Pages

24 July 2011

TUNAY NA SUMUNOD SA MGA YAPAK NI KRISTO


Richard Michael "Ritchie" Fernando, S.J.
(1970-1996)

Ikalabimpitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 13:44-52

            Ipikit n’yo po ang inyong mga mata at damhin ang bawat kataga ng awiting ito:

Kung di malimot ng tadhana
Bigyang-tuldok ang ating ligaya
Walang-hanggan ay hahamakin
Pagka’t walang katapusan kitang iibigin

Kahit na ilang tinik ay kaya kong tapakan
Kung ‘yan ang paraan upang landas mo’y masundan
Kahit ilang ulit ako’y iyong saktan
Hindi kita maaaring iwanan
Kahit ilang awit ay aking aawitin
Hanggang ang himig ko’y maging himig mo na rin
Kahit ilang dagat ang dapat tawirin
Higit pa riyan ang aking gagawin

Di lamang pag-ibig ko
Di lamang ang buhay ko’y ibibigay
Sa ngalan ng pag-ibig mo
Higit pa riyan, aking mahal, ang alay ko.
           
          Nitong mga nagdaarang araw, kasama ng isang batch ng mga pari ng Maynila, ako po ay nag-retreat sa Sacred Heart Novitiate, sa Novaliches, Quezon City.  May tatlong mapagpipilian kaming mga pari ng Maynila para sa aming annual clergy retreat, at taun-taon itong “One-On-One Directed Ignatian Retreat” po ang aking sinasalihan.  Napakamabiyaya lagi ng retreat na ito para sa akin, at ngayong taong ito ay ginamit ng Panginoon ang aking alaala para makipagkaniig sa akin.  Sa pamamagitan ng aking alaala ng mga pangyayari sa aking buhay, ipinakita sa akin ng Panginoon nang buong linaw ang iisang sinulid, ika nga, na nagtatatahi ng lahat sa aking buhay, mula pagkabata hanggang sa kasalukuyan kong edad.  Ang tila sinulid na ito na nagtatahi at nagbibigay kaisahan sa bawat at iba’t ibang bahagi ng kasaysayan ng aking buhay ay walang iba kundi Siya po mismo – si Jesus.  Si Jesus ang dahilan ng lahat ng mga nangyari sa aking pagiging tao at pagpapakatao.  Kaya ganito ang aking pag-uugali, ang aking pagtingin sa mga bagay-bagay, ang aking pagpapasiya – sa madaling sabi, kaya ako ay ako ay dahil kay Jesus.  Lubhang napakahalaga Niya sa aking pagiging ako anupa’t ang mawala Siya ay ang mawala na rin ako na parang bula.  Maglalaho ako sa pag-iral at mabubura ang kasaysayan ko sa balat ng lupa kapag tinanggal si Jesus sa aking kahapon, ngayon, at bukas.  Hindi maaaring isalaysay ang aking kuwento o awitin ang awit ng buhay ko nang hindi binabanggit si Jesus sa bawat pahina, sa bawat kumpas.  Tunay ngang si Jesus ang aking tanging yaman, at wala nang iba pa.  Naipagpalit ko pala ang lahat para sa Kanya.  (Madalas, sa gitna ng maraming kaabalahan, iba’t ibang alalahanin, at sari-saring karanasan ng tagumpay at kabiguan, kailangan ding ipaalala sa isang pari ang pasiyang una na niyang ginagawa nang yakapin niya ang kanyang bokasyon.)  At sa awa ng Diyos, ang biyaya ng nakaraan kong retreat ay ang patuloy na maligayang ipagpalit ang lahat-lahat sa buhay ko para kay Jesus.  Katulad ng mga talinhaga ng Kayamanang Nakabaon at ng Mamahaling Perlas, binitiwan ko ang lahat makamtan lamang si Jesus at dapat akong manatiling nakabitiw sa lahat para masundan ko si Jesus…kahit ilang tinik ay kakayanin kong tapakan kung iyon ang paraan upang landas Niya’y masundan.
          Subalit ipinakita rin sa akin ng Panginoon ang aking mga kahinaan at mga pagkukulang.  May mga pagkakataong natukso akong ipagpalit Siya sa ibang kinang.  May mga sandaling, isina-isantabi ko nga ang lahat alang-alang sa Kanya ngunit salat naman sa ligaya ang aking pagpapasiya.  May mga pangyayaring nakakapit nga ako sa Kanya pero tangan-tangan ko pa rin sa kabilang kamay ang ibang mga kaagaw Niya sa aking buhay.  Ang pag-ibig ko para kay Jesus ay hindi ganap, kundi pinagaganap na pag-ibig.  I do not boast of a perfect love for Jesus; rather, I rejoice and give thanks for a love still being perfected in Him.  Kaya nga’t ang ikatlong talinhaga sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito ay tila nangyayari rin naman sa mismo at iisang buhay ko.  Ang aking buhay ay para ring isang dagat kung saan ay inihahagis ang malaking lambat na nakatitipon ng samu’t saring mga isda.  Ang mga isdang yaon ay kumakatawan sa iba’t ibang mga katangian, mga pananaw, mga kaabalahan, at mga kapasiyahan ko.  Paulit-ulit, nauupo ako sa pampang ng buhay at, gaya ng sa Ebanghelyo, dapat kong kilatisin isa-isa ang “mga isda” ng aking buhay upang mapakinabangan ang mabubuti at ang masasama naman ay iwaksi.  Ang paulit-ulit na gawaing ito, na napakalahaga at hindi maaaring ipinagpapaliban, ay nagaganap sa araw-araw at tahimik na pananalangin at pagninilay, kabilang na roon ang pagre-retreat.
          Ang Sacred Heart Novitiate, kung saan kami nag-retreat, ay ang nobisyado ng Kapisanan ni Jesus o Society of Jesus.  Doon din matatagpuan ang libingan ng mga Jesuitang pari, brother, at scholastic.  Sa katunayan, isa nga po iyon sa dahilan kaya taun-taon ay minamarapat kong doon mag-retreat.  Pagkakataon ko na rin po kasi iyon para bisitahin ang mga labi ng mga dati kong propesor sa Ateneo at ng mga dati kong tagapaghubog o formator sa San Jose Seminary.  At ngayong taong ito, may napansin po ako: halos silang lahat ay naroroon na po pala!  Marami na sa aking mga guro at mga tagapaghubog na Jesuita ay sumakabilang-buhay na.  Pero kapag nagre-retreat ako at sa may puntod nila ako nagdarasal at nagniilay, tila nariring ko pa ang kanilang mga tinig na laging may hatid na aral sa akin.  Kahit sa kabilang-buhay, ikinukuwento nila sa akin kung ano ang kanilang ipinagpalit para mabili ang bukid na may nakabaong kayamanan, kung paano sila nagsikap matagpuan ang mamahaling perlas, at ang kanilang paulit-ulit at wagas na pangingilatis sa “mga isda” ng kanilang sariling buhay.  Talaga po palang wala silang ibang sekreto: only Jesus, always Jesus.
          Isa sa mga labing nakalibing doon sa Sacred Heart Novitiate na taun-taon kong binibisita ay hindi ko dating propesor o dating tagapaghubog.  Siya si Richard Michael o “Ritchie” Fernando.  Bagamat hindi ko kaklase, si Ritchie ay ka-eskuwela ko sa Ateneo.  Isa siyang Jesuit scholastic o seminaristang Jesuita.  Noong edad 24 o 25, bilang bahagi ng kanyang paghuhubog, isinugo si Ritchie bilang misyonero sa Cambodia.  Naglingkod siya roon sa isang paaralan ng mga may kapansanan (maraming may mga kapansanan sa Cambodia sanhi ng landmines).  Isang taon at limang buwan pa lamang si Ritchie sa Cambodia nang siya ay mamatay bilang martir.  Noong ika-17 ng Oktubre, taong 1996, samantalang abala siyang nagtuturo sa mga kabataang kapus-palad, isang kabataang wala sa katinuan ang dumating na may tangan-tangang granada.  Pinilit itong agawin ni Ritchie sa kanya ngunit nahulog ito sa sahig.  Nang magkagayon, hindi nagdalawang-isip si Ritchie, dumapa siya sa granada.  Sumabog ang granada, sumabog ang katawan ni Ritchie; at kapalit ng kaniyang sariling buhay, marami ang naligtas sa tiyak na kamatayan.  Sa murang edad na 26 años lamang, si Ritchie ay namatay bilang makabaong martir ng pag-ibig para sa kapwa.  Sa kasalukuyan, may kilusang nagsusulong para si Ritchie, gaya ni San Lorenzo Ruiz at Beato Pedro Calungsod, ay opisyal ding itanghal din ng Santa Iglesiya bilang martir na banal.  Nang ayusin ang kanyang mga gamit para ipadala pabalik sa Maynila, natagpuan ang kanyang diary, at isa sa magagandang isinulat ni Ritchie roon ay ito: “Sana kung ako ay mamatay, maalala ng mga tao na ako ay tunay na sumunod sa mga yapak ni Kristo.”

No comments:

Post a Comment