Pages

13 June 2014

ANG DIYOS: SIMPLE PERO D' BEST!

Dakilang Kapistahan ng Banal na Isantatlo
Jn 3:16-18 (Ex 34:4-6, 8-9 / Dn 3 / 2 Cor 13:11-13)


Pista po ng Diyos ngayon.  Purihin natin ang Panginoon!

Kung ang mga santo ay may pista; siyempre naman po meron din ang Diyos.  Kung ang mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng ating kaligtasan ay may pista; siyempre may pista rin po ang mismong kahiwagaan ng Diyos.  Ngayon nga po ang pista ng mga pista!  Ngayon ang dakilang kapistahan ng Diyos mismo!  Ipinagdiriwang po natin ang kahiwagaan ng pagka-Siya ng Diyos: iisa ngunit tatlo sa pagka-Persona.

Kaya, look up po tayo sa Diyos at sabihin natin: “God, hindi po kami sad.  Lahat po kami happy!”  Bakit po tayo happy?  Happy po tayo kasi ang Diyos ay Diyos nga.  Sabihin po natin sa Diyos nang malakas: “D’best ka, Lord!  Ikaw na po!”  Pasalamatan po natin ang Diyos sa isang masigabong palakpakan!

Talaga naman pong d’ best si Lord, hindi ba?  D’ best Siya sa kapangyarihan.  D’ best Siya sa karunungan.  D’ best Siya sa kagandahan.  D’ best Siya sa kabaitan.  D’ best Siya sa kabanalan.  D’ best Siya sa lahat ng mabubuting bagay.  Pero ngayong araw na ito, isa pong d’ best na katangian ng Diyos ang itinatanghal sa atin ng mga pagbasa: d’ best Siyang magmahal!

D’ best pong magmahal ang Diyos kasi hindi Siya nagkubli sa atin!  Hindi Niya po tayo pinagtaguan.  Hindi po Niya ipinagkait sa atin ang biyayang makilala natin Siya.  At nagpakilala po Siya ng Kanyang sarili sa atin hindi dahil kailangan Niya tayo kundi kailangan natin Siya.  Wala po tayong maidaragdag sa pagka-Diyos ng Diyos, bagkus nalulubos ang ating pagkatao sa pagkakakilala natin sa Kanya.  Nang magpakilala ang Diyos sa atin, tayo po ang nakinabang, hindi Siya.

Sa Banal na Kasulatan, nagpakilala po ang Diyos bilang iisa ngunit tatlo sa pagkapersona.  Isiniwalat po Niya sa atin na sa Kanyang kaisahan ay may persona ng Ama, Anak, at Espiritu Santo.  Mistula Siyang pamayanang nagkakaisang kumikilos sa pagmamahal, hindi lamang para sa isa’t isa, kundi para sa iba, para sa sankatauhan at buong sanlibutan.  Bagamat mananatiling pong lampas sa ating kakayahang maunawaan ang hiwaga ng pagka-Isantatlo  ng Diyos, lubos tayong nagpapasalamat sa Kanya sapagkat kung hindi Siya nagpakilala sa atin ay ni hindi natin malalaman na may Diyos pala.

D’ best pong magmahal ang Diyos dahil hindi lamang Siya nagpakilala sa atin; nakipag-usap pa Siya sa atin!  Puwede naman pong nagpakilala na lang Siya sa atin sa pamamagitan ng mga tanda, pero minarapat pa po ng Diyos na makipag-usap sa atin.

Napakaganda po ng larawang ipinipinta sa atin ng unang pagbasa ngayong araw na ito: nag-uusap ang Diyos at, sa pamamagitan ni Moises, ang Kanyang Bayan.  “Akong Panginoon ay mapagmahal at maawain,” wika Niya.  “Hindi Ako madaling magalit; patuloy Kong ipinadarama ang Aking pag-ibig at Ako’y nananatiling tapat.”  Hinayaan din po ng Diyos na magsalita sa Kanya si Moises at ipahayag ang hiling ng Kanyang Bayan.  “Kung talagang kinalulugdan Ninyo ako,” wika ni Moises, “isinasamo kong samahan Ninyo kami kahit na matigas ang ulo ng lahing ito.  Patawarin na Ninyo kami at tanggapin bilang Inyong bayan.”  At makailang beses nga pong pinatawad ng Diyos ang Kanyang Bayan at tinupad Niya ang Kanyang pangako sa kanila.

Napakalaki na pong biyaya ang nagpakilala ang Diyos sa tao, anupa’t nakipag-usap pa Siya!  Napakalaking biyaya na po ang nakipag-usap ang Diyos sa tao, higit pang malaking biyaya ang tapat Siya sa salitang Kanyang binibitiwan.

D’ best po talagang magmahal ang Diyos.  Hindi lang po Siya nagpakilala sa atin.  Hindi lang po Niya tayo kinausap at pinakinggan.  Niregaluhan pa Niya tayo!.  At hindi po biro ang iniregalo Niya sa atin sapagkat ang Kanyang kaloob sa atin ay walang-iba kundi ang Kanyang kaisa-isang bugtong na Anak na si Jesus.  Wari baga’y binitiwan Niya ang kapit Niya sa sariling Anak at itinaya po Niya Siya para sa ating kaligtasan.  “Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan,” pahayag ni San Juan sa Ebanghelyo, “kaya ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.  Sapagkat sinugo ng Diyos ang Kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan Niya.”  Kayo po, anong taya ninyo para sa Diyos?

D’ best po talagang magmahal ang Diyos.  Nagpakilala po Siya sa atin.  Kinausap at pinakinggan po Niya tayo.  At ipinagkaloob po Niya sa atin si Jesus.  Sa ganito pong paraan, binahaginan Niya tayo ng sarili Niyang buhay: ang buhay na walang-hanggan.

Ano pa pong hahanapin natin sa Diyos?  Hindi lang sapat, nag-uumapaw pa po ang pagmamahal ng Diyos sa atin.  Minsan pa, sabihin po natin sa Kanya: “Ikaw na nga!  D’ best ka, Lord!”

Kaya naman po, pasalamatan natin ang Diyos.  Paano po?

Una, suklian po natin ang pagmamahal Niya sa atin.  Sana, d’ best din tayo pagdating sa Diyos.  Huwag po nating pairalin ang kaisipang “Puwede Na ‘Yan” pagdating sa Diyos.  Sabi nga po ni San Ignacio ng Loyola, “Ad majorem Dei gloriam”  Sa lahat po ng ating iisipin, sasabihin, at gagawin – ang buong-buhay natin samakatuwid – lagi po nating gawin layunin ang “for the greater glory of God”.  Kung kaya nating magsikap na d’ best sa marami at iba’t ibang bagay, bakit hindi po natin laging pagsikapang maging d’ best ding para kay Lord?  Suklian po natin ang pag-ibig ng Diyos sa atin.  At dapat, laging d’ best din!  D’ best po ba kayo pagdating sa Diyos?  D’ best po ba kayong magdasal?  D’ best po ba kayong magsakripisyo?  D’ best po ba kayong mamuhay bilang anak ng Diyos?  D’ best po ba kayong Kristiyano?  D’ best po ba kayong Katoliko?  D’ best po ba kayong parishioner ng parokyang ito?

Ikalawa, tularan po natin ang pag-ibig Diyos sa atin.  Kung paanong iniibig tayo ng Diyos gayundin naman ay ibigin po natin ang ating kapwa.  Kung isang paligsahan ang pagiging d’ best, dapat, ayon kay San Pablo sa Rom 12:10, mag-unahan daw po tayo at magpagalingan sa pagmamahal sa isa’t isa.  (Baling po sa katabi, ngitian, at sabihin sa kanya: “Ikaw na nga!  D’ best ka!  Mahal kita!”)  Ang pinaka-d’ best po sa atin ay hindi ang pinakamatagal lumuhod sa harap ng Santissimo Sakramento o ang pinakamahabang magdasal o ang pinakamalaking mag-abuloy.  Ang pinaka-d’ best po sa atin ay ang pinakamapagmahal.  At ang pinakamapagmahal po sa atin ang siyang tunay na pinakabanal, sapagkat ang kabanalan ay ang kaganapan ng pag-ibig.  Kaya, anuman pong mabuting gawa na ginagawa natin gawin po natin ito ng may pinaka-d’ best na pag-ibig. Himok nga po ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa natin ngayon, “Mga kapatid, sikapin ninyong maging ganap at sundin ninyo ang mga payo ko; magkaisa kayo, at mamuhay nang payapa.  Sa gayun, sasainyo ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan.  Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Kristo.”

Taun-taon ipinagdiriwang po natin ang Dakilang Kapistahan ng Banal na Isantatlo, at kadalasan din po ay napapako na lang tayo sa pagtatangkang ipaliwanag ang di-lubusang maipaliwanag na hiwagang ito ng Diyos.  Ang problema, sa kapapaliwanag sa banal na hiwagang ito, tila lalo pa po yatang lumalabo ito para sa maraming tao.  Kapag ito po ay magpatuloy, lilipas at lilipas ang taun-taon nating pagdiriwang ng dakilang kapistahang ito nang tila wala man lang itong malalim at pangmatagalang epekto sa buhay natin bilang indibidwal at bilang Bayan ng Diyos.

Sa 1 Jn 4:16 nasusulat, “Ang Diyos ay pag-ibig at ang umiibig ay sumasa-Diyos at ang Diyos ay sumasakanya.”  Simple lang po ang Diyos.  Siya ay pag-ibig.  At d’ best po Siyang magmahal.  (Hindi katulad natin: minsan, sa halip na magsikap na maging d’ best, nagpapakakumplikado po tayo. Iyong iba akala mo kung sinong sophisticated, pero wala naman palang laman ang mga pinagsasasabi.  Pati nga po status sa Facebook, merong ang status ay “It’s complicated.”  Baka ang ibig sabihin po noon, nasa mali silang relasyon, nasa bawal na pag-ibig.  Ipinagsisigawan pa sa buong mundo.)

Simple lang po ang Diyos pero d’ best Siya.  Sana, tayo rin po.


1 comment:

  1. d' best ka Lord 'coz You gave/send Fr. Bobby to Us!!!

    ReplyDelete