin po, pagkatapos ng Misang ito, marami sa inyo ang lalapit sa akin at magb-bless. Kapag ginagawa po ninyo iyon, hindi lamang kayo tumatanggap ng biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng inyong abang pari, nagbibigay din po kayo sa inyong abang pari ng biyaya, nagtha-thank you po kayo sa kanya. Pag-uwi ninyo, sabihan din po ninyo ang mga daratnan ninyo ng “Bless you!” Punuin natin ang ating buhay ng pasasalamat. Mamuhay tayo sa pasasalamat, sa pagkilala sa mga biyaya ng Diyos at pagtingin sa mga pagsubok sa ating buhay bilang mga biyaya pa rin Niya. Kaya, sa inyo pong lahat, sinasabi ko rin, “Bless you! Thank you!”
Ang Pasko, bagamat para sa lahat, ay pasasalamat ng Diyos sa mga taong naghintay sa Kanyang pagdating. Ito ang pamumulaga ng Diyos sa tao sa kabila ng lahat. Kaya tulad ni David sa unang pagbasa maisip din nawa nating gantihan ang Diyos sa Kanyang habag at kagandahang-loob sa atin. Kagaya ni Zechariah naman sa Ebanghelyo, makita nawa natin ang lahat sa ating buhay – tagumpay man o kabiguan, kaligayahan man o kalungkutan, kasaganahan man o kasalatan, kaliwanagan man o kadiliman – bilang mga biyaya ng Diyos at matuto tayong gawing bukambibig ang pagpapasalamat sa Kanya at sa kapwa.
Nagbubukang-liwayway na! Salamat sa Diyos! Benedictus Dominus Deus Israel!
Alam po ba ninyong may mga katutubong tao noong unang panahon, gaya ng Indian Aztecs at Mayan tribes ng Mexico, ang naniniwala noon na kapag nagtatakipsilim na, nilalamon ng kadiliman ang liwanag. Sa buong magdamag, para sa kanila, ang haring araw at ang gabing halimaw ay nagdidigmaan. Sindak na sindak sila, alalang-alala na baka hindi na muling sumikat ang araw. Kaya’t nag-aalay sila ng dugo o puso, ng buhay ng mga taong birhen, sanggol, at kawal na matatapang para manalo ang araw laban sa gabi at magharing muli ang kaliwanagan sa buong lupain. Pagsapit ng umaga, inaakala nilang nagtagumpay nga ang araw sa gabi, ang liwanag sa kadiliman. Hindi pa nila batid ang makabagong pagpapaliwanag ng pagsasalitan ng araw at gabi. Kaya nga po, sinasalubong nila ang bukang-liwayway sa pamamagitan ng pagpipista. Para sa mga sinaunang taong ito, ang bukang-liwayway ay hindi lamang senyales na panalo ang araw sa gabi, na nagapi ng liwanag ang kadiliman. Ang bukang-liwayway ay ang inaabangang hudyat din na tapos na ang madugo’t kapangi-pangilabot na pag-aalay ng buhay ng iba.
Bukang-liwayway na po. Panalo na ang liwanag sa dilim. Si Jesus ang Liwanag, ang diyablo ang dilim. Bukang-liwayway na po. Inihuhudyat na ng tambuli ang pagtatapos ng pagsasakripisyo ng buhay ng kapwa. Panahon na itigil natin ang pagsasakripisyo ng iba at matuto tayong isakripisyo ang sarili para maghari ang Liwanag na pumapatnubay sa atin tungo sa daan ng kapayapaan.
Hindi po tayo sinuwerte kay Jesus. Pinagpala tayo.
Mabuti na lang, gising tayo!
No comments:
Post a Comment