Pages

31 December 2010

NAKAKATAWA O NAKAKATUWA?

Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos

Lk 2:16-21

Sa simula pa lamang ng Lumang Tipan ay may kuwento na agad ng sinapupunang walang-laman. Para sa mag-asawang Abraham at Sarah, hindi na katakataka ang sinapupunang walang-laman kasi po sila ay matatanda na. Sadyang natutuyo ang sinapupunan pagsapit ng takdang edad ng babae. Pero sa kaso ni Sarah, talaga naman po kasing tuyot ang kanyang sinapupunan dahil siya ay baog. Gayunpanaman, ito ang katakataka sa mag-asawang Abraham at Sarah: sa kabila ng kanilang imposibleng kalagayan, patuloy pa rin silang umasang magkaka-anak sila balang-araw. Paano po kasi, pinangakuan sila ng Diyos. At napakalaki naman ng pananalig nila sa Diyos. Kaya’t namuhay silang umaasang tutuparin ng Diyos ang pangako Niya sa kanila. Sa katunayan nga po, ang ipinangako ng Diyos na magiging anak nila ay hindi lamang isa, kundi sindami raw ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa dalampasigan. Biro ninyo ‘yun!


Pero hindi po nagbiro ang Diyos. Isang araw, may dumating na mahihiwagang bisita na may hatid na kagula-gulantang balita sa mag-asawa. Sa susunod daw pong taon, sinabi ng mga mahiwagang panauhin kay Abraham, itong si Sarah ay manganganak, at lalaki ang kanilang magiging sanggol. Nakakatuwa po, kasi nang maulinigan ni Sarah ang kabigla-biglang balita, siya ay natawa.


Magandang tugon ang tawa sa isang magandang balita, hindi po ba? (Iyan po bang katabi ninyo ay magandang balita para sa inyo? Tawanan n’yo! Bakit po, nakakatawa ba s’ya?) Nagpatawa talaga ang Diyos sa buhay ni Abraham at Sarah: nagbuntis ang lola n’yo! Nasakyan ni Sarah ang joke at siya nga po ay natawa. Pero hindi pala nagbibiro ang Diyos; seryoso pala Siya. Nagdalantao nga itong si Sarah at nagsilang ng isang sanggol na lalaki. Ang tawa ni Sarah ay talaga namang napalitan ng tuwa. Isaac ang ipinangalan sa anak ni Sarah kasi nga po natawa s’ya; ang salita para sa “tawa” sa wikang Hebreo ay “itsaak”. (Mabuti na lang, hindi siya na-utot. Ano kayang pangalan ngayon ni Isaac kung nagkagayon?)


Tinupad ng Diyos ang pangako Niya kay Abraham at Sarah. Hindi lang po iyong nakakatawa. Nakakatuwa po iyon, hindi ba? Laging tapat ang Diyos sa Kanyang salita. Tuwa ang nararapat na tugon sa katapatan ng Diyos.


Kung sa simula ng Lumang Tipan ay may kuwento ng sinapupunang walang-laman, sa bungad din naman po ng Bagong Tipan ay ang kuwento ng isa pang walang-lamang sinapupunan. Hindi pa naman matanda ang sinapupunang ito. At mas lalo naman pong hindi baog. Pero dapat po kasi ay wala ring laman ang sinapupunang ito. Ngunit ipinunla ng Diyos ang Kanyang Salita sa murang sinapupunan at ang Salitang ito ay nagkatawang-tao. Isinilang si Jesus. Si Maria ang nagsilang. Kung ang katandaan nga at kabaugan ay hindi hadlang sa plano ng Diyos, ang pagiging bata at pagiging birhen pa kaya? Walang imposible sa Diyos. Nakakatuwa, hindi po ba? Nakakatuwa para sa mga nagtitiwala sa Diyos, pero para sa mga walang-tiwala sa Kanya, nakakatawa lang. (Tingnan n’yo nga po ang katabi n’yo kung natutuwa talaga o natatawa lang. Kung natutuwa ‘yan siguradong matindi ang pananalig n’yan sa Diyos. Kung natatawa lang po, malamang kayo ang pinagtatawanan n’yan. Tanungin po ninyo: Bakit tatawa-tawa ka d’yan ha?)


Ngayong Bagong Taon, kung ang bago lang sa inyo ay ang suot ninyong damit, alahas, sapatos, o kaya ay ang bago lang sa inyo ay ang inyong celphone, laptop, i-pod, kotse, o asawa kaya, at iba pang mga bagay na materyal, nakakatawa po talaga kayo. Hindi kayo nakakatuwa. Pero kung bago rin ang pagkatao ninyo at higit n’yo pong pagsisikapan na maging mabuting tao – ‘yan, nakakatuwa po kayo . (Sino rito ang gustong maging katawa-tawa Pakitaas po ang kamay. Sino naman ang gustong maging katuwa-tuwa? Para sa muling pagkakataong maging bagong tao, maging higit na mabuting tao, maging katuwa-tuwang tao, pasalamatan natin ang Diyos sa isang masigabong palakpakan.)


Ang pagkawalang-laman ng sinapupunan ni Maria – ang kanyang pagkabirhen – ay napakahalaga sapagkat binibigyang-diin nito ang katotohanan tungkol sa kanyang Anak. The virgin motherhood of Mary points to the truth about her Son. Ayon sa Lk 1:35, ang Sanggol ni Maria ay “magiging banal at tatawaging Anak ng Diyos.” Sinasabi pa sa ebanghelyo ayon kay San Juan (1:13) na si Jesus ay isinilang “hindi mula sa kagagawan ng tao o dahil sa pita ng laman o kalooban ng tao kundi ng Diyos mismo.” Sa madaling-sabi, hindi ideya ni Maria ang pagkakaroon ng anak. Ideya po iyon ng Diyos. Hindi plano ni Maria ang maging ina ng Anak ng Diyos. Plano po iyon ng Diyos. Ang sanggol na Jesus ay hindi sagot sa “wish ko lang” ni Mama Mary. Magkaiba po sila ni Sarah. Si Sarah na matanda at baog ay “wish ka pa”; si Maria na bata at birhen ay “wish ni Lord”. (‘Yan din nga po ang makabubuting pagnilayan ninyo sa buhay n’yo ngayong bagong taon: “Ano ba ang wish ni Lord sa bukay ko? Ano ang plano ng Diyos sa buhay ko?” Huwag lang po tayo wish ko lang nang wish ko lang. Dapat at una sa lahat, wish ni Lord.)


Ito nga po ang ipinagdiriwang nating ngayong unang araw na ito ng taong 2011: ang “yes” ni Maria sa wish ni Lord. Dahil sa “yes” na ‘yan – buong-buo, tapat at mapagkumbaba – si Maria ay naging ina ni Jesukristong tutoong tao at tutoong Diyos. At dahil tutoong Diyos nga po si Jesus na isinilang ni Maria, kinikilala natin si Maria bilang Ina ng Diyos, bagamat hindi kay Maria nanggaling ang pagka-Diyos ni Jesus. (Para pong ganito ‘yan. Ang tawag ninyo sa nanay ko po ay “nanay ng pari”, pero hindi po galing sa nanay ko ang pagkapari ko, hindi ba? Ang nanay ko po ay nanay ng pari dahil ako na anak niya ay pari. Kapag tinutukoy po ninyo ang nanay ko na “nanay ng pari” ang kinikilala po ninyo unang-una sa lahat ay ako bilang pari at pangalawa lamang ang nanay ko na may anak na pari. Parang ganun din po kay Maria. Ang pamagat na “Maria, Ina ng Diyos” ay tungkol kay Jesus bago pa ito tungkol kay Maria. Ipinahahayag nating si Jesus, na Anak ni Maria, ay Diyos na tutoo. Maliwanag po ba? Kung hindi pa rin, matuwa na lang po kayo kasi nakakatuwa talaga ang Diyos. Ang dami Niyang naiimbentong magaganda.)


Subalit ang pagiging ina ng Diyos ni Maria ay hindi po nagtapos sa pagluluwal niya kay Jesus. Gaya po ng sinumang ina, kinailangan ni Mariang bitiwan si Jesus pagsapit ng takdang panahon. Ang mahalagang bahagi ng kahulugan ng pagiging ina ay ang pagbitiwa sa anak. If the essence of a woman is motherhood, the essence of motherhood is letting go. Sa katunayan po, ang unang pagbitiw na ginagawa ng lahat ng ina ay ang pagluluwal sa kanilang sanggol. Ang panganganak ang unang paghihiwalay ng ina at ng sanggol sa isa’t isa. Masakit man pero kailangang bumitiw at humiwalay para maging ganap na tao ang binuong buhay sa sinapupunan. Birth is not possessive. Birth is letting another life take its rightful place in the world. At alam po ng mabuting ina na ang pagluluwal niya sa kanyang anak ay una pa lamang sa marami pang mga kailangan n’yang gawing pag-let go. Ganito rin po ang ginawa ni Maria noong isinilang niya si Jesus.


In the relationship between Jesus and Mary, Jesus is Mary’s own but He is not her own. Jesus belongs to her, but not only to her. The deeper truth really is that it was the God the Father who first had to let go of Jesus, His only begotten Son. Mary simply follows suit. Kaya nga po, bahagi ng “yes” ni Maria hindi lamang ang pagtanggap kay Jesus kundi pati rin ang pagbitiw sa Kanya para mapasaatin din si Jesus. Ang Diyos ay nagkaroon ng nanay para ang tayo ay maging mga kapatid ng Diyos. At hindi po iyon nakakatawa. Nakakatuwa po iyon.


Sa simula ng bagong taon, ibinibigay sa atin ng Inang Iglesiya ang nakatutuwang sinapupunan ni Maria, Ina ng Diyos, upang sa tulong ng halimbawa at mga panalangin ni Maria tayo rin ay matuwa at maging sanhi ng tuwa ng iba. Kapag ang pananalig natin sa Diyos ay katulad ng kay Abraham at Sarah, kapag ang pagtalima natin sa Diyos ay katulad ng kay Maria, at kapag pagbabahagi natin kay Jesus sa iba ay katulad ng kay Maria, walang matatawa sa atin pero maraming matutuwa.


Hindi naman po masamang magpatawa, pero simula ngayong taong ito mas maging katuwa-tuwa po sana tayo kaysa katawa-tawa.

1 comment:

  1. Anonymous10:14 AM

    How unworthy I am to receive my Jesus Christ, but His love and compassion filled my empty heart.


    Let me share this video clip of love and sacrifice.
    http://www.youtube.com/watch?v=_oZYi1j_Z8g

    ReplyDelete