Pages

09 May 2010

PAALAM?

Ika-anim na Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Jn 14:23-29

Kayo ba ay mainipin? Madali ba kayong ma-bored? Ano ba ang madalas ninyong kainipan? Kanino ba kayo madaling ma-bored? May mga pagkakataong inip na inip na tayo at gusto nating kumaripas ng takbo para madaliin ang pag-alis o pagdating. May mga tao rin namang sobrang nakaka-bored, hindi ba? Mas mabisa pa sila sa sleeping pills. Pero kapag mahalaga para sa atin ang isang bagay, mahaba ang ating pasensya: marunong tayong maghintay. Kapag importante para sa atin ang kasalukuyan, marami tayong panahon: hindi tayo nagmamadali. Kung mahal natin ang lilisan, halos pigilan natin ang mga segundo: ayaw nating magpaalam. Tunay nga, sa piling ng ilang tao, hindi natin gustong humiwalay; ngunit sa piling naman ng iba, nagdarasal tayong makaalpas.

Subalit ang paglisan ay sadyang kakambal ng pagdating. Ang buhay ay isang serye ng pamamaalam. Minsan, ang pag-ibig ay nangangahulugan din ng paghihiwalay. At nakakayanan natin ang sakit ng paghihiwalay kapag matitiyak natin ang tatlong mahalagang bagay: una, na ang paghihiwalay ay para sa higit na ikabubuti; ikalawa, na, gaano man katagal ng paghihiwalay, ito ay magwawakas din; at ikatlo, na sa paghihiwalay ay may nananatili pa rin – hindi nawawala ang lahat, bagkus pa, napaiibayo (ika pa nga, “next level” na).

Sa ating ebanghelyo ngayong Linggong ito, batid ni Jesus ang pait na nagsisimula nang maramdaman ng Kanyang mga alagad. Paalis na Siya. Hindi lamang ito malungkot para sa mga alagad Niya. Nakasisindak din ito. Ang mga alagad ay naging sila dahil kay Jesus. Kapag lumisan na si Jesus, anong mangyayari sa kanila? Magiging ano at sino na sila? Hindi lamang batid ni Jesus ang sakit na nararanasan ng Kanyang mga alagad; ramdam Niya ito. Kaya nga’t inihahanda na ni Jesus ang Kanyangmga alagad para sa papipinto Niyang paglisan.

Ngunit tila ang ibinibigay Niyang payo sa kanila ay higit pang humahamon sa bawat-isa sa kanila: “Huwag kayong matakot.” Saan sasalok ng tapang ang mga alagad para hindi nga sila masindak sa hindi nila mapipigilang paglisan ni Jesus? Dapat silang sumalok sa katiyakan ng nabanggit kong tatlong mahahalgang bagay. Una, ang paglisan ni Jesus ay para sa higit na ikabubuti sapagkat, si Jesus na rin ang nagsabi, hindi mananaog ang Espiritu Santo kung hindi Siya lilisan. At napakahalagang dumating ang Espiritu Santo dahil ang Espiritu Santo, ayon kay Jesus, ang magtuturo sa mga alagad ng lahat ng bagay at magpapaalala sa kanila ng lahat ng Kanyang sinabi. Ikalawa, hindi pangwalang-hanggan ang paglisan ni Jesus. Ika pa nga Niya, Siya raw ay aalis ngunit babalik din Siya. Aalis daw Siya upang ipaghanda ng matitirhan ang mga nananalig sa Kanya, at kapag naipaghanda na Niya sila ng matitirhan, babalik Siya upang kung nasaan Siya ay naroroon ding kasama Niya ang mga sumasampalataya sa Kanya. At ikatlo, may mananatili sa mga alagad kahit pa sa paglisan ni Jesus: ang Kanyang pag-ibig, ang Kanyang Espiritu Santo, at ang Kanyang kapayapaan. Samakatuwid, ang paglisan ni Jesus ay hindi wakas ng kaugnayan sa Kanya; bagkus, pagpapaibayo pa nga. Simula ngayon, ang pakikipag-ugnayan kay Jesus ay hindi na sa pamamagitan ng paningin kundi ng pananalig, hindi sa pamamagitan ng mga mata kundi ng puso, hindi sa pamamagitan ng malinaw na pagkakakita kundi sa pamamagitan ng matalas na pagdama.

Sa paglisan ni Jesus, hindi Niya iniiwan sa Kanyang mga alagad ang mga kasagutan sa bawat tanong ng buhay. Ang mga alagad ay kailangang magbata ng maraming mga paghihirap, harapin ang hindi mabilang na kalituhan at kalabuan, at danasin ang iba’t ibang mga pag-uusig, kabilang na ang kamatayan mismo. Batid iyon ni Jesus. Maging sa loob ng kanilang sariling sambayanan, ang mga alagad ay hindi laging magkakasundo sa lahat ng mga bagay. Ang kuwento sa ating unang pagbasa sa Misang ito – ang pagtatalo tungkol sa usapin ng kung tutuliin ba o hindi ang mga hindi Judyong naging kaanib ng sambayanang Kristiyano – ay una at isa na ngang halimbawa ng maiinit na usaping humati sa mga sinaunang Kristiyano.

Bagamat iisang Jesus ang kanilang nakasalamuha, naranasan, at sinampalatayanan, ang mga alagad ay may kani-kaniyang alaala at pag-unawa kay Jesus. Dahil dito, iba-iba rin ang kanilang bibigyang-diin tungkol sa Pananampalataya. Sa sinasapit nilang pag-uusig mula sa mga hindi kaanib at sa karanasan din nila ng hindi pagkakasundo ng mga kaanib naman, higit nga nilang dapat paganahin ang kanilang pananampalataya kay Jesus at tunay nga nilang kailangan ang pangakong Espiritu Santo.

Natutunan ng mga alagad ang isang napakahalagang aral na tayo rin ay dapat makaunawa: lumisan si Jesus pero hindi Siya naglaho. Nawala si Jesus sa ating paningin pero hindi Siya naglaho sa ating buhay. Na lingid Siya sa ating paningin ay hindi nangangahulugang naglaho na nga Siya. Hindi sapagkat, di tulad ng mga pinagpalang alagad, hindi na natin nakikitang naglalakad si Jesus o naririnig ang Kanyang tinig o nahahawakan ang Kanyang kamay ay nangangahulugang hindi natin Siya singkapiling hung ihahambing noong kasa-kasama pa Siya ng mga alagad sa pisikal na paraan. Ang nagbago lamang ay ang paraan ng pagsasapiling ni Jesus. At dahil kapiling pa rin Siya sa ibang paraan, makikita, maririnig, at mahahawakan pa rin Siya ngayon sa iba ring paraan. Sa kasalukuyan, nararanasan natin ang bagong presensya ni Jesus sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa tuwing namumuhay tayo ayon sa Kanyang salita, sa tuwing tayo ay nagiging mga daan ng Kanyang kapayapaan, sa tuwing pinagsisilbihan natin ang ating kapwa nang taus-puso, mapagmahal, at may kapakumbabaan, at sa tuwing hinahayaan nating gabayan tayo ng Espiritu Santo sa gitna ng ating mga karanasan ng kalituhan, pag-uusig, at maging hidwaan sa loob ng sambayanang Kristiyanong ating kinabibilangan, nararamdaman natin, kaya’t nababatid natin, na si Jesus ay kapiling pa rin nga natin ngayon at magpasawalang-hanggan.

Huwag kayong ma-bored. Kapiling na kapiling natin si Jesus. Huwag kayong maiinip. Mahahayag Siyang muli nang lantaran sa lubos Niyang kaningningan.

Si Kristo’y namatay. Si Kristo’y magmuling nabuhay. Si Kristo’y babalik sa wakas ng panahon.

2 comments:

  1. Anonymous2:07 PM

    oo nga hindi dapat tayo ma-bore!
    thanks po Father. :]

    ReplyDelete
  2. hi fr. bob! looking forward to seeing you on may 31 at our lady of guadalupe.

    ReplyDelete