Pages

08 December 2010

TOTA PULCHRA EST MARIA!

Solemnity of the Immaculate Conception
Lk 1:26-38

Saan ba kayo ipinaglihi? Ako, ang sabi ng Nanay ko, sa balot, pepsi, at minatamis na saging ako ipinaglihi. Kaya ngayon, alam nyo na po kung bakit ako balbon, moreno, at sweet. Kayo po, saan kayo ipinaglihi? Sino rito ang ipinaglihi sa sama ng loob? Ang sama, ano, hindi ba? Panget! Tingnan ang katabi at itanong kung saan sya ipinaglihi. Tapos, sabihin, “Ah, kaya pala!”

May mas panget pa kaysa sa ipinaglihi sa sama ng loob. Ang ipinaglihi sa sala. Yan po ang pinakapanget talaga. Sukdulan sa kapangitan ang ipinaglihi sa sala dahil ang sala ay paglayo sa ubod ng ganda, ang Diyos.

Masakit man pong marinig ang katotohanan pero tayong lahat ay ipinaglihi sa sala. Hindi dahil isang malaking kasalanan ang ipaglihi tayo ng ating mga ina. Kundi nabahiran tayong lahat ng sala ng unang Eba. At paliwanag ni San Agustin, dahil sa kasalanang minana natin, lahat tayo ay may pagkiling sa masama o concupiscence. Pumasok ang malisya sa sangkatauhan at humina ang ating likas na pagkiling sa kabutihan. Panget tayong lahat. Ipaalala sa katabi, panget ka pala sana.

Ngunit may isang maganda sa atin: si Maria. Sa ating lahat, siya lamang ang ipinaglihing walang sala. Bansag pa ng Santos Padres o Fathers of the Church, “Mary is the blueprint of creation.” Sa simula pa ng kanyang buhay sa sinapupunan ng kanyang ina hanggang sa huling hibla nito bago siya iniakyat sa langit, katawan at kaluluwa, natupad kay Maria ang plano ng Diyos para sa ating lahat. Kaya nga kung gusto mong malaman kung ano ang plano ng Diyos para sa iyo, tumingin ka lagi kay Maria. Ano po, hindi ba maganda? Napakaganda. Ubod ng ganda ng plano ng Diyos para sa atin. Pero pinapanget tayo ng kasalanan.

Ang kasalanan ang pinakamalubhang karamdaman. Napakalubha po talaga. Hindi pa tayo isinisilang, nahawa na tayo. Wala pa tayong ginagawa, apektado na tayo. Walang kasimbisa sa pagpapapanget kaysa sa kamandag ng kasalanan. Pero paano kaya kung may maibentong bakuna na ituturok sa nanay para sa sanggol sa kanyang sinapupunan? Ipinagdadalang-tao pa lang ay tiyak na tiyak nang ligtas ang bata sa karamdamang ito? Ayos, hindi ba? Ang lahat ng isisilang sa mundo ay malulusog at magaganda. Pero walang ganong bakuna. Maaaring uminom ng mga bitamina at kumain ng masusustanyang pagkain ang mga nanay para maging normal at hindi sakitin ang ipagdadalantao nila. Pero wala pa ring bakuna para sa ipagdadalantao pa lang, hindi ba?

Ang Diyos meron. Walang imposible sa Diyos. Sa unang saglit pa lang ng pagdadalantao sa kanya, si Maria ay iniligtas na ng Diyos sa karamdamang dala ng kasalanang mana. Iniligtas din siya, tulad nating lahat, pero sa iba at katangi-tanging paraan. Hindi pa nangyayari ang pagtubos sa atin ni Jesus ay natubos na si Maria dahil kitang-kita ng Diyos Ama ang lahat at kung kaya’t sa magiging bisa ng kamatayan at magmuling-pagkabuhay ni Jesus ay pinapakinabang na Niya si Maria. Maliwanag na maging si Maria ay kinailangang iligtas pero iniligtas siya sa natatanging paraan. Hinadlangan ng Diyos na makapasok sa kanya ang kasalanang orihinal. Ayon sa isang paring teologo, si Don Scotus, ito ang tinatawag na preventive redemption. Samantalang ang sa atin naman ay reparative redemption.

Dahil lahat tayo nga ay nahawa sa karamdaman ng kasalanan, ginamot tayo ni Jesus sa pamamagitan ng Kanyang pagliligtas. Ngunit si Maria ay hindi nahawa dahil binakunahan siya. Puwede rin nating sabihing lahat tayo ay nabasa ng ulan pero tinuyo tayo ni Jesus. Si Maria, hindi siya nabasa ng ulan kasi pinayungan siya. Nahulog tayong lahat sa hukay pero si Maria ay hindi dahil tinakpan ang hukay. Ang natatanging pribilehiyong ito na ipinagkaloob kay Maria ang tinatawag na preventive o preservative redemption.

Kung kaya, noong ika-8 ng Disyembre, 1854, idineklara ni Papa Pio IX, sa pamamagitan ng papal bull, ang Ineffabilis Deus, ang dogma ng Inmaculada Concepcion. Inmacula, ibig sabihin “walang kasalanan”. Concepcion, ibig sabihin “pagdadalang-tao”. Si Maria ang ipinagdalang-tao nang walang kasalanan. Kaya naman, nang batiin siya ng anghel ng Panginoon, ang bati nito sa kanya ay “Magalak ka, Maria, napupuno ka ng grasya” (kecharitomene sa wikang Griyego, ang lenguahe ng pagkakasulat ng Bagong Tipan ng Banal na Bibliya).

Kecharitomene si Maria. Nag-uumapaw siya sa grasya kasi hindi siya nadisgrasya ng kasalanan mumunti man. Ang ganda niya talaga. Tota pulchra est Maria!

Ang galing talaga ng Diyos, hindi ba? Walang makahahadlang sa plano ng Diyos. Laging tagumpay ang kabutihan sa kasalanan. Kung hahayaan lamang nating lubusang kumilos ang Diyos sa ating buhay, gaganda rin tayo. Kung talagang pagsisikapan nating sundin ang kalooban ng Diyos, grasya din ang sasapitin natin, hindi disgrasya.

Ginamot na tayo ni Jesus. Umiwas na tayo sa karamdaman ng kasalanan. Pinagaling na tayo ni Jesus. Lumayo na tayo sa panganib ng kasalanan. Manalangin tayo at magpatulong kay Maria. Tumingin tayo sa kanya at tumulad sa kanyang halimbawa ng pagtalima sa kalooban ng Diyos nang buong-buong puso.

O, baling sa katabi at sabihin sa kanya, “Ayan, maganda ka na. Huwag ka nang papanget ha.”

1 comment:

  1. Anonymous9:29 PM

    Thank you Fr. Bob for this reflection. :)

    ReplyDelete