Pages

27 July 2008

MAHIRAP PA SA DAGA

Ikalabimpitong Linggo sa Karaniwang Panahon

MAHIRAP PA SA DAGA
Mt 13: 44-52

Kilala ba ninyo si Dr. Faust? Alam ng halos buong mundo ang kuwento tungkol sa kanya. Ayon sa kuwento, si Dr. Faust ay isang dalubhasa noong edad medya. Isang gabi raw, sa kalaliman ng kadiliman, nakipagtipan siya sa diyablo. Kapalit ng habambuhay na kapangyarihan, katanyagan, at kayamanan, hiningi sa kanya ng diyablo ang kanyang kaluluwa. Sumang-ayon si Dr. Faust; nakamit niya ang lahat ng mga makamundong karangyaan sa loob ng ilang taon ngunit nabihag naman ng diyablo ang kanyang kaluluwa magpawalang-hanggan.

Tanyag sa buong mundo ang kuwentong ito ni Dr. Faust at ang kanyang pakikipagkasunduan sa diyablo dahil ang kanyang kuwento at nakapangingilabot na kasunduan ay may sinasabing tutoo tungkol sa buhay nating lahat. Ang pagpiling ginawa ni Dr. Faust ay laging nakatitig sa atin. Sa buhay na ito, dapat tayong magpasya kung ano nga ba ang talagang higit na matimbang sa atin: ilang taon ng kaligayahang dala ng kayamanang material o walang-hanggang kaligayahang bunga ng kayamanang makalangit. Bata pa tayo, hinubog na tayong piliin lagi ang pangwalang-hanggang kaligayahan, ngunit ang trahedya ng buhay ay ito: marami pa rin sa atin ang katulad ni Dr. Faust, ipagpapalit ang lahat makamtan lamang ang iniaalok ng mundong ito.


Tingnan mo nga ang katabi mo. Mukha ba siyang mayaman? Minsan mukha lang mayaman pero hindi naman talaga. Maayos at malinis kasi sila sa katawan. Minsan naman saksakan na pala ng yaman pero napakasimple lang. Ang iba sa kanila kasi ay talaga namang mababa ang loob, hindi pinangangalandakan ang kayamanan. Pero ang iba naman, talagang hindi lang maayos at malinis sa katawan kaya mukhang gusgusin kahit maykaya sa buhay. At meron din namang sila mismo ay nakasisilaw sa kayamanan, tadtad kasi ng alahas. Meron ngang iba riyan, magsisimba lang nakasuot pa ng mga brilyanteng singsing, parang may kadenang ginto sa leeg, sinlaki ng pinggan ang hikaw, at sinkapal ng kutson ng kama ang make-up sa mukha. Akala mo sasagala; ‘yun pala magsisimba.


Tingnan mo ulit ang katabi mo. Huwag kang mahiya kasi kanina ka pa rin niya tinitingnan, at nakangiti siya. Ano kaya ang iniisip niya tungkol sa iyo? Baka ito: “Hmmm, mukhang mayaman itong katabi ko ha. Kaibiganin ko nga para may mautangan ako.” O kaya, baka ito: “Aba, ang yaman nitong katabi ko. Ang kapal ng make-up. Mabentahan nga ng memorial plan.” O baka ito pa: “Ang yaman talaga nitong katabi ko. Naninilaw sa ginto. Baka may hepa. Makalayo nga, baka mahawa pa ako.” Hindi mo ba napapansin ‘yang katabi mo, kanina ang lapit-lapit niya sa iyo, di ba? Parang lumalayo siya.


Hayaan mo muna siyang malayo sa iyo ngayon kasi ang talagang dapat mong tingnan ay ang sarili mo at hindi ang iba. Ikaw, mayaman ka ba? Mayaman ka sa ano? Saan galing ang kayamanan mo? Ano nga bang uri ang yaman mo?


Ito ba ay tingang yaman? Ito ang yamang nakasabit sa iyo kaya madali at palaging napapansin. Hindi ba ganyan ang tinga. Nakasabit sa ngalangala. Pero mas karaniwan, nakasingit sa pagitan ng mga ngipin. Tinga ba ang yaman mo? Pinangangalandakan mo ba ito para mapansin at hangaan ka ng iba? Ingat ka, kasi higit na madalas, kaysa paghanga, inggit ang nararamdaman ng marami sa iyo. Ang tingang yamang iyan, puwede pang maging mitsa ng buhay mo. At pagmagkagayon, luluha ka at hindi lang sa tinga kundi pati sa muta yayaman ka.


Ito ba ay tigang yaman? Ito ang yamang nakatutuyo ng buhay. Nakakatawa, hindi ba? Noong panahon nila lolo at lola, ang mga tao raw ay nagtatrabaho para mabuhay. Ngayon, nabubuhay ang tao para na lang magtrabaho. Dati, ang tawag sa taong masipag kung magtrabaho ay kayod-kabayo. Ngayon, ang taong wala nang inatupag kundi trabaho, pati sariling kalusugan ay napababayaan, madaling magmukhang kabayo. Kaya nga siguro, isa ito sa dahilan kung bakit naimbento ang tinatawag nating early retirement, kasi 40 aƱos pa lang – hindi sa serbisyo kundi sa edad – pagod na pagod na, tigang na tigang na, sa kakakayod-kabayo. Natigang na sila ng yamang inaakala nilang makakamit nila sa pamamagitan lamang ng katatrabaho. Natigang na rin siguro ang kanilang relasyon sa kanilang asawa, mga anak, mga kamag-anak, mga kaibigan, mga kaparokya, at mga kapitbahay. Sa tutoo lang, hindi lahat ng kayod-kabayo sa pagtatrabaho ay yumayaman, marami sa kanila, inaatake sa puso.


Ito ba ay tagong yaman? Ito ang yamang nakakubli. Itinatago ito hindi dahil humble ang nagmamay-ari nito. Dalawa ang posibleng dahilan kung bakit ito nakatago. Ang isang posibleng dahilan kung bakit itinatago ang yamang ito ay kasi baka nakaw na yaman kaya nga, sa Ingles, ang tawag dito ay hidden wealth. Ang isa pang dahilan kung bakit itinatago ang yamang ito ay kasi baka mangutang ka pa. o kaya baka kupitan mo pa o hingin mo pa o nakawin mo pa. Mahirap talagang matiyak kung bakit ang yamang ito ay tago kasi pilit ngang itinatago. Pero tanungin mo kung may tunay na kapanatagan ang may ganitong uri ng yaman at hindi ka nila agad masasagot. Paano ka nila masasagot agad e laging naka-lock ang makakapal na gates nila. Matataas ang pader na may bubog pa sa tuktok at kamera sa magkabilang dulo. Ang sasagot agad sa iyo, kundi security guard nila ay ang mga aso. Ang galing, ano? Sobrang epektib ng yamang ito, hindi lang ang yaman ang nakatago. Pati ang mayaman nagtatago.


Ito ba ay tansong yaman? Ito ang pekeng yaman. Akala mo brilyante, puwet lang pala ng baso. Akala mo perlas, batong-buhay lang pala. Akala mo bata pa, nagpabanat lang pala. Akala mo nagpa-hairdye, ibinabad lang pala ang buhok sa agua oxinada. Akala mo pilak, stainless steel lang pala. Akala mo ginto, tanso lang pala. Kahit peke, basta’t makapagyabang lang, makaporma lang, okey na. Ang masakit nito, maraming napapahamak sa maling akala. Ayun, akala ng holdaper tutuong mayaman kaya hinoldap. Pero may mas malalim pang mga katanungan. Tutoo bang kayamanan ang salapi? Bakit nakabibili ito ng gamot pero hindi ng kalusugan? Tutoo bang kayamanan ang kapangyarihan? Bakit nakapagpapasunod ito pero hindi nakapagpapaibig? Tutoo bang kayamanan ang katanyagan? Bakit ang sikat noon, laos na ngayon? Tutoo bang kayamanan ang karunungan? Bakit ulyanin ka na? Tutoo bang kayamanan ang kagandahan? Bakit marami ka nang peleges sa mukha? Tutoo bang kayamanan ang mga materyal na bagay? Bakit nauubos, naluluma, at nasisira sila? Tutoo bang kayamanan ang kalakasan? Bakit ngayon kailangan mo pang uminom ng Centrum kasi you want to be complete? Hindi ka pa ba complete?

O ito ba ang tanging yaman? Ito ang kayamanang walang kupas at walang hanggan. Ito ang kayamanang hindi maibibigay at hindi mananakaw ninuman. Ito ang kayamanang maaaring makamit ninumang handang ipagpalit ang lahat mapasakanya lamang. At ipagpalit man niya ang lahat makamit lamang ang kayamanang ito, waging-wagi siya, hindi siya talo. Ang kayamanang ito ay si Jesukristo, ang dapat na maging tanging yaman ng buhay ko at buhay ninyo. Handa mo bang ipagpalit ang lahat para sa Kanya? Handa ka bang isakripisyo ang lahat para sa Kanya? Handa ka bang ialay ang lahat, pati na ang sariling buhay, para sa kanya? Handa ka bang “magpagkatanga” para sa Kanya? At handa ka bang gawin ang lahat ng ito nang bukal sa loob mo at, tulad ng lalaki sa ebanghelyo na nakatagpo ng kayamanang nakabaon sa bukid, may tunay na kaligayahan? Kung hindi, maaaring mukha ka ngang mayaman pero, sa tutoo lang, mahirap ka pa sa daga.

Tama na ang pagkukunwari, tansong yaman ang kayamanan mo. Tama na ang pagkukubli, tagong yaman ang kayamanan mo. Tama na ang kabaliwan, tigang yaman ang kayamanan mo. Tama na ang pagyayabang, tingang yaman ang kayamanan mo. Hanggang kailan ka magkukunwari? Hanggang saan ka magkukubli? Hanggang paano ka magpapakabaliw? Hanggang kanino ka magyayabang? Kay Jesus, hindi mo kailangang magkunwari, magkubli, magpakabaliw, at magyabang. Mahal na mahal ka Niya nang higit sa iyong inaakala. Siya ang kayamanang nagmamahal at hindi lamang minamahal. Siya ang iyong tanging yaman. Daga ka man kung ituring ng mundong ito, maharlika ka sa kaharian ng langit. At ngayon pa lang, maaari ka nang makabilang sa kahariang iyon kung si Jesus nga ang pipiliin mong yaman ng buhay mo. Hindi ito suwerte; biyaya ito. Hindi ito kapalaran; gaya ni Dr. Faust, pasya mo ito.
Anong pasya mo?

1 comment:

  1. Anonymous4:54 PM

    a reminder that a wife should be considred a "blessing" not a "curse" by her own husband and in-laws. sometime there are people who would accused someone as a curse in their life just because some don't get material things from that person. that they always equate luck = money. that when they have lots of money that they regard it as their ultimate blessing forgetting their christian values and virtues.

    ReplyDelete