Pages

10 July 2010

UMIBIG AT MABUHAY

Ikalabinlimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 10:25-37


Nagsisimula ang ating ebanghelyo ngayong araw na ito sa napakahalagang katanungan nating lahat: Ano ang dapat nating gawin upang magkamit ng buhay na walang-hanggan? Inilagay ni San Lukas ang katanungan natin sa mga labi ng isang eskriba.

Ang sagot ni Jesus ay tanong din at dalawa pa: “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?” Isang dalubhasa sa Batas, sumagot ang eskriba: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Sa kanyang sagot, sinipi ng eskriba ang nasusulat sa mga aklat ng Dt 6:5 at Lev 19:18. Sinang-ayunan ni Jesus ang sagot ng eskriba: “Tama ang sagot mo.” At pinagbilinan pa siya ni Jesus: “Gawin mo iyan at mabubuhay ka.” Narito ang ilang napakahalagang aral ni Jesus.

Ang dapat na unang pumupukaw ng ating pansin, mula sa pag-uusap ni Jesus at ng eskriba, ay ang matalik na kaugnayan ng pag-ibig at buhay. Pansinin ang pagkakaayos ng pangungusap ni Jesus: “Gawin mo iyan (umibig ka)…at mabubuhay ka.” Para itong “cause and effect principle” sa physics. Kung iibig ka, mabubuhay ka. Ang pag-ibig ang pinakakondisyon para mabuhay. Kung gusto mong mabuhay, magmahal ka. Kung hindi ka nagmamahal, mamatay ka.

Ang matalik na ugnayan sa pagitan ng buhay at pag-ibig ay madaling unawain kahit sa pamamagitan ng simpleng lohika. Nabubuhay tayo ngayon dahil minamahal tayo ng Diyos. Sa isang banda, ayon sa Gn 1:27, nilikha tayo ng Diyos nang kawangis Niya; sa banal na larawan, nilikha Niya tayo; lalaki at babae nilikha Niya tayo. Sa kabilang banda naman, nasusulat sa 1 Jn 4:8 ang ganito: “…ang Diyos ay pag-ibig.” Kung ang Diyos ay pag-ibig at tayo ay nilikhang kawangis ng Diyos, tayo ay nilikhang kawangis ng pag-ibig. Samakatwid, ang hindi umiibig ay tumataliwas sa kanyang sariling kalikasan. Ang ayaw magmahal at ang hindi nagmamahal ay nagsu-suicide. Bago pa magpatiwakal ang isang tao, matagal na siyang patay. Ito ang batas ng kalikasan natin bilang tao. Ang kabiguan o pagtangging umibig ay humahantong sa pagwasak sa sarili at pagwasak sa buhay ng iba.

Naka-programa sa bawat-isa sa atin ang batas na ito ng kalikasan. Makakamit lamang natin ang kaganapan ng ating pagkatao at ng ating pagiging mga anak ng Diyos kung buong-laya nating ipauubaya ang ating sarili sa ng batas na ito,. Ang kaganapan ng buhay ay ang kaganapan ng pag-ibig, at ang kaganapan ng pag-ibig ay ang tunay na kabanalan.

Gayunpaman, lagi tayong malayang lumabag sa batas na ito ng kalikasan. Maaari nating piliin ang hindi umibig. Maaari nating gawin ang masama at iwasan ang mabuti, sa halip na gawin ang mabuti at iwasan ang masama. Maaari nating patayin ang ating sarili, gaano man karumaldumal ito. Ang kalayaang ito ay bahagi ng mahiwagang paggalang sa atin ng Diyos na nagmamahal sa atin nang higit sa ating inaakala. Dahil dito, payo ni Moises sa mga Israelita noon at sa atin ngayon, “Piliin ang buhay…” (Dt 30:19). At ipinaliliwanag naman ni Jesus sa atin ngayon na ang pagpili sa buhay ay ang pasyang umibig.

Subalit ang hinihingi sa atin ng pasyang umibig na ibigin natin hindi lamang ang mga kaibig-ibig o kaya ay ang mga umiibig lang din sa atin. Wika ni Jesus, “Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti silang mga namumuhi sa inyo, pagpalain ninyo silang sumusumpa sa inyo, ipanalangin ninyo silang umuusig sa inyo” (Lk 6:27-28). Sa madaling salita, dapat nating ibigin ang lahat ng ating kapwa – kaaway man o kaibigan.

Sapagkat dapat nating ibigin ang lahat ng ating kapwa, mahalaga ang follow-up question ng eskriba kay Jesus sa ebanghelyo ngayong araw na ito: “At sino ang aking kapwa?” Ngunit mali ang kanyang tanong. Sa tanong ng eskribang “sino ang aking kapwa”, ipinapalagay niyang may mga taong kapwa niya at meron din namang hindi niya kapwa, kaya dapat niyang isaklasipika ang bawat isang nakasasalamuha niya sa buhay ayon sa kanyang kategoriya: kapwa sa isang banda, at hindi kapwa naman sa kabila. Kahit sino sa atin ay makikita agad na ang ganitong paraan ay taliwas sa kaisipan ni Jesus na “Siyang tunay na liwanag na nagbibigay-liwanag sa bawat-tao” (Jn 1:9). Kung paanong ang liwanag ay nagbibigay-liwanag sa lahat ng naaabot nito nang walang pinipili o sinisino, gayundin naman ang pusong nagmamahal: hindi nito tinatanong kung sino ang kapwa at sino ang hindi. Sa larangan ng tunay na pag-ibig, ang katanungan ng eskriba kung sino ang kapwa at kung sino ang hindi ay isang kagulat-gulat na paraan ng pagsasaklasipika sa mga taong nakakasalamuha natin sa daan ng buhay.

Sa pagkukuwento ni Jesus sa talinhaga ng Mabuting Samaritano, binaliktad Niya ang tanong at ibinato Niya ito sa eskribang dapat sana ay higit na matalino kaysa sa nakita na natin ngayon. Sa pagwawakas ng talinhaga ng Mabuting Samaritano, tinanong ni Jesus ang eskriba, “Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan?” Samakatuwid, nais ituro ni Jesus na sa halip na suriin kung sino sa mga taong nakasasalamuha natin ang kapwa natin at hindi, dapat nating tanungin ang ating sarili kung nakikipag-kapwa-tao tayo sa lahat ng tao. Ang pakikipagkapwa-tao ay isang proseso na nagsisimula sa pagdamay sa iba – kahit sino pa sila – maging sariling buhay pa natin ang nakataya. Tayo ay nagiging kapwa-tao sa kanila. Hindi sila nagiging kapwa-tao sa atin dahil sila ay laging kapwa-tao natin. Ang tunay na pag-ibig, na siyang kondisyon upang makamit natin ang kaganapan ng buhay, ay hindi marunong manuri kung sino ang kapwa at hindi. Sa tunay na pag-ibig, ang lahat ay kapwa. Ang tunay na pag-ibig, na siyang kondisyon upang makamit natin ang kaganapan ng buhay, ay hindi tungkol sa kung sino ang ating kapwa kundi kung tayo ay nakikipagkapwa-tao.

Mali ang tanong na “Sino ang aking kapwa.” Ang tamang tanong ay ito: “Ako ba ay kapwa-tao sa iba?” Ano ang sagot ninyo? Ano ang pasya ninyo: buhay o kamatayan? Kung kamatayan, madali lang iyan. Ngunit kung buhay, dapat nating mahalin ang lahat ng ating kapwa – oo, kahit maging ang mga kaaway.

No comments:

Post a Comment