HUWAG SANA NATING SAYANGIN
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Blg 6:22-27/Slm 66/Gal 4:4-7/Lk 2:16-21
Sa bungad ng Lumang Tipan ay may kuwento tungkol sa isang sinapupunang walang laman. Walang laman ang sinapupunan ni Sarah, asawa ni Abraham, dahil bukod sa siya ay matanda na, baog din siya. Kaya nga hindi lang walang laman ang kanyang sinapupunan, dapat lang na walang laman talaga iyon. Hindi katakatakang walang laman, hindi po ba?
Pero nagkalaman! Nagtiwala kasi silang mag-asawa sa salitang binitiwan ng Diyos kay Abraham na mula sa kanilang pagmamahalan ay uusbong ang mga anak na sindami ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa dalampasigan. Mahirap mang paniwalaan, nanalig pa rin sila sa katapan ng Diyos sa Kanyang pangako. Ang pananampalataya nila sa Kanya ang humubog sa kanilang pag-asa na balang-araw ay magiging mga magulang din sila.
Sa simula ng bagong taong ito, kayo po ba ay may laman o basyong-basyo? Hindi po sinapupunan ang tinutukoy ko. Higit na mahalaga ang puso. Ang puso po ba ninyo ay nag-uumapaw sa pag-asang binubuhay ng pananampalataya sa Diyos? O ang puso po ba ninyo ay hungkag na hungkag na sa anumang pagtitiwala hindi lamang sa Diyos kundi pati na rin sa kapwa? Sa bungad ng bagong taong ito, ano ang kalagayan ng puso ninyo? O higit pang mahalaga, ano ang kinalalagyan ng puso ninyo? Palibhasa ang sabi nga ng Panginoon, “Kung nasaan ang iyong yaman naroroon din ang iyong puso.”
Tuwing unang Misa ng taon, ang unang pagbasa ay nagbabadya ng pagbabasbas ng Diyos. Binabasa natin, mula sa Aklat ng Mga Bilang, ang panalangin ng pagbabasbas na mismong ang Panginoon daw ang nag-atas kay Moises na ituro kay Aaron na gamitin para bendisyonan ang Kanyang Bayan: “Pagpalain ka nawa at ingatan ng Panginoon: nawa’y kahabagan ka Niya at subaybayan; lingapin ka nawa Niya at bigyan ng kapayapaan.” Sa pagpapahayag sa atin, taun-taon, ng pagbasang ito, hindi lamang tayo binabasahan ng lektor; tayo po ay binabasbasan din ng Diyos. Sa bungad pa lamang ng bagong taon – bagong pagkakataong makapagsimulang muli, kalakip ang mga nais nating baguhin, pagbutihin, o kaya ay tuluyang alisin sa ating pamumuhay – pinupuno na tayo ng Diyos ng Kanyang mga biyaya: habag, pagsubaybay, paglingap, at kapayapaan. Ito ang mga, kumbaga, buena manong grasya ng Diyos na tila paunang tulak sa atin para pasimulan, ipagpatuloy, at dalhin sa kaganapan ang bagong paglalakbay natin sa buhay ngayong 2012.
Maaaring mistulang basyo ang simula ng isang tao – walang kalaman-laman, hungkag na hungkag – pero binabago iyon ng kagandahang-loob ng Diyos. Pinupuno at pinag-uumapaw Niya ang bawat-tao. At bagamat hindi kapani-paniwala kung minsan, nagiging posible ang tila imposible dahil, ika nga po ng anghel ng Panginoon kay Maria, “Walang hindi mapangyayari ang Diyos.”
Sa simula ng Bagong Tipan ay may kuwento rin naman tungkol din sa isang sinapupunang walang laman. Hindi dahil sa siya ay matanda na, ayon pa nga sa tradisyon, siya ay ka-torse años lamang, at wala rin namang pahiwatig na siya ay baog tulad ni Sarah sa Lumang Tipan, kundi siya ay dalaga pa’t birhen kaya walang laman ang kanyang sinapupunan. Pero nagkalaman din! Maria ang kanyang pangalan. Hindi kagagawan ng sinumang lalaki ang kanyang pagdadalantao. Bagkus, kagagawan ng Diyos. Kumatok ang Diyos sa kanyang sinapupunan. Pinagbuksan niya. Pinuno ito ng Diyos ng Kanyang Salita. At ang Salita ay nagkatawang-tao: bagamat taong tunay ay Diyos ding tutoo. Jesus ang Kanyang pangalan – Anak ng Diyos at Anak ni Maria.
Hindi lamang tao ang isinilang ni Maria kundi Diyos nga pong tutoo. Iisang persona ngunit may dalawang kalikasan: kalikasang pang-Diyos at kalikasang pantao. Subalit hindi naman maaaring hatiin ang iisang persona ni Jesus. Si Maria na ina Niya ay hindi lamang ina ng taong si Jesus kundi ina rin ng Jesus na Diyos; kung kaya’t si Maria ay ina Diyos.
Ina ng Diyos si Maria hindi dahil sa kanya nagmula ang pagka-Diyos ni Jesus. Bagkus, tinanggap ni Maria ang titulong “Ina ng Diyos” mula kay Jesus. Kailanman ay hindi naging diyosa si Maria at nananatili siyang taong katulad natin, bagamat nauuna sa atin. Kaya Ina ng Diyos si Maria ay dahil Diyos si Jesus na isinilang ng kanyang sinapupunan.
Samakatuwid, ang Dakilang Kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos, na ating ipinagdiriwang tuwing kauna-unahang araw ng taon, ay tungkol muna kay Jesus bago pa ito tungkol kay Maria. Sa pagpaparangal natin kay Maria bilang Ina ng Diyos, pinagtitibay natin ang ating pananamapalatayang si Jesus ay tunay na Diyos.
Sinasabi naman ni San Pablo sa ikalawang pagbasa tuwing bagong taon, mula sa kanyang sulat sa mga taga-Galacia, na nang dumating ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak na isinilang ng babae. Ang Anak na iyon ay si Jesus at ang babeng iyon naman ay si Maria.
Sa pamamagitan ng Anak Niya, pinagkalooban tayo ng Diyos, ika ni San Pablo, ng Espiritu ng Kanyang Anak mismo. Samakatuwid, sa paraang pag-ampon, naging mga Anak din tayo ng Diyos at mga kapatid ni Jesus. Sapagkat ibinuhos ng Diyos sa atin ang Kanyang Espiritu – ang Espiritung una nang nanaog kay Maria sa pagbuo ng katawang-tao ni Jesus sa kanyang sinapupunan – may karapatan din daw tayong tawagin ang Diyos na “Abba” o, sa wikang Hebreo, ang tumpak na kahulugan ay ang pamilyar na pantawag na “Tatay”. Dahil diyan, tinaggap din natin ang biyayang maging mga tagapagmana ng langit.
Nakikita po ba ninyo, wala sa atin ang nagsisimulang basyo? Pinondohan na tayo ng Diyos ng Kanyang bendisyon at Espiritu. Hindi na natin masasabing wala tayong laman. Ang Salita ng Diyos ay nagkalaman upang tayo ay magkalaman at managana pa! Samakatuwid, kung tulad ng mga pastol sa Ebanghelyo ngayong araw na ito ay nais nating matagpuan ang Kristo, matatagpuan natin Siya kung tunay nga nating nanaisin. Kung gusto nating tupdin ang kalooban ng Diyos, gaya ng inihahalimbawa sa atin ni Maria at Jose, magagawa natin ito kung talagang gugustuhin natin. At maibabalita rin natin sa iba na malapit na malapit lang ang Diyos sa atin – sapagkat Siya nga ay naging tao na rin – kung padadaluyin natin sa ating kapwa, sa pamamagitan ng ating kongkretong pagmamalasakit, ang mga biyayang tinanggap din naman natin sa Diyos.
Si Mariang Ina ng Diyos ay bukod ngang pinagpala hindi lang sa mga babaeng lahat kundi sa lahat ng nilalang sapagkat kinupkop na niya ang Diyos sa kanyang puso bago pa niya Siya pinanahan sa kanyang sinapupunan. Ibigay natin ang ating puso sa Diyos para maging tahanan Niya. Si Mariang Ina ng Diyos ay pinanaugan ng Espiritu Santo nang ipagdalantao niya si Jesus. Tinanggap din naman po natin ang Espiritung ito sa pamamagitan ng Binyag. Hayaan nating malayang makapagpasiya, makakilos, at makapaghari sa ating buhay ang Espiritung ito: isabuhay natin ang mga pangako natin sa Binyag.
Sa simula ng Lumang Tipan at ng Bagong Tipan sa Banal na Kasulatan ay may dalawang sinapupunang walang laman ngunit nilagyan ng Diyos ng laman. Sa simula ng bagong taon, huwag nating isiping wala tayong laman. Ang mga pinaglagyan lamang ng fireworks ang dapat ay basyo na ngayong araw na ito. Pero, kayo po at ako? Punung-puno tayo. Pinondohan tayo ng Diyos hindi lamang para sa mga pagsisikap natin ngayong taong ito kundi para sa paglalakbay natin sa ating buong pamumuhay. Huwag po sana nating sayangin. Kumbaga po, nangapital ang Diyos sa atin. Sana naman po, patubuin natin Siya. Huwag sana Siyang malugi sa atin.



1 Comments:
Tama po kayo Fr. Bob, our Lord Jesus emptied Himself for us miserable sinners.
Siguro po hindi na po iniisip ng Diyos na nalugi Siya sa atin. Ganun lang po Siya talaga magmahal sa kanyang mga nilikha. Sa katunayan, kawalan natin ang hindi pagtanggap at pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Kung may tinatawag na "mercy" para sa bawat isa; meron din namang "justice" na igagawad para sa 'tin sa takdang panahon.
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
Links to this post:
Create a Link
<< Home