MISA DE GALLO: IKALAWANG ARAW
Gen 49:2, 8-10/Mt 1:1-17
Kahapon po, nagsimula tayong magbilang kung ilang gising na lang bago ang araw ng Pasko. Nakakadalawang gising na po tayo. Ang tanong nga lang po ay kung gising pa tayo. Gising pa ba kayo? Paano po kasi, hindi n’yo ba naramdaman na parang ipinaghele kayo ng Ebanghelyo ngayong araw na ito? Parang lullaby ang pagbasa sa tala-angakan ng Panginoong Jesus, at ang pinaka-refrain ay “ang ama ni…ang ama ni…ang ama ni….”
Malamang po inaasahan n’yong tungkol sa mga pangalan ang homiliya ko ngayong araw na ito. Malamang inaakala ninyong ang mga pangalan ng mga amang binabanggit sa tala-angkan ni Jesus ang pag-uusapan natin ngayon. Akala n’yo lang po iyon. Di kaya! Malamang din naman po kasi, sa taun-taon ba namang binabasa ang Ebanghelyong ito, pamilyar na pamilyar na kayo sa mga pangalang binanggit.
Ang mga babae naman po ang gusto ko sanang pag-usapan natin ngayon. Baka magising ang mga tulog kapag babae ang pinag-uusapan natin.
Ang unang babaeng nakatawag sa aking pansin ay mula sa unang pagbasa na hango sa aklat ng Genesis. Hindi po binabanggit ang pangalan niya pero tinutukoy siya. Sinabi ni Jacob sa anak niyang si Judah, “Ikaw, Judah, ay papupurihan niyong mga anak ng ina mong mahal….” Sino po ang ina ni Judah? Si Leah. Si Leah ang unang asawa ni Jacob. Pang-apat sa anim na isinilang ni Leah para kay Jacob itong si Judah. Unang asawa nga pero hindi naman talaga si Leah ang gustong pakasalan ni Jacob. Kay Rachel talagang in-loved na in-loved itong si Jacob. Si Rachel at Leah ay mga anak na babae ni Laban. Pinanilbihan ni Laban si Jacob sa kanyang sambahayan sa loob ng pitong taon, kapalit ng kamay ni Rachel. Pero nang matapos ikasal at magsisiping na sila, laking gulat ni Jacob nang itaas niya ang belong nakatakip sa mukha ng kanyang pinakasalan: si Leah pala! Nilinlang siya ni Laban. At siyempre po, kasabwat si Leah. Ang alibi ni Laban: si Leah kasi ang panganay at dapat maunang ikasal ang panganay. Kung gusto raw ni Jacob na mapakasalan si Rachel, sabi ni Laban, dapat daw pong manilbihan siyang muli nang pitong taon. Ang pag-ibig nga naman kapag pumasok sa puso ninuman: pinagsilbihan nga ni Jacob si Laban nang pitong taon ulit bago nito napangasawa si Rachel. Malinaw ang panlilinlang ni Laban kay Jacob, at siyempre kasabwat nito si Leah.
Anak ng panlilinlang, si Judah ay nalinlang din naman ng isang babaeng dalawang beses niyang naging manugang. Ang pangalan ng babaeng ito ay Tamar. Unang naging manugang ni Judah si Tamar nang mapangasawa ni Tamar ang panganay ni Judah na si Er. Subalit, dahil daw naging napakasama nitong si Er, maaga raw siyang binawian ng Diyos ng buhay. Kaya’t, alinsunod sa kanilang tradisyon, napilitang pakasal si Onan, ang nakababatang kapatid ni Er, kay Tamar. Hindi rin daw mabuti ang gawa nitong si Onan: itinatapon niya raw sa sahig ang kanyang punla kapag nagtatalik sila ni Tamar dahil batid niyang hindi naman niya maaaring ariing kanya ang magiging anak nila. Ikinagalit daw ito ng Diyos; kaya’t, katulad ng nangyari kay Er, namatay din agad si Onan. Naiwang walang anak si Tamar. Ngunit bagamat may natitira pang bunsong anak si Judah, na Shelah ang ngalan, sinabi ni Judah kay Tamar, “Naku, Tamar, ang batambata pa nitong si Shelah. Hintayin muna natin siyang magka-edad pa.” Pero, sa tutoo lang po, talaga walang balak si Judah na ipakasal kay Tamar itong si Shelah dahil, sa tingin niya, si Tamar ay isang babaeng isinumpa. Subalit nakutuban ito ni Tamar na gustung-gustong magka-anak sa lahi ni Judah, kung kaya’t nang minsang malasing ang balong si Judah, nag-anyong prostitute si Tamar at sumiping sa kanyang biyenan. Nang magbuntis si Tamar, inakala ng lahat, pati na ni Judah na wala pa ring kamalay-malay na may namagitan sa kanila ni Tamar, na ipinangalakal ni Tamar ang kanyang pagkababae. Ngunit nang mapatunayan ni Tamar na ang kanyang biyenan ngang si Judah ang may gawa ng kanyang pagbubuntis, siya ay pinawalang-sala at nagsilang siya ng kambal – si Zerah at si Pharez na siyang kalolololohan ni Haring David.
Si Rahab naman po ang tingnan natin. Kung si Tamar ay nagkunwaring prostitute, tutoo naman pong prostitute itong si Rahab na taga-Jericho. Nang nagpadala si Joshua ng mga espiya bago lusubin ang Jericho, si Rahab ang nagpatuloy sa kanila sa kanyang bahay kapalit ng katiyakang ililigtas nila siya at ang kanyang pamilya. At gayon nga po ang nangyari kaya’t matapos ang pagsakop sa Jericho, napangasawa naman ni Rahab si Salmon. Naging anak nila si Boaz na lolo-sa-tuhod ni Haring David, kaya’t ang lola-sa-talampakan ni Haring David ay isang prostitute: si Rahab.
Si Ruth naman po ang lola-sa-tuhod ni Haring David. Isa siyang Moabita, lahing pagano. Nang siya ay ma-biyuda, tumanggi siyang iwan ang kanyang biyenang babae na si Naomi. Mahal na mahal ni Ruth ang kanyang biyenang babae na parang tunay niya itong ina: bagama’t hindi Judyo, niyakap ni Ruth ang lahi at relihiyon ng kanyang biyenan. Nang magtaggutom, inutusan ni Naomi si Ruth na mamulot ng mga aning sadyang iniiwan sa gilid-gilid ng mga bukid para sa mga dukha. Doon siya pinapunta ni Noami sa bukid ng mayamang pinsan nitong si Boaz. Nang ma-spot-an siya ni Boaz, na love-at-first-sight agad ang binata sa kanya. Sinabi ni Boaz kay Ruth na hindi lang siya maganda kundi alam din ng lahat ang kabutihan nito sa kanyang biyenang babae. Nagmahalan sina Boaz at Ruth at si Obed ang naging anak nila. Itong si Obed na ang mismong lolo ni Haring David na kanunununuan ni Jesus. May bahid din pala ng dugong pagano ang lahi ni Jesus.
At ang babaeng si Bathsheba, kilala ninyo siya, hindi po ba? Siya ang asawa ni Uriah, isang mandirigma ni Haring David na ang katapatan sa kanya ay talaga namang hindi mapapantayan. Siguro po saksakan ng ganda itong si Bathsheba at nang minsang tanghaling tapat ay nakita ni David na naliligo siya, agad na naakit si David sa kanyang alindog. Hindi mapakali si David hangga’t hindi niya naangkin ang asawa ni Uriah. Kaya’t sinipingan David si Bathsheba (at nagpasiping naman ang magaling na babae!). At samantalang naganap sa palasyo ang pakikiapid ni Bathsheba sa hari, may basbas naman ng hari ang pagpaslang kay Uriah. Sa napakatusong paraan, naipaligpit ni David si Uriah bago ito makahalatang nagbubuntis ang asawa niyang si Bathsheba gayong hindi naman niya ito sinisipingan dahil kasalukuyang nasa digmaan siya. Alam ng lahat na si Haring David nga ang ama ni Haring Solomon, pero alam ba ng lahat na anak siya ni Bathsheba sa pakikiapid kay David? Ang haring tanyag sa kanyang karunungan at mismong nagpatayo ng Templo ng Diyos sa Jerusalem ay isinilang sa pakikiapid at sapilitang pinagbuwisan ng buhay ng tunay na asawa ng kanyang inang si Bathsheba.
Gusto n’yo pa? Mga babae palang ‘yan. Paano na po kung iisa-isahin din natin ang mga lalaki sa tala-angkan ni Jesus? Sadyang napakalaki ng angkan ni Jesus at napakamakulay din po. Sa Kanyang tala-angkan, nagtatalaban ang karupukan ng tao at katatagan ng Diyos, ang kahinaan ng mga nilikha at kapangyarihan ng Manlilikha, ang pagtataksil ng minamahal at katapatan ng Nagmamahal, ang kasalanan at awa. At sa pagtatalabang ito, iisa ang laging namamayani: ang grasya pa rin ng Diyos.
Tanggap na tanggap tayo ng Diyos. Hindi Niya tayo pinandidirihan; niyakap pa nga Niya tayo. Hinagkan tayo ng Diyos sa kung saan tadtad tayo ng sugat. Sa halip na pandiriha’t layuan, nakibahagi pa nga Siya sa ating pagkatao upang makabahagi tayo sa Kanyang pagka-Diyos.
Ang Pasko ay ang pagtanggap ng Diyos sa atin, bago pa ito pagtanggap natin sa Diyos. Kaya nga’t ang isa sa dapat na ibunga sa atin n gating paniniwala at pagdiriwang ng Pasko ay ang pagtanggap din natin sa ating sarili nang buong-buo upang mapatawad natin ang ating sarili na sadyang marupok at makasalanan, nang sa gayon ay makapagsimula tayong muli sa pagbibigay ng ating kani-kaniyang natatanging ambag sa ikapagpapatuloy ng kuwento ng tala-angkan ni Kristo Jesus, sapagkat bahagi na tayo ng tala-angkang ito. Ang kabilang pisngi naman ng bungang ito ay ang tanggapin, patawarin, at tulungan din nating makapagsimulang muli ang ating kapwa.
Sa katapusan ng Ebanghelyo, may binanggit pang isang babae: si Maria. Sa buong tala-angkan ni Jesus, siya ang katangi-tangi’t ulirang babae. Sa kanya natagpuan ng Diyos ang hindi Niya natagpuan sa mga naunang babae. Kaya naiiba ang pagkakaayos ng pagbanggit sa kanya sa tala-angkang ito. Kung ang pagbanggit sa mga naunang babae ay parang sabit lang, ang kay Maria naman ay kitang-kitang sinadya. Pagdating sa kanya, napalitan ang “ang ama ni…ang ama ni…ang ama ni...” ng “ang ina ni...(Jesus ang Kristo).” Hindi na ang mga lalaki ang batayan ng tala-angkan ni Jesus kundi ang babaeng sa hardin palang ng Eden ay binabanggit na ng Diyos. Napakalinaw, may ginagawang kakaibang kagandahan ang Diyos, at ginagawa Niya ito sa kabila – at maging sa gitna pa – ng mga kapangitang tila ginawang pangkaraniwan na ng tao sa mundo. Sa kamay ng Diyos, ang pangit ay gumaganda, ang madilim ay lumiliwanag, at ang makasalanan ay bumabanal.
Si Maria ngang ipinaglihing walang-sala ang tota pulchra, ang pinakamaganda, ang puspos ng kagandahan. Pero kakaiba ang pagbanggit sa kanya sa tala-angkan ni Jesus hindi upang siya ang itanghal kundi para itanghal ang Anak niyang si Jesus. Tulungan nawa tayo ng Mahal na Inang Maria na laging itanghal si Jesus at hindi ang ating sarili. Maging sa kabila ng ating mga kahinaan at mga kasalanan, maitanghal pa rin nawa si Jesus, tanging si Jesus, laging si Jesus, at matupad ang panukala ng Diyos.
No comments:
Post a Comment