Pages

23 December 2010

MERON AKONG KUWENTO: ANG REGALO

Misa de Gallo 8

Lk 1:57-66


Karaniwang ang ninong ang nagbibigay ng regalo sa inaanak. Pero minsan sinorpresa raw ng isang bata ang kanyang ninong.


“Ninong, Ninong, may regalo po ako sa inyo,” excited na excited ang batang inaabot ang regalo n’ya sa ninong.


“Naku, hijo, sinorpresa mo naman ako. Ako ang dapat na magbigay ng regalo sa ‘yo,” sabi ng ninong.


“Hayaan n’yo na po, Ninong, for a change, ako naman po ang magreregalo sa inyo,” sabi ng bata.


“Salamat, inaanak,” sagot ng ninong. “Nakaka-touch naman. Ano bang laman nitong regalo mo?”


“Surprise!” palundag-lundag pa ang bata.


“Sige,” sabi ng ninong, “hulaan ko muna bago ko buksan. Hmmm…mabigat ha! Siguro, laptop.”


“Hindi po,” sagot ng bata.


“Hmmm…teka, baka mga tsokolate!”


“Hindi po. Si Ninong, hindi mahulaan ang regalo ko!” tuwang-tuwa ang bata.


Kinalug-kalog ng ninong ang regalo at tumagas ang nasa loob nito.


“Ah, alam ko na!” sigaw ng ninong. “Alak! Oo, alak ito. Di ba kadarating lang ng tatay mo galing Saudi?”


At tinikman ng ninong ang tumagas mula sa regalo. Tsaka nagmamadaling binuksan.


Pagbukas n’ya, lumantad sa kanya ang isang nakangiting tuta. Arf! Arf!


Ang sarap po ng pakiramdam kapag nakatanggap ka ng regalo, hindi ba? Nakakataba ng puso. Damang-dama mong may nakaalala sa ‘yo.


Ayon po sa aking kuwento, may mag-asawang mistulang nakalimutan na ng Diyos. Wala po silang anak. E gustung-gusto pa naman nilang magka-anak. Bakit kaya ganun – kung sinong gustong magka-anak, hindi magka-anak-anak, at kung sino namang ayaw magka-anak ang anak nang anak.


Si Zakarias at si Elizabeth po ang dalawa pang tauhan sa aking kuwento. Matatanda na po sila pero ni isa ay walang anak. Kasi po, baog si misis. Naaalala po ninyo ‘yung ikinuwento ko sa inyo noong kamakalawa? ‘Yun pong binisita ni Maria? ‘Yun pong pinsan niyang sa kabila ng katandaan at kabaugan ay nagbuntis? Iyon po si Elizabeth. Misis po siya ni Zakarias, isang saserdote sa Templo.


Ito pong sina Zakarias at Elizabeth ay mababait na tao, tapat sa Diyos at marunong makipagkapwa-tao. Sa madaling-sabi, halimbawa po sila ng tinutukoy ko kahapon na mga abang may takot sa Diyos. Mga taong matuwid po sila. Pero sa kabila ng kanilang pagiging matuwid, hindi sila biniyayaan ng kahit man lamang isang anak. Kung sa ating panahon pa, balewala iyon. Pero hindi po ganun sa panahon at lahi nila Zakarias at Elizabeth. Dapat may anak ang mga mag-asawa. Mas maraming anak, mas maganda. Kasi po kapag walang anak ang mag-asawa, ang ibig sabihin noon ay walang ambag ang mag-asawang yaon sa ikasasapit ng Itinakda. Lahat kaya po ay nangangarap na maging magulang ng Itinakda. Kung kaya’t ang walang anak ay walang silbi sa lahi nila at tinitingnang mababa, laman ng tsismisan at pagsusupetsa. “Ano kaya ang ginawa nilang masama at hindi sila magkaanak-anak,” bulung-bulungan ng mga usisera. “Naku, kawawa naman siya, baog, isinumpa ng Diyos, siguro may nagawang pagkalaki-laking kasalanan,” bidahan ng mga tsismosa.


Ngunit sa kabila ng kanilang abang kalagayan, si Zakarias at Elizabeth ay nanatiling tapat sa Diyos. Hindi nila tinalikuran ang Diyos. Hindi sila nagtampo sa Kanya. At, higit, sa lahat, hindi sila nagsawang manalangin sa Diyos para sa kahit isa man lamang na anak. Matibay ang kanilang pananalig sa Diyos, di matinag sa kanilang pag-asa sa Kanya. Kahit ano pang sabihin, ibintang, o itawag sa kanila ng kanilang mga pakialamerang kapitbahay. Tuloy lang sila sa kanilang pagmamahalan, pananampalatay, at pag-asa. Isipin man ng mga nakapaligid sa kanila na kinalimutan na sila ng Diyos, basta sila, hindi nila kalilimutan Siya.


Hanggang isang araw daw po ay nagpakita ang mahiwagang sugo kay Zakarias habang siya ay nagsusunog ng kamanyang sa kabanal-banalang dako ng Templo. Sa kabila ng kanyang pananampalataya sa Diyos, itong si Zakarias ay hindi makapaniwala sa balita sa kanya ng mahiwagang sugo: magbubuntis si misis! “Kaya ko pa kaya?” siguro natatawang tanong ni Zakarias sa sarili. “Si misis – magbubuntis? E baog kaya s’ya,” pagdududa ni Zakarias. Kaya, ayun po, nagalit ang mahiwagang sugo. “Do you know me?!” mukhang uminit ang ulo ng mahiwagang sugo. Pinipi niya si Zakarias. Hindi raw makapagsasalita ang matanda hanggang hindi natutupad ang ibinalita ng mahiwagang sugo at maisilang ang ipinangakong tanda ng Itinakda – si Juan.


Nang magdalang-tao itong si Elizabeth, hindi raw po siya lumabas nang bahay. Hindi ko po alam kung bakit; baka nahihiya. Kahit po ako mahihiya kung bigla akong magbuntis. Imposible kasi, hindi ba? Baog si Elizabeth pero nagbuntis pa s’ya. Ha?! Ngunit sa halip na biglang tumaas ang kilay at mayabang na ipangalankadan ang lumalaki n’yang tiyan, nanatili siyang mababang-loob at hindi lumantad sa madlang people. Pero wala talagang matago sa madlang people, kaya’t nang mabalitaan daw nilang, sa wakas, ay nanganak na si Elizabeth, awa po ng Diyos, nakigalak naman sila sa mag-asawa. Nandun daw po silang lahat nang tuliin ang bata na siyang paraan din ng pagbibigay-ngalan sa bagong silang. At nang pangangalanan na raw ang sangol kasunod sa pangalan ng kanyang ama, tumutol itong si Elizabeth at sinabi, “No way! Juan ang pangalan ng baby ko.” Kaya sinenyasan daw nila ang pipi’t binging ama para tinanong kung anong pangalan ang gusto niya para sa baby boy nila. Isinulat daw nito sa Hebreo “Yohanan” na ang ibig sabihin pa sa Tagalog ay “Mabait ang Diyos”. Biglang nakapagsalita na ulit si Zakarias at nagpuri sa Diyos.


Napakalaking regalo talaga ni Yohanan o Juan para sa kanyang mga magulang, hindi po ba? Isa s’yang napakalaking sorpresa sa buhay nilang mag-asawa. At dahil siya nga po ang unang tanda ng paglitaw ng Itinakda, napakahalagang regalo niya sa ating lahat. Si Juan ang kabaitan ng Diyos kay Zakarias at Elizabeth, sa kanyang mga kalahi, at sa lahat ng naghihintay sa Itinakdang tagapagpalaya mula sa sumpa ng unang kataksilan.


Ang bait talaga ng Diyos! Ang bait-bait ng Diyos! Sabihin sa sarili: “Ang bait ng Diyos sa akin.” Sabihin sa katabi: “Ang bait ng Diyos sa iyo.” Isigaw nating lahat: “Ang bait-bait mo God!”


Kayo po, mabait ba kayo sa Diyos? Sa tutoo lang, mabait po ba kayo talaga sa Diyos? Kung “oo” ang sagot ninyo, naku, salamat naman po sa Diyos. Kasi marami na ring mga taong hindi mabait sa Diyos e. Kapag tuwing Misa de Gallo lang nangsisimba, mabait ba ‘yun sa Diyos? ‘Yung taong hindi nagdarasal, mabait ba ‘yun sa Diyos? E ‘yun pong hindi nangungumpisal, mabait ba ‘yun talaga sa Diyos? ‘Yung hindi marunong magbalik sa Diyos ng mga biyayang tinatanggap, ‘yung kuripot sa Diyos, ‘yung nililista lahat ng ibinibigay sa Diyos, ‘yung sinusukat lahat ng inaabuloy sa Diyos, mabait ba ‘yun sa Diyos? Ang mga hindi nakikilahok sa buhay ng kanilang parokya at sa buhay ng pangkalahatang Iglesiya, mabait ba ‘yun sa Diyos? Kapag walang pakialam sa paghihirap ng kapwa-tao nila, mabait ba ‘yun sa Diyos? Ang lumalapastangan sa kapwa at sa Inang Kalikasan, mabait ba ‘yun sa Diyos? E ‘yun pong matapobre, sinungaling, pabaya, tiwali, at waldas, mabait ba po talaya iyon sa Diyos? ‘Yung ayaw magpatawad ng kapwa pero hingi nang hingi ng tawad sa Diyos, mabait ba ‘yun sa Diyos? E ‘yun pong tanggap lang nang tanggap ng regalo pero hindi naman namimigay nang regalo, mabait po ba ‘yun sa Diyos?


Ang Pasko ay espesyal na panahon ng pagreregalo kasi ang Diyos mismo ang unang nagbigay ng regalo. Iniregalo po Niya sa ating ang Kanyang Bugtong na Anak. Kayo po, ano ang regalo n’yo sa Diyos? Sa tutoo lang po, wala naman kayong maireregalo sa Diyos na wala Siya, maliban sa isa. Ang puso ninyo.


Surpresahin natin ang Diyos. Gulatin natin Siya. Iregalo natin sa Kanya ang buong puso natin ngayon Pasko. At tularan din po natin Siya sa pamamagitan ng pagbibigayan natin sa isa’t isa. Gulatin din natin ang isa’t isa sa surpresa ng ating pagbibigayan.


Hay…malapit na pong matapos ang kuwento ko. Bilang na ang mga pahina. Medyo nalulungkot na nga po ako e, kasi malamang isang taon ko na namang hindi makakakuwentuhan ang marami sa inyo. Susurpresahin n’yo kaya ako?

No comments:

Post a Comment