Pages

21 December 2011

KALUWALHATIANG DUMARATING

Misa de Gallo: Ikapitong Araw
Sam 1:24-28/Lk 1:46-56

          Kumusta na po kayo?  Gising pa ba kayo?  Pampito na po natin ito.  Kaya, ilang gising na lang po?  Tatlo!  Kung hanggang ngayon ay kung ilang tulog na lang ang binibilang ninyo, malamang tulog pa kayo.  Bilangin kung ilang gising na lang, hindi ilang tulog, dahil kung ilang gising na lang ang pagtutuunan natin ng pansin, pananabikan natin ang paggising, at kung ilang tulog na lang ang inyong hihintayin, malamang pagtulog ang inyong mamadaliin.  Kaya po, ilang tulog na lang po?  Apat pa.  Pero, ilang gising pa?  Tatlo.  Mas mabilis din kapag ilang gising ang binibilang, hindi po ba?  Bakit po?  Kasi gising na kayo.
          Gising nga ba kayo?  Ang taong gising, nakikinig.  Nakikinig po ba kayo?  Kanino?  Nakikinig po ba kayo sa Diyos?  Kung nakikinig po kayo sa Diyos, ano ang sinasabi Niya sa inyo ngayon?
          May kinalaman po sa pakikinig ang unang pagbasa natin ngayong araw na ito.  Tungkol po kay Samuel ang ating unang pagbasa.  Sa aking pag-aaral ng wikang Hebreo, ang wika ng Lumang Tipan, ang ibig sabihin po ng “shemu-el” ay “dinggin si Elohim” (listen to the Almighty or listen to God).  Bago isinilang po kasi si Samuel, sinasabing nanahimik ang Diyos at tila nagkubli.  Noong mga panahong iyon, bibihira raw ang mga pangitain at ang tinig ng Diyos ay hindi naririnig.  Kaya nga po siguro nang sa kalauna’y tinawag na ng Diyos si Samuel, hindi pamilyar si Samuel sa mga gayong karanasan kasi bata pa siya at wala siyang nababalitaang nakipag-usap ang Diyos kaninuman noong kanyang panahon.  Inakal tuloy ni Samuel ay si Eli, ang pari sa Templo na naging amain niya, ang tumatawag sa kanya.  Hindi pa batid ni Samuel na siya pala ang magiging bagong tagapagsalita ng Diyos, bagong propeta, sa Kanyang bayan.  Magsasalita nang muli ang Diyos kaya ang pangalan ng propeta ay “Dinggin ang Maykapal!”, Shemu-el.
          Sa Banal na Kasulatan, kapag hindi na nagsalita ang Diyos, sinasabing lumilisan ang kaluwalhatian ng Panginoon sa Kanyang bayan (The glory of Lord departs from His people).  Noong panahon bago isinilang si Samuel, ang rurok ng paglisan ng kaluwalhatian ng Panginoon sa Kanyang bayan ay naganap nang nakawin ng mga Filisteo ang Kaban ng Tipan.  Hayan, hindi na nga nagsasalita ang Diyos, nawala pa ang pinaka-presensya Niya sa piling ng Kanyang bayan, isang presensyang natatanging itinatanda ng Kaban ng Tipan.  Talaga pong nilisanan na ng kaluwalhatian ng Diyos ang bayang Israel.
          Ngunit isinilang na nga po ang propetang magiging tinig ng Diyos sa Kanyang bayan.  Ang ngala’y nag-uutus, “Shemu-el!” (“Dinggin ang Diyos!”).  Ito rin pong si Samuel ang propetang gagamitin ng Diyos para piliin at pahiran ng langis ang kauna-unahang hari ng Israel, si Saul.  At nang mawala kay Saul ang kagandahang-loob ng Diyos dahil sa mga pagtataksil ni Saul, si Samuel din po ang pumili at nagpahid ng langis sa pinakadakilang hari ng Israel, si David, na siya namang naging kalolololohan ni Jesus.  Noong paghahari ni David, naibalik ang Kaban ng Tipan sa Jerusalem.  Kung kaya’t sa pagsilang ni Samuel, nagsisimula na ngang magbalik ang kaluwalhatian ng Panginoon sa Israel.
          Masasabi natin na ang kaluwalhatiang ito ang pinagpupugayan ng awit ng Mahal na Birheng Maria sa Ebanghelyo ngayong ika-pitong pagmi-Misa de Gallo natin.  Kinikilala ni Maria ang pagbabalik ng kaluwalhatian ng Panginoon sa Kanyang bayan.  Ipinamamalas ng kaluwalhatiang ito ang sarili sa paglingap ng Diyos sa pagliligtas.  Ipinadadama ng kaluwalhatiang ito ang kanyang presensya sa pamamagitan ng paglingap sa mga abang alipin ng Diyos, katulad ni Maria.  Pinatutunayan ng kaluwalhatiang ito ang kanyang bisa sa pamamagitan ng mga dakilang bagay na ginagawa ng Diyos: ang pagkamahabagin sa mga may takot sa Kanya, ang pagpapangalat sa mga palalo ang isipan, ang pagpapabagsak sa mga hari mula sa kanilang trono, at ang pagtataas sa mga nasa abang kalagayan.  Binubusog din ng kaluwalhatiang ito ang mga nagugutom pero pinalalayas nang wala ni anuman ang mayayaman.  Ang kaluwalhatiang ito ang siya ring walang-hanggang katapatan ng Makapangyarihang Diyos sa Kanyang bayan na lagi Niyang tinutulungan.
          Subalit ang kaluwalhatian ng Panginoon ay hindi na dumarating sa anyo ng Kaban ng Tipan.  Hindi na ito titira sa tolda o sa templong bato.  Ang pagsasapiling ng kaluwalhatian ng Panginoon ay hindi na lamang mararamdaman sa pamamagitan ng Kanyang tinig.  Mararanasan na ito!  Laman sa laman, dugo sa dugo, tao sa tao.  Sapagkat ang kaluwalhatiang dumarating ay si Jesukristo na mismo, ang walang-hanggang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria.
          Nararanasan n’yo po ba ang pananahan ng kaluwalhatian ng Panginoon sa buhay ninyo?  Naranasan na po ba ninyong lisanin kayo ng kaluwalhatiang ito?  Sana ang Paskong ito ay maging karanasan naman ninyo ng pagbabalik ng kaluwalhatian ng Panginoon sa buhay ninyo, sa bahay ninyo, sa baranggay ninyo, sa barkadahan ninyo, sa bayan natin, at sa buong mundo.
          Ang Pasko ay hindi lamang pagbabalik ng kaluwalhatian ng Panginoon.  Ito na nga ang pananahan ng kaluwalhatian ng Panginoon, at hindi na ito muling lilisan pa sa ating piling.  Sa kanyang kahuli-hulihang Liham Apostolika na pinamagatang, ”Mane Nobiscum Domine“, sinabi ni Beato Juan Pablo II: “Christmas is Jesus coming to us; the Eucharist is Jesus staying with us.”  Nang isinilang si Jesus sa sabsaban sa Belen noong unang Pasko, naging panghabangpanahon na ang pagsasapiling ng kaluwalhatian ng Panginoon sa atin.  Ang Eukaristiya, sa siyang tunay na Katawan at Dugo ni Jesus, ang pinakaprebiliheyong pagsasapiling ng kaluwalhatiang ito sa atin.
          Inawit ng Mahal na Ina ang kanyang papuri at kagalakan sa kaluwalhatian ng Panginoon na, sa katunayan, ay nasa sinapupunan na niya.  Dala-dala niya ang kaluwalhatiang ito saan man siya magpunta – sa Ebanghelyo ngayon, kay Elizabeth, Zechariah, at kanilang anak na si Juan Bautista.  Tayo po, anong kaluwalhatian ang dala-dala natin sa ating kapwa?  Kaluwalhatian ba talaga o kapighatian?  Nasa sa atin po ba talaga si Jesus para tayo ay makapagpadama sa ating kapwa ng kaluwalhatian ng Diyos, hindi lamang sa pamamagitan ng pag-awit, kundi higit sa lahat sa pamamagitan ng ating aktuwal at makabuluhang paglilingkod.  Tandaan po natin, hindi lang umawit si Maria, tapos nag-bow, tapos bumaba na ng entablado.  Sa pagtatapos ng ating Ebanghelyo, sabi ni San Lukas, “Nanatili si Maria kina Elizabeth nang may tatlong buwan….”  Bakit po siya nanatili kina Elizabeth nang tatlong buwan?  Para marami pang makanta?  Hindi po.  Para damayan si Elizabeth sa kanyang panganganak sa kanyang katandaan at gayundin si Zechariah sa kanyang pagiging ama sa kanyang katandaan din. 
Ang greatest performance ni Maria ay hindi ang pag-awit niya ng Magnificat.  Sa katunayan, malamang pa nga po ay hindi naman talaga ito inawit ni Maria.  Ayon sa mga dalubhasa ng Banal na Kasulatan, ang Magnificat ay isang matandang awit sa kasaysayan ng mga Judyo at inilagay ito ni San Lukas sa mga labi ng Mahal na Birheng Maria dahil nababagay ito talaga sa kanya.  Bakit po?  Dahil laging pinagsisikapan ni Maria na palitawin ang kaluwalhatian ng Panginoon sa mga taong nakasasalamuha niya.  Tayo po, kaninong kaluwalhatian ang gustung-gusto nating lumitaw?  Bagay kaya sa ating ang Magnificat?
Ang greatest performance ni Maria ay ang kanyang abang kagalakan sa katapatan ng Diyos, matibay na di paglimot sa mga ginawa ng Diyos, buhay na pananalig sa pag-ibig ng Diyos, at tunay na pagpapadama sa kapwa ng kaluwalhatian ng Diyos.  Ang lahat ng ito ay hindi sana naging ugali ni Maria kung siya mismo ay hindi nag-“shemu-el” (“hindi nakinig sa Diyos”).
Dahil si Jesus ay naging tao, nasa tao ang kaluwalhatian ng Diyos.  Wala sa Templo.

No comments:

Post a Comment