Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Mahal na Birheng Maria sa Kalangitan
Lk 1:39-56
Noong ako ay batang musmos pa, may panahon sa buhay ko na ayaw kong malalayo sa tabi ng nanay ko. Palagi akong nakabuntot sa kanya saan man siya pumunta. Natatandaan ko pa nang minsan ay halos magwala ako dahil kinailangang umalis ng nanay ko at dapat akong maiwan sa bahay. Siguro nga ganoong ka-grabe ang karanasang iyon kung kaya’t hanggang ngayon ay nakikita ko pa sa aking isipan ang itsura at inasal ko noong araw na yaon.
Lk 1:39-56
Noong ako ay batang musmos pa, may panahon sa buhay ko na ayaw kong malalayo sa tabi ng nanay ko. Palagi akong nakabuntot sa kanya saan man siya pumunta. Natatandaan ko pa nang minsan ay halos magwala ako dahil kinailangang umalis ng nanay ko at dapat akong maiwan sa bahay. Siguro nga ganoong ka-grabe ang karanasang iyon kung kaya’t hanggang ngayon ay nakikita ko pa sa aking isipan ang itsura at inasal ko noong araw na yaon.
Iba naman kasi talaga basta malapit lang si nanay. Siyempre, minsan kailangan niyang umalis ng bahay pero babalik din naman siya, kundi man agad, maya-maya lang. Dahil dito, umalis man siya ng bahay at wala man ang katawan niya roon, damang-dama pa rin ang kanyang diwa. Pero siyempre iba pa rin ang naroroon siya sa katawan at kaluluwa. Basta hanggang hindi pa nakababalik ang nanay sa bahay, wala pa rin siya roon. At kapag nakabalik na siya, gaano man siya kadali nawala, hindi maaaring hindi tayo maging masaya kapag narinig na natin ang yabag ng kanyang mga paa, ang pagbukas niya ng pinto, ang pamilyar na tinig niya, o kaya ang sigaw ng unang makakita sa kanya, “Narito na si nanay! Nakauwi na siya!”
Nakauwi na ang Mahal na Birheng Maria. Iniakyat na siya ng Diyos sa kalangitan, kaluluwa at katawan. Siguro, noong araw na dumating siya sa langit, masayang nagsisigawan ang mga anghel, “Narito na siya! Nakauwi na siya! Kasama na natin ang nanay!” Siguro, halos sumabog sa kaligayahan ang buong kalangitan noong araw na yaon. Ang Diyos siyempre ang pinakamaligaya. Kakaiba kasi ang pagkamatalik na kaugnayan sa kanya ni Maria: siya ang pinakamagandang nilikha ng Diyos Ama, pinakamamahal na ina ng Diyos Anak, at kalinis-linisang esposa ng Diyos Espiritu Santo.
Ngayon, si Maria naman ang naghihintay. Hinihintay niya tayo sa langit. Ang naganap na sa kanya ay siya namang pangakong matutupad sa atin. Magkakaroon din tayo ng ating kani-kaniyang “assumption day” sa wakas ng panahon. Uuwi rin tayo. At uuwi tayo hindi lamang bilang mga kaluluwa, kundi bilang katawan, kaluluwa, at espiritu. Kapag magkagayon, mamumuhay tayo nang ganap kasama ang mga anghel, mga santo, si Maria, at, higit sa lahat, ang Diyos mismo. At dahil meron tayong maluwalhating katawan, masisilayan ng ating mga mata ang Diyos, maririnig Siya ng ating mga tainga, maaamoy ng ating ilong, mahahawakan ng ating mga kamay, at makakaniig natin Siya hindi lamang sa pamamagitan ng ating kaluluwa kundi pati na rin ng ating katawan. Ngunit ang katawang yaon ay hindi ang katawang marupok natin ngayon kundi katawang tulad ng maluwalhating katawan ni Jesus matapos Siyang magmuling nabuhay. Uuwi tayo balang-araw.
Ito ang katotohanang itinuturo sa ating ng pag-aakyat sa Mahal na Birheng Maria sa kalangitan. Sumasampalataya tayo hindi lamang sa buhay na walang-hanggan kundi pati rin sa magmuling-pagkabuhay ng mga patay. Dahil dito, dapat nating ihanda nang mabuti ang ating mga sarili sa ating pag-uwi sa langit na tunay nating tahanan.
Uuwi tayo balang-araw. Pagdating ng araw na iyion, ang Mahal na Birheng Maria naman ang masayang magsasabi kay Jesus, “Narito na sila, Anak! Nakauwi na rin sila sa wakas!”
Meron po ba ritong gustong maiwan?
Hindi po ako nagkaroon ng pagkakataon makasama ng matagal ang aking ina..nguni't ako naman po ay nabiyayaan ng mga tiyahin na higit pa sa anak ang turing sa akin. kami ng aking mga kapatid pinalaki at inaruga tinuring na mga anak.
ReplyDeletepaminsan-minsan aking naiisip kung nag-iba ang mga pangyayari at mas tumagal pa kaming naging magkasama ng aking ina, ganito pa rin kaya ang magiging kinahinatnan ng aking buhay.
minahal ko ang aking ina ng kakaiba ang pananaw,nasabi ko ito dahil hindi ko siya nakapiling ng ako ay lumalaki, mahal ko siya dahil siya ang aming ina nguni't ang lubos na pagmamahal na dapat ibigay ng anak sa kanyang ina ay hindi ko naihandog sa kadahilanang siya's wala sa aking tabi.
ngayon sigurado ako sa aking sarili na ito ang kagustuhan ng ating panginoon. dati rati nagtatanong pa ako bakit hindi ko sya kapiling o nakasama ng matagal. lahat po ng mga kaganapan ay kagustuhan at plano ito ng POONG MAYKAPAL.
Maraming salamat Padre, kayo po ang isang malaking instrumento ng ating Panginoon.