Pages

20 March 2011

BAGONG DIREKSYON TUNGO SA PAGBABAGONG ANYO

Ikalawang Linggo ng Kuwaresma
Mt 17:1-9


          Sa lalim ng hiwaga ng buhay ng tao, kapos ang iisang paglalarawan natin dito.  Ngunit gumagamit pa rin tayo ng mga imahe para ipahiwatig ang ating pagkakaunawa sa buhay natin bilang tao.  Kailangan natin ito para makapamuhay tayo nang makabuluhan at naaayon sa orihinal na panukala ng Diyos sa atin.

          Noong unang-una pa, isa na sa mga imaheng ginagamit natin para ilarawan ang buhay ng tao ay ang imahe ng paglalakbay.  Ang buhay ay isang paglalakbay mula sa sinapupunan ng ina patungo sa kandungan ng Diyos.  Napakaganda ng paglalarawang ito dahil ang paglalarawang ito sa buhay ng tao ay akmang-akmang sumasagisag din sa ating pagiging alagad ni Jesus.

          Sa paglalakbay, na isa nga sa mga imahe natin para sa buhay, sangkot na sangkot ang pagdaan ng mga panahon at pagdaan naman natin sa iba’t ibang lugar.  Bagamat iisa ang buod ng mga minimithi ng lahat ng tao, iba’t iba naman ang mga detalye ng paglalakbay ng bawat-isa sa atin.  At wala ring puwedeng gumawa ng paglalakbay natin para sa atin.  Dapat nating gawin ang ating kani-kaniyang paglalakbay.

          Sa halos lahat ng mga paglalakbay na ginagawa natin sa buhay, alam natin ang ating patutunguhan at kung paanong makarating doon.  Kung hindi, bakit pa nga tayo magsisimula man lamang maglakbay?  Pero kapag tayo ay hindi sigurado o kaya ay naligaw sa ating paglalakbay, ang kailangan lamang nating gawin ay tumingin sa mapa.  Pero hindi ganoon ang buhay bilang isang paglalakbay.  Ang buhay bilang isang paglalakbay ay hindi madali.  Bakit?  Sapagkat ang buhay ay hindi lamang paglalakbay.  Ang buhay ay isa ring paghahanap.  Kailangan ng bawat-isa sa atin na matagpuan para sa kanyang sarili ang landas na maghahatid sa kanya sa kanyang hinahanap.  Mula sa ating sariling mga karanasan, batid nating may mga landas na humahantong sa saradong daan o dead end, at maliban na lamang kung talagang gusto nating doon na mamalagi sa saradong daan, dapat tayong magpatuloy sa paglalakbay, sa paghahanap ng landas.  Natututunan nating napakahalaga talagang magpatuloy.  At sa pagpapatuloy natin sa paglalakbay ng buhay, marami sa atin ang kailangang magbago ng direksyon at tahakin ang mga landas na hindi pamilyar.

          Ang karanasan ni Abram sa unang pagbasa ngayong ikalawang Linggo ng Kuwaresma ay halimbawa ng pagbago ng direksyon at pagtahak sa landas na hindi pamilyar.  Tinawag ng Diyos si Abram para iwan ang mundong pamilyar na sa kanya.  Mapagtalima sa Diyos, nilisan ni Abram ang bayang kanyang pinag-ugatan.  Ang tanging pinanghahawakan niyang seguridad ay ang kanyang pananalig sa pangako ng Diyos sa kanya.  Kinailangan niyang magtaya – palibhasa ang pananampalataya ay pagtataya nga – at malaki ang kanyang itinaya.  Naniwala siya sa pangako ng Diyos sa kanya na siya ay magiging ama ng salinlahing sindami ng mga buhangin sa dalampasigan at mga bituin sa langit; subalit, sa edad na pitumpu’t lima ay wala pa siyang kahit isang anak.  Nanalig siya sa pangako ng Diyos sa kanya na mapapasakanya at sa kanyang mga salinlahi ang lupang masagana; pero, pinalilisan nga sa kanya ng Diyos ang lupaing kanya na para maglakbay patungong lupaing ituturo pa lang sa kanya ng Diyos.  Sakaling maligaw siya sa kanyang paglalakbay, ni wala rin siyang mapang puwedeng balik-balikan para siguraduhing makararating siya sa dapat niyang datnan.  Naging lagalag si Abram, subalit umasa siyang lubos sa pananampalatayang balang-araw ay hahantong ang kanyang paglalakbay sa katuparan ng mga ipinangako ng Diyos sa kanya.  Nanalig siyang may silbi ang kanyang pagtitiis at ang kanyang pakikibaka ay nagsusulong sa dakilang panukala ng Diyos.  Alam nating hindi iyon biro.

          Ang ganito ring pananampalataya ang pumukaw sa puso ng isa pang taong nagbago ng kanyang direksyon sa buhay: si Pablo na dating Saul ang pangalan.  Sa ikalawang pagbasa ngayong ikalawang Linggo ng Kuwaresma, sinasabi ni San Pablo Apostol na sinasalok niya ang kanyang lakas-ng-loob mula sa pananalig na ang mga pagdurusang kaakibat ng pagsasabuhay sa Mabuting Balita ni Kristo ay may silbi para sa mga panukala ng Diyos.  Alam nating may nangyari kay Pablo para magbago siya ng direksyon sa buhay.  Dati siyang masugid na taga-usig ng mga Kristiyano, subalit nagkaroon siya ng matinding karanasan ng pagbabalik-loob sa daan sa Damasco.  Magmula noon, siya ay naging isang walang-kapagurang tagapangaral ng Ebanghelyo ni Kristo.  Noong una, matapos ang kanyang halos di-kapani-paniwalang pagbabalik-loob, pinagsuspetsahan ng maraming mga Kristiyano ang biglaang pagbabago ng direksyon ng kanyang buhay; ngunit, nanatili si Pablo sa bagong landas na ito magpahanggang kamatayan.  Maging ang kanyang kamatayan para sa Mabuting Balita ni Kristo ay may napakalaking silbi para sa ikasusulong ng panukala ng Diyos.

          Ang ganda pong pakinggan, very inspiring: ang paghihirap pala at maging ang kamatayan ay maaaring may malaking silbi para sa ikatataguyod ng panukala ng Diyos.  Pero, sandali po.  Gaano man ito kagandang pakinggan at ka-inspiring maunawaan, napakahirap yatang tanggapin ng katotohanang ito.  Lalong-lalo na kung ang paghihirap na binabanggit ay para sa iyo at ang kamatayang tinutukoy ay kamatayan mo.  Ganito ang kinailangang harapin ni Jesus.  Ang lagay, napakadali nating pag-usapan at napakasarap nating pagnilayan ang paghihirap at kamatayan ni Jesus, e kung tayo kaya si Jesus?

          Huwag nating kalilimutang maging si Jesus ay nagbago rin ng direksyon ng buhay.  At nang lisanin Niya ang kinalakhang bayan ng Nazareth para maging isang lagalag na mangangaral ng salita ng Diyos at manggagamot ng mga tao, nalito kay Jesus ang sarili Niyang mga kamag-anak, mga kaibigan, mga kababata, at mga kapitbahay.  Inakala pa nga ng ilan sa kanila na Siya ay nasisiraan ng bait.  At sa higit Niyang pagpupursigeng ibahagi ang Kanyang pagkaunawa sa kalooban at kaharian ng Diyos, higit din namang tumitindi ang pasya ng Kanyang mga kritiko na iligpit Siya.  Masasabing si Jesus ay namuhay sa walang-patid na kamalayang gusto Siyang patayin ng marami sa mga aali-aligid sa Kanya. Kung paanong pa-igting nang pag-igting ang tensyon sa pagitan Niya at ng Kanyang mga kritiko, palantad din nang palantad sa kamalayan ni Jesus na hahantong sa isang malagim na kamatayan ang pagtupad Niya sa misyong ipinagkatiwala sa Kanya ng Ama.  Binibigyang-diin ito ni San Mateo sa pagkukuwento niya ng Ebanghelyo ngayong araw na ito.

Bago niya ikinuwento sa atin ang tungkol sa pagbabagong-anyo ni Jesus, sinabi ni Mateo na sinimulan na ni Jesus na ipahiwatig sa Kanyang mga alagad ang tadhanang naghihintay sa Kanya sa Jerusalem: magdurusa Siya nang labi-labis, papatayin, ngunit sa ikatlong araw ay mabubuhay nang magmuli.  Ngunit sa kabila ng lahat, patuloy pa rin si Jesus sa paglalakbay patungong Jerusalem, patungong kamatayan.  Nananalig Siya na ang lahat ng nangyayari at mangyayari pa sa Kanya – kabilang ang Kanyang pagdurusa at kamatayan – ay may napakahalagang silbi sa ikasusulong ng panukala ng Diyos.

          Subalit katotohanang nakikita niya na may kabanata ng kahindik-hindik na kamatayan sa Kanyang talambuhay ay hindi nag-iisang hinarap ni Jesus.  Ang kuwento ng pagbabagong-anyo ni Jesus ang nagsasabi sa ating kinaya ni Jesus na tahakin ang landas patungong Jerusalem dahil sa pag-ibig ng Ama sa Kanya.  Sisingilin si Jesus ng ginawa Niyang pagbabago ng direksyon sa buhay alang-alang sa ikasusulong ng paghahari ng Diyos.  Sarili Niyang buhay ang kabayaran ng Kanyang “kabaliwan” para sa Ama.  Subalit, sa kuwento ng pagbabagong-anyo, ipinakikita ni San Mateo na si Jesus ay hindi lamang isang taong nagdurusa kundi Siya rin, at una sa lahat, ang pinakamamahal na Anak ng Diyos.

          Pagdurusa at pagmamahal, kamatayan at kaluwalhatian – litaw na litaw ito sa buong pagkatao ni Jesukristo.  Lagi itong magkasama sa paglalakbay ng Bayan ng Diyos.  Lagi itong magkatambal sa buhay ng alagad ni Jesus.  Pagmamahal ang lakas natin para harapin ang anumang pagdurusa.  Pagmamahal ang nagbibigay-tapang sa atin sa pakikipagtagpo natin sa itinadhana, lalong-lalo na kung ang tadhanang ito ay kamatayan natin mismo.  Ang pag-ibig na ito ang ipinagdiriwang natin sa Misang ito at sa bawat Misang ating pinagsasaluhan.  Ito ang pag-ibig ng Ama kay Jesus na siya rin namang pag-ibig ni Jesus sa atin.  Naaalala ba ninyo na sinabi ni Jesus, “Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayundin naman Ko kayo iniibig.  Manatili kayo sa Aking pag-ibig” (Jn 15:9)?  Ano mang pagbabago ang kailangan nating gawin sa direksyon ng ating paglalakbay, huwag na huwag tayong bibitiw sa pag-ibig na ito sa atin ni Jesus na gaya ng pag-ibig sa Kanya ng Ama.  At sa mga nais nang sumuko sa tindi ng kanilang pagdurusa, sa mga sindak na sindak na sa kamatayang nakikipagtitigan sa kanila, tayo mismo ang maging pag-ibig ni Diyos.  Sa ganitong paraan, ang bagong direksyon ng ating buhay ay hahantong sa Diyos at ang mga pagsubok na kaakibat nito ang sa ating lahat ay pagpapabagong-anyo.

1 comment:

  1. Anonymous9:23 PM

    Maligaw man tayo sa paglalakbay, tiyak aakayin tayo pabalik sa Kanyang mga bisig. Matagpuan man natin ang ating sariling lugmok na sa pagod, mamamalayan na lang natin na buhat-buhat tayo ng ating Panginoon. Bukod sa kasama natin Siya sa paglalakbay, Siya rin ang dahilan kung bakit tayo naglalakbay.

    ReplyDelete