Pages

23 January 2010

AT HOME?

Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 1:1-4; 4:14-21

“There’s no place like home” – bukambibig ito nang marami. Gaano man kalayo mula sa ating tahanan ang paglalakbay na gawin natin, laging may pag-asa tayong makababalik pa rin. Sabi nga ni Gary Valenciano, “Matagal ka mang nawala, babalik ka rin, babalik ka rin.” Ito naman po ang sinulat ng bantog na makatang si Robert Frost: “Home is the place where, when you have to go there, they have to take you in.” Tunay nga namang isa sa pinakamasakit na karanasan ay ang itakwil ka ng sarili mong sambahayan, hindi ba?

Sa ating ebanghelyo ngayong Linggong ito, nagbabalik si Jesus sa lugar ng Kanyang kabataan, ang Nazareth. Dikit na dikit sa pagkakakilala sa Kanya ang bayang ito kung kaya nga’t tinatawag Siyang “Jesus of Nazareth” maging magpahangang ngayon. Sa ngayon alam na nating iniwan na ni Jesus ang tahanang Kanyang kinalakhan at pansamantalang sumama kay Juan Bautista na nagbinyag sa Kanya sa Ilog Jordan. Alam din nating nagbago ang Kanyang pamumuhay matapos noon: higit na naging lantad at tukoy ang Kanyang misyon sa buhay. Bagamat lumagi Siya sa ilang – nanalangin at nag-ayuno roon nang apatnapung araw at apatnapung gabi – hindi Siya roon nanirahan na parang hermitanyo. Si Jesus ay naging isang lagalag na mangangaral: ipinamalita at ipinadama Niya ang paghahari ng Diyos.

Nang Siya ay magbalik sa sarili Niyang bayan, nauna nang dumating doon ang bali-balita tungkol sa Kanya. Hindi nakapagtatakang nang minsang Siya ay nasa sinagoga para sumamba nang araw ng Sabbat, at ugali Niya niyon, inanyayahan si Jesus na mangaral. Gumalaw ang mga kamay ng Kanyang Ama at binuksan nito ang balumbon kung saan nasusulat ang pahayag ni Propeta Isaias tungkol sa darating na Mesiyas. Swak na swak ang pagbasang dapat maging batayan ng Kanyang pangangaral nang mga sandaling iyon. Wala na kasing mas tumpak pa sa pagbasang iyon para lagumin ang Kanyang plataporma: ipangaral ang mabuting balita sa mga dukha; ipahayag ang kalayaan sa mga bihag at panumbalikin ang paningin ng mga bulag; palayain ang mga nasisiil at ibalita ang taon ng biyaya – na siyang taon, ayon sa Lev. 25:8-55, kung kailan ang lahat ng mga pagkakautang ay kinakansela at ang lahat ng mga ari-arian ay ibinabalik sa mga tunay na nagmamay-ari.

Matapos basahin ang sinulat ng propeta, binulaga ni Jesus ang lahat: “Ang kasulatang ito ay natutupad na ngayon habang inyong napakikinggan.” Tulala ang madla. Oo nga’t ang kanilang kababata ay napakagaling nang mangangaral, and dati nilang kapitbahay na ito ay napakasikat na, at napagaling na rin Niyang manggagamot, pero hindi nila inasahang sasabihin Niyang Siya mismo ang katuparan ng matandang hula tungkol sa Mesiyas na darating. Kung itutuloy natin ang pagbasa sa mga susunod na bersikulo, kung saan nagtatapos ang ating ebanghelyo ngayong araw na ito, ang unang reaksyon ng mga kababayan Niya sa Kanya ay paghanga. Subalit hindi nagtagal ay ipinaalala nila kay Jesus ang Kanyang pinagmulan: “Anak ito ni Jose, hindi ba?” Pinigilan ng mga kapitbahay Niya na hadlangan ng Kanyang karunungan ang naaalala nila tungkol sa Kanyang pinagmulan. Nang Siya ay magbalik sa Kanyang mga kababayan bilang isa nang propetang mangangaral, binalikan naman nila ang Kanyang pamilya at kinalakhan. Hindi nila papayagang lumaki si Jesus, kung kaya’t ibinilanggo nila Siya sa nakaraan at sa isang pagkakakilalang pamilyar.

Sadya nga namang higit na madali kasing may karpinterong katabi kaysa propetang aali-aligid, hindi ba? Mas madaling pag-usapan ang mga sirang silya kaysa mga buhay na wasak. Nais ng mga kababayan Niyang manatili si Jesus sa nibel na kaya nila Siyang panghawakan. Minsan, mapanganib ang may kapitbahay na propeta. Ano’t hindi ba Siya ay Anak ng karpintero lamang?
Samantalang ipinaalala kay Jesus ng Kanyang mga kababayan na hindi Siya naiiba sa kanila, ipinaalala naman ni Jesus sa kanila na walang propeta ang tanggap sa sarili niyang bayan. At tila pinatotohanan pa nila ang paalala ni Jesus: galit na galit silang inilabas si Jesus mula sa sinagoga para sa itapon sa bangin. Ngunit mahinahong naglakad si Jesus sa gitna nila at umalis. Simula pa lang ito ng Kanyang ministeryo; hindi pa Niya oras. At hindi kataka-takang magmula noon ay hindi na Siya muling umuwi sa sarili Niyang bayan. Inampon Siya ng Caphernaum, ang bayan ni Simon Pedro, at itinuring na rin Niyang ikalawang tahanan ang bayang ito.

Kinailangan ni Jesus na lisanin ang mga kaginhawaan ng pamilyar na kapaligiran, iniwan Niya ang bayang Kanyang kinalakhan, upang higit Siyang lumago at maging kung anong klaseng taong nais Siyang maging ng Diyos Ama. May kailangan din kaya tayong lisanin, iwan, talikuran, bitiwan, o hayaan upang higit tayong lumago at matupad sa atin ang kalooban ng Diyos na Ama rin natin?
At nang magbalik si Jesus sa sarili Niyang bayan, hindi Siya tinanggap ng Kanyang mga kababayan. Tunay ngang tanggap ang propeta sa lahat ng lugar maliban sa kanyang sariling sambahayan. Kung tayo ang propeta, dapat ba tayong magtaka kung bakit may kaakibat na paghihirap ang ipahayag ang Mabuting Balita, lalong-lalo na sa mga taong hindi kaiba sa atin? At kung tayo naman ang tumatanggi sa propeta, dahil kaya ito sa gusto nating panatilihin ang nakagawian, nakasanayan, at nakahiligan kahit pa ito ay masama o, kung hindi man sukdulang masama, ay sadyang mali?

There’s no place like home. Pero huwag kang masyadong “at home”. Hindi dapat maging lubusang “at home” ang propeta. Walang “home” ang isang propeta. At, sa bisa ng binyag na ating tinanggap, kayo at ako ay mga propeta ring nakikibahagi sa misyon ni Jesukritong Panginoon.

“At home” ka ba?

No comments:

Post a Comment