Pages

19 December 2011

MISA AUREA

Misa de Gallo: Ikalimang Araw
Is 7:10-14/Lk 1:26-38

          Nasa gitnang-gitna po tayo ngayong araw na ito n gating pagmi-Misa de Gallo.  Apat na gising na ang nakaraan at apat na gising na lang at Pasko na.  Kung ang pagsisimba natin sa Misa de Gallo ay tulad ng pagkain ng mangga, nasa buto na po tayo.  Ubos na natin ang isang pisngi at bago natin simulang kanin ang kabilang pisngi, namnamin muna natin ang buto.  Mahalaga ang buto dahil kaya may mangga dahil may buto ito, hindi ba?  Ang buto ang itinatanim para magkaroon ng mangga.  Ang buto rin ang naglalaman ng genetic combinations para kapag mamunga ang puno ng mangga ay mangga nga – at hindi mansanas o lanzones o buko – ang maging bunga nito.  Kung tutuusin, bagamat may mga buto ng prutas na hindi natin puwedeng kainin at hindi kayang tunawin, nasa buto talaga ang sustansya.  Kapag wala ang buto, walang prutas.  Ang buto ang dahilan ng prutas.
          Ngayong araw na ito, pinananamnam sa atin ng liturhiya ang “buto” ng ating pagmi-Misa de Gallo: ang hiwaga ng banal na pagkakatawang-tao ni Jesus.  Ito ang dahilan ng ating paggising nang napaka-aga, pagpunta sa simbahan, pagsisimba nang madaling-araw pa, panananlangin nang taimtim at may kaakibat na pagsasakripisyo.  Kaya tayo nagmi-Misa de Gallo ay dahil di-malirip na handog ng Diyos sa atin: mismong ang Kanyang bugtong na anak na si Jesukristong Panginoon.  Kapag kinalimutan natin ang mahiwaga’t mapagpalang pagkakatawang-tao ni Jesus, mawawalan ng sustanya ang ating Misa de Gallo.  Kapag tinanggal natin si Jesus sa Pasko, wala nang Pasko.  Kaya’t, samantalang pa-igting nang pag-igting ang pananabik ng lahat para sa araw ng Pasko at parami nang parami ang humihila sa ating pansin patungong iba’t ibang direksyon, ipanatag natin ang ating mga sarili at ipako ang ating pansin sa tunay na mahalaga: si Jesus na nakibahagi sa ating pagkatao upang makabahagi tayo sa Kanyang pagka-Diyos.  Jesus is the reason for the season.  Walang Pasko kung walang Kristo.  Siyempre, sasabihin pa ng marami sa atin, alam na natin ‘yun, pero ang tanong: nakikita ba ito sa ating mga kaabalahan ngayong mga araw na ito?
          Ang pagkakatawang-tao ni Jesus ang pinaka-puso hindi lamang ng ating pagmi-Misa de Gallo kundi ng ating buong buhay-Kristiyano.  Kaya na po, ang panlimang Misa de Gallo, kung saan ang Ebanghelyo ay ang pagkakatawang-tao ng Verbo sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria, ay tinatawag na Missa Aurea o “Ginintuang Misa”.  Ginintuan ang Misa hindi dahil ginintuan ang mga palamuti sa loob ng simbahan.  Ginintuan ang Misa hindi dahil ginto ang kulay ng damit ng pari.  Ginintuan ang Misa hindi dahil tadtad ng mga alahas na ginto ang mga nagse-serve at mga nagsisimba.  Ginintuan ang Misa dahil higit pa sa ginto ang nasa Misa: si Jesus na ating pinagsasaluhan at pagkatapos ay dapat ibahagi sa iba.  Ang bawat nagsisimba nang taimtim ay tumatanggap ng gintong walang-kasinhalaga; siya ay dumarating sa Misa nang dukhang-dukha at umuuwi naman siya mula sa Misa nang ubod nang yaman.
          Katulad ng Mahal na Birheng Maria, buong-puso nawa nating tanggapin si Jesus sa ating buhay.  Hindi man natin Siya maipagdadalantao, maaari pa ring manahan si Jesus sa ating puso at maging handog natin sa lahat ng tao.  Tularan po natin ang Mahal na Ina: buong-buo ang pag-oo sa Diyos.  Walang karibal ang Diyos sa buhay niya.  Walang hindi niya ibibigay sa Diyos.  Walang ipagdadamot sa Diyos, maging sariling buhay niya.  Ang mga plano niya sa sariling buhay niya – gaya halimbawa ng pananatiling birhen sa pakahulugan ng hindi pagluluwal ng sanggol – ay isinuko niya para matupad ang plano ng Diyos.
       May mga pagkakataon sa buhay natin na baka hinihingi ng Diyos na kalimutan ang sariling mga plano natin sa buhay para maituon natin ang ating buong pagkatao sa mga plano Niya.  Wala pong nagsasabing madaling-gawin ang hinihinging ito ng Diyos. 
Kung ang tinitingnan lang natin kay Maria ay ang napakataas na pribilehiyong ipinagkaloob sa kanya ng Diyos bilang Ina ng Kanyang bugtong na Anak, maaaring tayong malinlang sa pag-aakalang napakasarap naman ng kinalalagyan niya.  Ngunit ang pagiging-ina ni Jesus ay hindi lamang pam-Pasko kay Maria.  Siya pa rin ang ina ng ipinako sa krus kung paanong siya na ang ina ng isinilang sa sabsaban.  Hindi lamang puro pribilehiyo ang pagiging-ina ni Jesus.  Batbat din po iyon ng pagsasakripisyo ng sarili.  Bago pa namatay sa krus ang kanyang Banal na Sanggol, maraming beses nang namatay si Maria sa kanyang sarili.  Ang mga kabanatang sumusunod sa kabanata ng Pasko ay nagpapatunay nito.  Ang pagsuko ni Maria ng kanyang kalooban sa Diyos ay hindi lamang pam-Pasko.  Ang oo niya sa Diyos ay isang panghabambuhay na pag-oo.  At hindi iyon madali, alam po natin.  Ang oo ni Maria ay bunga ng kanyang di-mapapantayang pag-ibig sa Diyos, suportado ng kanyang matibay na pananalig sa Diyos, at binubuhay ng kanyang malalim na pag-asa sa katapatan ng Diyos.  Ang mga katangiang ito ng pag-oo ni Maria sa Diyos ay umaalingawngaw sa kanyang Magnificat.
Katulad po ni Maria, ang pag-oo natin sa Diyos ay laging pagtataya.  Nakakalungkot na makitang napakahaba ng pila ng mga tataya sa lotto, pero napaka-igsi ng pila sa Komunyon para tanggapin ang “ginto” ng bawat Misa.  Nakababagabag na marami ang isinasanla pati na kaluluwa nila – batid man nila ito o hindi – pero iilan lang ang nagtataya ng sarili para sa mga gawain ng Diyos.  At kung nagtataya man para sa Diyos, gaano ang kanilang itinataya?
Malaon pa, tulad ng aurea o “ginto”, ang buhay natin ay kailangang dumaan sa maraming pagsubok kung paanong ang tunay na ginto ay nililinis, pinakikintab, at pinapanday sa apoy.  Mahalaga ang mga pagsubok na pinagdaraanan natin sa buhay para kumintab at mabigyang-anyo ito gaya ng ginagawa sa ginto.  Kaya naman po, hindi pagtakas ang tamang tugon sa mga pagsubok sa buhay kundi pananalig sa Diyos na pumapanday sa ating buhay at tapang ng loob sa pagtataya para sa Kanya.
Ako ay naniniwalang kaya naibigay ni Maria sa Diyos ang kanyang matamis na oo nang batiin siya ng anghel ay dahil araw-araw nang umu-oo si Maria sa Kanya.  Bago pa ang big break ni Maria na ikinukuwento sa atin ng Ebanghelyo ngayon, lagi nang umu-oo si Maria kahit mga small break mula sa Diyos.  Sa madaling-sabi, likas na kay Maria ang pagtalima sa kalooban ng Diyos dahil palagi niya itong pinagsisikapang tupdin.  Gayundin naman ang dapat nating gawin: hasain at nasayin ang ating sarili na tumalima sa Diyos hindi lamang sa malalaking hinihingi Niya sa atin kundi pati sa maliliit din.  Hindi tayo makasasagot ng oo sa Diyos para sa malalaking hamon Niya sa atin kung sa maliliit ay hindi naman tayo sanay umu-oo sa Kanya.  Matuto sana tayong laging magtaya sa ngalan ng Diyos – sa malalaki at maliliit mang hamon sa atin.  Kaya nga po ‘pananampalataya’ e kasi “pala taya” sa Diyos.
Missa Aurea ang tawag sa Misang ito dahil sa tuwing ikalimang gising natin para sa Misa de Gallo ipinahahayag muli sa atin ang pagkakatawang-tao ni Kristo.  Sana nga po, gising na gising tayo para matanggap natin ang ipinahahayag nito.  At kapag, sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, tayo naman ang nagpapahayag ng pagkakatawang-taong ito ni Jesus para maranasan ng iba ang mapagmahal na pagdamay ng Diyos sa kanila, masasabi nating ang ating buhay ay nagiging vita aurea o “ginintuang buhay”.  Hindi peke ang gintong iyan, hindi mananakaw, at hindi rin kukupas.  Pero mag-ingat, ang disin-sana’y ginintuang pamumuhay ay puwede pa rin po kasing isanla hindi lamang sa tao kundi sa diyablo mismo.  Huwag naman po sana.  Sa tulong ni Mariang Birhen at Ina, ang babaeng dumurog sa ulo ng ulupong, manatili nawang ginintuan ang ating buhay hindi lamang ngayong Pasko kundi sa lahat ng panahon.
Ang Misang ito po ang Missa Aurea (“Ginintuang Misa”).  Si Maria naman ang Domus Aurea (“House of Gold”).  Tayo naman sana ang vita aurea (“ginintuang buhay”).


No comments:

Post a Comment